Napakalakas at nakakapagpabago ng buhay ang salita ng Diyos. Maraming mga talata sa Bibliya ang palagi nating naririnig at tunay na may kapangyarihang magtransform ng ating pag-iisip at pamumuhay. Mga talatang inaaral natin at isinasabuhay sa araw-araw.
“Kaya ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo na nagpapalakas sa akin.” (Filipos 4:13) Ito 'yung isa sa mga talatang palagi nating kinakapitan, lalo na kapag parang nawawalan na tayo ng lakas. Nakaka-inspire, 'di ba?
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya't ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ito naman, isa sa pinakamahalaga, at malamang isa rin sa mga unang talatang narinig mo noong ipinakilala sa'yo si Hesus. Talagang nakakaantig ng puso.
Marami pang ibang mga talata na kilala at mahalaga, at dito mo mahahanap ang mga 'yan. Sana'y maging gabay at inspirasyon ang mga ito sa iyong buhay.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan, ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat.
Sapagkat si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan, sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan, ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.
Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama, ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.
Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan, ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.
Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan, ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan.
Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal, ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay.
Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit, ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit.
Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala, ngunit ang nagpipigil ng dila ay dunong ang pakilala.
Nagtataglay ng kaalaman ang maingat magsalita, ang mahinahon ay taong may pagkaunawa.
Kung magalit ang mangmang ay walang pakundangan, ngunit ang matalino'y nagpipigil na ang galit niya'y mahalata.
Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito, at higit sa gintong lantay ang tubo nito.
“Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas, anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan, ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay.
Ang taong may unawa ay tumatanggap ng payo, ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas ang ulo.
Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad at mangmang. Ito'y puno ng matinik na damo, at gumuho na ang bakod nito. Ang nakita ko'y pinag-isipan kong mabuti at may nakuha akong magandang aral: Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan. Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.
Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi. Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.
Ang paggawa ng kasalanan ay kasiyahan ng masama, ngunit ang mabuting asal, kasiyahan ng may unawa.
Ang matalino ay nagdaragdag ng kaalaman, ang may unawa'y namumulot pa ng karunungan.
Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan, ang pagpapatawad sa masamang ginawa sa kanya ay kanyang karangalan.
Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa, ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita.
Ang taong may unawa ay lumalayo sa kasamaan, ngunit ang mangmang ay napapahamak dahil sa kapabayaan.
Namamana sa magulang ang bahay at kayamanan, ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabuting maybahay.
Ang taong nakakaalam ng kanyang sinasabi, daig pa ang may ginto at alahas na marami.
Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan, ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban.
Ang karunungan ay higit na mabuti kaysa kalakasan. At ang kaalaman ay kapangyarihan.
Huwag mong ipagyabang ang iyong nalalaman; igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan.
Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin, lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim; Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw, sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan. Aking anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin, at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil, pagkat lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan, tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang. Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito, at higit sa gintong lantay ang tubo nito. Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan, at walang kayamanang dito ay maipapantay. Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman, may taglay na kayamanan at may bungang karangalan. Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman, at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw. Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan, para siyang punongkahoy na mabunga kailanman. Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig, sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit. upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay, at maging masagana sa lahat ng kailangan.
Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino, ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.
Ang matalinong anak ay ligaya ng magulang, ngunit tinik sa dibdib ang anak na mangmang.
Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay, at kamatayan naman ang hatid ng karahasan.
Ang nakikisama sa may unawa ay magiging matalino, ngunit ang kasama ng mangmang ay masusuong sa gulo.
Ang matalinong babae ay nagtatatag ng kanyang bahay, ngunit winawasak ng isang mangmang ang sariling tahanan.
Nalalaman ng matalino ang kanyang ginagawa, ngunit ang mangmang ay inaakay ng mali niyang unawa.
Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
Ang sumusunod sa payo ay mananagana, at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala.
Karunungan ang pangarap ng taong may unawa, ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
Ang wika ng tao ay bukal ng karunungan, parang dagat na malalim at malamig na batisan.
Ang labi ng mangmang, bunga ay alitan, at ang kanyang bibig, hatid ay kaguluhan. Kanyang bibig, maghahatid sa sariling kasiraan; kanyang labi nama'y isang bitag na kahuhulugan.
Masugid man kung mangmang, walang mapapakinabang; ang kawalan ng tiyaga'y magbubulid sa kaguluhan.
Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao, kaya isang kamangmangan ang magpakalulong dito.
Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan, kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.
Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.
Ang digmaa'y naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pagpaplano sapagkat ang tagumpay ay bunga ng mabuting payo.
Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.
Nakakita na ba kayo ng taong nag-aakalang siya ang pinakamatalino? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa taong ito.
Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang, ngunit ang sumusunod sa magandang payo ay malayo sa kapahamakan.
Ang mahirap na gumagalang at sumusunod kay Yahweh, ay mas mainam kaysa mayamang panay hirap naman ang kalooban.
Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran, ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan. Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan, huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan.
Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala, huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita. Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Sa kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak, ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
Ang matalino'y natututo sa isang salita ngunit ang mangmang ay hindi, hampasin mang walang awa.
Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan, at ang pagsupil sa sarili kaysa pagsakop sa mga bayan.
Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon.
Ang mabuting payo ay kailangan para magtagumpay; kung hindi ka handa huwag nang pumalaot sa labanan.
Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugan ngang ikaw ay mahina.
Ang mabuting babae ay karangalan ng asawa, ngunit kanser sa buto ang masamang asawa.
Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban, ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan.
Ang pagpapatawad sa kapwa ay nagpapasarap sa samahan, ngunit ang pagkakalat ng kahinaan ay sumisira ng pagkakaibigan.
Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay, ang nais lang niya'y ipakitang siya'y may alam.
Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay, makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.
Sinasabi ng bawat isa na siya ay tapat, ngunit kahit kanino sa kanila'y hindi ka nakakatiyak.
Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.
Namamatay ang apoy kung ubos na ang kahoy; nahihinto ang away kapag walang nanunulsol.
Mabuti nang di hamak ang hangal kaysa taong ang sinasabi'y hindi na pinag-iisipan.
Ang karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan, tulad lang ng paghahabol sa hangin.
Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan, ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay.
Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata, ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan.
Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay, ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban.
Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong.
Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan.
Sari-saring kaguluhan ang bunga ng kapootan, ngunit ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan.
Walang maitatago sa bibig ng madaldal, ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan.
Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan, ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y magtatamo ng kagalakan.
Ang humahamak sa kapwa ay gumagawa ng masama, ngunit ang matulungin, ligaya ang tinatamasa.
Kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa panlasa, pampalusog ng katawan.
Huwag kang makipagkaibigan sa taong bugnutin, ni makisama sa taong magagalitin, baka mahawa sa kanila at sa bitag ay masilo.
Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.
Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.
Ang nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon. Ang nagpapagulong ng bato ang siyang tatamaan niyon.
Ang palakol ay pumupurol kapag hindi hinahasa. Ang mahusay na plano ay nakakatulong nang malaki sa pagtatagumpay.
Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti, ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay, ang gumawa nito'y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan.
Ang nakikinig sa payo ay nasa daan ng buhay, ngunit ang ayaw sumunod ay tungo sa pagkaligaw.
Alam ng matalino kung may panganib at siya'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
Ang taong masayahin ay laging nakangiti, ngunit ang may lumbay ay wari bang nakangiwi.
Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan, ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang.
Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya, ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama.
Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay, mga bagay na kanyang kinasusuklaman: kapalaluan, kasinungalingan, at mga pumapatay sa walang kasalanan, pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan, mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan, saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin, pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin.
Binigyan tayo ni Yahweh ng isipan at ng budhi, kaya't wala tayong maitatago kahit na sandali.
Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba, magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
Ang maingat magsalita ay nag-iingat ng kanyang buhay, ngunit ang taong madaldal ay nasasadlak sa kapahamakan.
Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina, anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang.
Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.
Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang, ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan.
Ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak, at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak.
Ang mahirap ay nasa kapangyarihan ng mayaman, ang nangangailangan ay alipin ng nagpapahiram.
Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan, kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala, ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh at ang kapakumbabaan ay nagbubunga ng yaman, buhay at karangalan.
Ang taong masipag ay sagana sa lahat, ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat.
Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad, ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap.
Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan, ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.
Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.
Ang akala ng tao lahat ng kilos niya'y wasto, ngunit si Yahweh lang ang nakakasaliksik ng puso.
Ang nag-aalaga sa punong igos ay makakakain ng bunga niyon; ang aliping may malasakit ay pararangalan naman ng kanyang panginoon.
Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay, at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap, at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad.
Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan, ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan.
Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap, daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay bukal ng buhay, at ang taong mayroon nito'y malayo sa bitag ng kamatayan.
Ang kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa, kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ. Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan, huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.”
Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid, ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig.
Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway, tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal. Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman, ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal.
Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar, ang masama at mabuti ay pawang minamasdan.
Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman, bagkus sa hirap siya'y masasadlak.
Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.
Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig, sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit. upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay, at maging masagana sa lahat ng kailangan. Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig, pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit.
Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan, at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan. Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan, kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan. Huwag kang maiinggit sa taong marahas ni lalakad man sa masama niyang landas. Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot, ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot. Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama, ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala. Ang mga palalo'y kanyang kinasusuklaman, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban. Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan, ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang. Sa gayon, malulugod sa iyo ang Diyos, at kikilalanin ka ng mga tao.