Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
“Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh, pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Katulad niya'y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan; ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito, kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga.
Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala.
Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman, sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
Tanging sa Diyos lang ako umaasa; ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang. Siya'y malakas kong tagapagsanggalang, matibay na muog na aking kanlungan.
Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas; siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.
Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan
upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?”
sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Do'n sa mga burol, ako'y napatingin— sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula, sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
“Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.
Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan, at inaakay niya sa tahimik na batisan.
Higit na mabuti na doon kay Yahweh magtiwala ako, kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay, kaysa pamunuan ang ating asahan.
Kay Yahweh tayo'y magtiwala! Manalig sa kanya at huwag manghinawa. Kay Yahweh tayo magtiwala!
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.
At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag, tiwala ko'y sa kanya nakalagak. Tinutulungan niya ako at pinasasaya, sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.
Ako ma'y mahirap at maraming kailangan, subalit hindi mo kinalilimutan. Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas— Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!
Mga paraan ng Diyos ay walang kapintasan; pangako ni Yahweh ay sadyang maaasahan. Sa nagpapakupkop, siya ay kalasag.
Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan, dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila; sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos, tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.
Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan.
Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
“Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Masamang balita'y hindi nagigitla, matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
Wala siyang takot, hindi nangangamba, alam na babagsak ang kaaway niya.
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap,
ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.”
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
Kaya't malakas ang loob nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa; tulong na malaki at sanggalang siya.
Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa; sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin;
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig, kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Kayong lahat na may paggalang kay Yahweh, at sumusunod sa utos ng kanyang lingkod, maaaring ang landas ninyo ay maging madilim, gayunma'y magtiwala kayo at umasa sa kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh.
Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!”
Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag; sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas, pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak, ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan, nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan; dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan, ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.
Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang, ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon, pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay.
Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan?
Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan, sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang aking tagapagligtas.
Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.
Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman.
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga.
At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa.
At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.
Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, “Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin; kayo'y aking palalakasin at patatatagin.” Ngunit kayo'y tumanggi.
Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa.
Ako'y nakakatulog at nagigising, buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
Sa maraming kalaba'y di ako matatakot, magsipag-abang man sila sa aking palibot.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
Ang sabi ni Yahweh, “Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan.
Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala, ikaw ang aking Diyos na dakila!
Ikaw ang may hawak nitong aking buhay, iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat.
At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan; magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay, ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin.
Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan, hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang.
Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo, at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo.
Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis, sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos, inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya, pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili;
hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman.
May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban.
At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig, dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
Laging buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig, bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan, “Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”
Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog, sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap, bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang, ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki, kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod, katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos; yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat, ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang, sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan. Purihin si Yahweh!
ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag, kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.
Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon.
Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo; ingatan mo kami araw-araw at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis, sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.
Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan.
Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan; at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.
Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas, magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
O Yahweh, ika'y aking aawitan, dahil sa iyong masaganang kabutihan.
upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako! Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag, ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama.
Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat, at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.
Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!
Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait, wagas ang pag-ibig, di madaling magalit, lubhang mahabagi't banayad magalit.
Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan,
nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.
Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan, kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma, at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala; ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos.
O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan, itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay, sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas, dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)
Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.
Kahoy na olibo sa tabi ng templo, ang aking katulad; nagtiwala ako sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
“Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.
Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon.
Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.
Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak, patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.
Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,
Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay, matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula na maging kanya sa pamamagitan ni Cristo, ayon sa kanyang plano. Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban.
Sinabi niya, “Makinig kayo, Haring Jehoshafat, at kayong mga taga-Juda at Jerusalem. Ganito ang sinasabi sa inyo ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot ni masiraan ng loob dahil sa maraming kaaway. Ang Diyos ang makikipaglaban at hindi kayo.
Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal, kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
“Ako ang maghahanda ng iyong daraanan, mga bundok doo'y aking papatagin. At sa mga lunsod, mga pintong tanso'y aking wawasakin; pati kandadong bakal ay aking tatanggalin.
Sinabi ni Yahweh, “Halikayong lahat na mga natitirang buháy mula sa lahat ng bansa; kayong mga mangmang na nagpapasan ng mga imaheng kahoy at dumadalangin sa mga diyus-diyosan na hindi makakapagligtas. Ang mga taong ito'y walang nalalaman.
Ipagtanggol ninyo ang inyong panig. Magsanggunian kayo. Sino ang makakapagsabi ng mga bagay na magaganap? Hindi ba akong si Yahweh, ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan? Walang ibang diyos maliban sa akin.
Lumapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas, kayong mga tao sa buong daigdig. Walang ibang diyos maliban sa akin.
Ako ay tapat sa aking pangako at hindi magbabago, at tutuparin ko ang aking mga pangako: ‘Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan, at mangangakong sila'y magiging tapat sa akin!’
“Sasabihin nila, si Yahweh lamang ang matuwid at malakas; at mapapahiya ang sinumang sa kanya'y maghimagsik.
Akong si Yahweh ang magliligtas sa lahi ni Israel; sila'y magtatagumpay at magpupuri sa akin.”
Ibibigay ko sa iyo ang nakatagong mga kayamanan at alahas; sa gayon, malalaman mong ako si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang siyang tumawag sa iyo.
Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya, siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.
kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob; sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan.
Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko.
Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan, ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.
“Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos, at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog.
Mga dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan, mga kababalaghan niya ay walang katapusan.
Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa, at maaasahan ang kanyang salita! Siya ay kalasag ng mga umaasa, at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
Ang sagot ni Yahweh, “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.
Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad.
Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako, sa aking paglakad ay inaakay mo.
Ang mga payo mo'y umakay sa akin, marangal na ako'y iyong tatanggapin.
Muling nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.”
Aakayin ko ang mga bulag, sa mga daang hindi nila nakikita. Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila, at papatagin ko ang mga daang baku-bako. Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila.
Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos.
At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.
sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol, aagos ang masaganang tubig sa mga libis; gagawin kong lawa ang disyerto, may mga batis na bubukal sa tuyong lupain.
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan, kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
Dahilan sa iyo, O Diyos, ang hari ay magdiriwang, kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan. Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan, at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal.
Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan.
Sinabi ni Yahweh, “Ako ang nagbibigay ng iyong lakas. Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao? Mamamatay rin silang tulad ng damo.
Bakit mo nilimot si Yahweh na lumikha sa iyo— siya na naglatag ng kalangitan at naglagay ng pundasyon sa mundo? Bakit lagi kang takot sa nang-aalipin? Dahil ba sa galit sila sa iyo, at gusto kang puksain? Ang galit nila'y huwag mong pansinin.
Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay, sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan; ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.