Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin; kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan.
Sa inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat.
si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo.
Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig? Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos, ang siyang lumikha ng buong daigdig? Hindi siya napapagod; sa isipan niya'y walang makakaunawa.
Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas, taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
“Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya? Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha, sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?
Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
Sino ang makakasukat ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang kamay? Sino ang makakasukat sa lawak ng kalangitan? Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang sisidlan? Sino kaya ang makakapagtimbang sa mga bundok at burol?
Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa! Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga! Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
Siya'y naghahari sa lahat ng bansa, lampas pa sa langit ang pagkadakila.
Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh, na sa kalangitan doon nakaluklok?
“Si Yahweh lamang ang banal. Wala siyang katulad, walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
Ang sabi ni Yahweh, “Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.
Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,
“Sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon? Sino ang maaaring maging tagapayo niya?
Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.
Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.
“Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos, ang Diyos na walang hanggan. Matataas at banal na lugar ang aking tahanan, sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama, aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa.
Di masusukat ng tao ang kanyang kadakilaan, at ang kanyang mga taon ay hindi rin mabibilang.
Ang sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ako ang simula at ang wakas; walang ibang diyos maliban sa akin.
Sino ba itong dakilang hari? Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan, si Yahweh, matagumpay sa labanan.
Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan; mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga; ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya. Walang maaaring mag-utos sa kanya ni makakatutol sa kanyang ginagawa.
at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan.
Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating.
At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito: “Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon; ikaw ang lumikha ng kalangitan at ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit, ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito; ang dagat at ang lahat ng naroroon. Binibigyang buhay mo sila, at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.
Maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan, na hindi pa rin natin lubos na maunawaan. Sino kaya ang tatarok sa tunay niyang kadakilaan?”
Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman, walang makakatakas sa aking kapangyarihan; at walang makakahadlang sa aking ginagawa.”
O Yahweh, na aming Panginoon, sa buong mundo'y tunay kang dakila! Iyong papuri'y abot sa langit!
Pinupuri ka ng mga bata't bagong silang, ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan, kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay, pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
Nakikita sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng Makapangyarihan doon sa langit.
Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh; ikaw ay makapangyarihan, walang kasindakila ang iyong pangalan.
Sino ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa? Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan. Kahit na piliin ang lahat ng matatalino mula sa lahat ng bansa at mga kaharian, wala pa ring makakatulad sa iyo.
O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas? Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang, may banal na takot sa iyo at paggalang.
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
Si Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat.
Sinasabi nila sa isa't isa ang ganito: “Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat! Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”
Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag, hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
Walang nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili.
Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan, matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit, padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim, at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning, madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha, sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan, ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay; sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin, sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin; lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang, batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay; pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan, matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
Tunay, Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip, ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin, sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama, at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid, kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo, at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo, ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto.
Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam, sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.
O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man, ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba; palalakasin kita, kahit hindi mo ako nakikilala.
Ginawa ko ito upang ako ay makilala mula sa silangan hanggang kanluran, at makilala nila na ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba.
Ako ang lumikha ng dilim at liwanag; ako ang nagpapahintulot ng kaginhawahan at kapahamakan. Akong si Yahweh ang nagpapasya ng lahat ng ito.
“Aming Panginoon at Diyos! Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan; sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay, at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha.”
Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal, at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga, iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan; mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam. Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina, tulad ng tolda upang matirahan.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang, hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan, ikaw noon ay Diyos na, pagkat ika'y walang hanggan.
Ang sabi ni Daniel: “Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos, pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan, naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan; siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan; nakatatalos sa mga nasa kadiliman, sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila: “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga; yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa.
Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa, at maaasahan ang kanyang salita! Siya ay kalasag ng mga umaasa, at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad sa maraming bagay na iyong ginanap; kung pangahasan kong sabihin ang lahat, nangangamba akong may makalimutan.
Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa, dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
Ganito ang sabi sa kanya: “Ako ang lumikha, humugis at nag-ayos ng buong daigdig. Yahweh ang aking pangalan.
“Kung paanong hindi mababago ang batas na itinakda ko para sa araw at sa gabi,
gayon din naman, hindi masisira ang aking pangako sa lingkod kong si David at sa mga Levita. Hindi mawawalan ng uupo sa trono mula sa kanyang lipi; hindi rin mauubos ang mga pari sa lahi ni Levi.
Gaya ng hindi mabilang na bituin sa kalangitan at buhangin sa dagat, gayon ko pararamihin ang mga inapo ng aking lingkod na si David at ng mga Levitang naglilingkod sa akin.”
Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
“Hindi mo ba napapansin na sinasabi ng mga tao, itinakwil ko raw ang dalawang angkang hinirang ko? Kaya hahamakin nila ang aking bayan at hindi na ituturing na isang bansa.
Ngunit sinasabi ko naman: Kung paanong itinakda ko ang araw at gabi at ang tiyak na kaayusan sa langit at sa lupa,
mananatili rin ang aking pangako sa lahi ni Jacob at sa lingkod kong si David. Magmumula sa angkan ni David ang hihirangin kong maghahari sa lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Ibabalik ko ang kanilang kayamanan at sila'y aking kahahabagan.”
Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman.
Kung itong si Yahweh ang aking kasama at laging kapiling, walang pagkatakot sa aking darating.
Si Yahweh ang siyang sa aki'y tumutulong laban sa kaaway, malulupig sila't aking mamamasdan.
Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan, siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.
Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya.
Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan.
Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos.
Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.
Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.
Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya, na isinisigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang dumarating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’”
Mula sa kapuspusan ng kanyang kagandahang-loob, tumanggap tayong lahat ng abut-abot na kagandahang-loob.
Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit ang natatanging Diyos na pinakamamahal ng Ama, ang nagpakilala sa Ama.
Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng mga pari at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya.
Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita.
Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.”
“Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propeta?” Sumagot siya, “Hindi rin.”
“Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli.
Sumagot si Juan ayon sa nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias, “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’”
Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo.
Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?”
Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala.
Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.”
Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan.
Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.
Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya.
Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.
Wala nang ibang diyos na tulad mo, O Yahweh. Pinapatawad mo ang mga kasalanan ng mga nakaligtas sa bayan mong pinili. Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig.
Muli mo kaming kaaawaan. Tatapakan mo ang aming mga kasalanan at ihahagis sa kalaliman ng dagat.
Sinabi ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga. Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’.
Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan; walang makakaangkin ng aking karangalan; ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap,
ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan, kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
“Ako ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang kasalukuyan, nakaraan, at darating.
Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin, isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin;
sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.
Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag; dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
Walang makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa.
“Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo: Ako ang lumikha ng lahat ng bagay. Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan, at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan.
Hindi kayo dapat matakot sa kanila sapagkat kasama ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh, ang dakila at makapangyarihang Diyos.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan, at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan. Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig, kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.
O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman, tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang; lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
Si Yahweh ay hindi madaling magalit subalit dakila ang kanyang kapangyarihan; at tiyak na mananagot ang sinumang sa kanya'y kumalaban. Bagyo at ipu-ipo ang kanyang dinaraanan; ang mga ulap ay kagaya lamang ng alikabok sa kanyang mga paa.
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin, at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Sa lahat ng bansa, makikita ng mga nilalang, ang kamay ni Yahweh na tanda ng kalakasan; at ang pagliligtas ng ating Diyos tiyak na mahahayag.
Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha! Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa, sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan. Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan.
“Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo!
Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha, sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan, ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay; sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat.
O Yahweh, ikaw ang aking Diyos; pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan; sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa; buong katapatan mong isinagawa ang iyong mga balak mula pa noong una.
Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”
Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay, ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan, maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas, at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.
“Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin, yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain? At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat; ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin; kayo'y aking ililigtas, ako'y inyong pupurihin.”
Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot, “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos? Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot, at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan, at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.
“Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin; sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan, makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.
Sa harap ni Yahweh ang mga bansa ay walang kabuluhan, tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan; at ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang.
Hindi sapat na panggatong ang lahat ng kahoy sa Lebanon. Kulang pang panghandog ang lahat ng hayop sa gubat roon.
Sa kanyang harapan, ay walang halaga ang lahat ng bansa.
“Si Yahweh ang inyong batong tanggulan, mga gawa niya'y walang kapintasan, mga pasya niya'y pawang makatarungan; siya'y Diyos na tapat at makatuwiran.
Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang, ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan. Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan, nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran, ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban. Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama, nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay, magpapatuloy ito magpakailanman; ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan, patas at walang kinikilingan.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog, malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos; higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.
Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.]
Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan, taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
O langit, magpuri ka sa tuwa! Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok, sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang, sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos? Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis, alon mang malaki'y napapatahimik.
Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas, upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
Kaya't hiniling ni Moises, “Yahweh, ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian!”
“Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan,
Sinong nasa likod ng lahat ng ito? Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula? Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man, at mananatili hanggang sa katapusan.
Napakadakila mo, O Panginoong Yahweh. Wala pa kaming nababalitaang Diyos na tulad ninyo. Ikaw lamang ang Diyos.
Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila: “Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Purihin ang kanyang dakilang pangalan, na higit na dakila sa lahat ng papuri!”
Pagdating ng araw na iyon, ang mga palalo ay papahiyain, at ang mga maharlika ay pababagsakin, pagkat si Yahweh lamang ang dapat dakilain,
Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila, higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa, at kahit sa karagatan, ang anumang panukala, ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
Sa gayon, malalaman ng lahat ng tao sa balat ng lupa na si Yahweh ay Diyos, at liban sa kanya'y wala nang iba.
subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo.
Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh.
Si Yahweh ang lumikha ng kalangitan, siya rin ang lumikha ng daigdig, ginawa niya itong matatag at nananatili, at mainam na tirahan. Siya ang maysabing, “Ako si Yahweh at wala nang iba pang diyos.
“Alam kong ang lahat ng bagay ay kaya ninyong gawin, at walang makakapigil sa lahat ng inyong balakin.
nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan, at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
Maliban sa iyo, lahat ay lilipas, at tulad ng damit, lahat ay kukupas; sila'y huhubaring parang kasuotan.
Ngunit mananatili ka't hindi magbabago, walang katapusan ang mga taon mo.
Ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Inayos niya ang daigdig ayon sa kanyang karunungan; iniladlad niya ang mga langit ayon sa kanyang kaunawaan.
Ako ang lumikha sa pundasyon ng daigdig, ako rin ang naglatag sa sangkalangitan; kapag sila'y aking tinawag, agad silang tutugon.
Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.
Ang taglay mong lakas at kapangyarihan, ay walang kaparis, di matatawaran!
Ang kaharian mo ay makatarungan, saligang matuwid ang pinagtayuan; wagas na pag-ibig at ang katapatan, ang pamamahala mong ginagampanan.
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig, ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho, at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.” Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una, bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.
Pagkatapos ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
Sapagkat si Yahweh, siya ay dakila't makapangyarihang Diyos, ang dakilang Haring higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad ang buong daigdig, pati kalaliman; ang lahat ay kanya maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat at pati ang lupa na kanyang nilalang.
Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan, walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan. Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan, at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan.
At ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila na iisang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo.
Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba; palalakasin kita, kahit hindi mo ako nakikilala.
Ginawa ko ito upang ako ay makilala mula sa silangan hanggang kanluran, at makilala nila na ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba.
Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay.
Mga paraan ng Diyos ay walang kapintasan; pangako ni Yahweh ay sadyang maaasahan. Sa nagpapakupkop, siya ay kalasag.
“Maliban kay Yahweh, may Diyos pa bang iba? Iisang tanggulan, hindi ba't siya na?
“Mayroon bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.”
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya, ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila, lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
Napuno ng mga palakang kay rami ang buong lupain, maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
Sa utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot, sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
Sa halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan, ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos, ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
Isang utos lamang at biglang dumating ang maraming balang, langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain, sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
Ang mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay, kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.
Pagkatapos nito, ang bayang Israel kanyang inilabas, malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis, pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
Ang naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap, at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
“Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin, ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing.
Alam mo ba kung paano niya inuutusan, na maglabasan ang kidlat sa kalangitan?
Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang? Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman.
Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay, pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay! Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay, walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang; sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi, upang pagalingin ang mga sugatang-puso, upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya.
Buong puso akong nagagalak kay Yahweh. Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran, gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak, gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas.
Kung paanong sa lupa'y sumisibol ang halaman, at sa hardin ay lumilitaw ang binhing itinanim, ipapakita ng Panginoong Yahweh, ang kanyang katuwiran at papuri sa harap ng lahat ng bansa.
Sinugo niya ako upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ni Yahweh; at ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway; sinugo niya ako upang aliwin ang mga nagluluksa;
upang pasayahin ang mga tumatangis sa Zion, kaligayahan sa halip na bigyan ng kapighatian, awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan; matutulad sila sa mga punong itinanim ni Yahweh, na ginagawa kung ano ang makatuwiran, at maluluwalhati ang Diyos dahil sa kanilang ginawa.
Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan, siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay; 'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal, siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan. Ang Diyos ay papurihan!
Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan, at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan; napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa. Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan, at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito.
Inaawit nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero: “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa! O Hari ng mga bansa, matuwid at totoo ang iyong mga paraan!
Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon? Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan? Ikaw lamang ang banal! Lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa iyo, sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa.”
“Sino itong dumarating na buhat sa Edom, buhat sa Bozra na ang maringal na kasuotan ay kulay pula? Sino ang magiting na lalaking ito na kung lumakad ay puno ng kasiglahan? Ako ang nagbabadya ng tagumpay; ang kalakasan ko'y sapat na upang kayo ay iligtas.”
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, kapamahalaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen.