Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.
Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan.
Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal, ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng karangalan.
Sumagot ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong lakas mo, at buong pag-iisip mo;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”
“Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”
Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos.
Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.”
Huwag mong samantalahin ang kahinaan ng mahihirap, ni pagmalabisan ang dukha sa harap ng hukuman.
Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit. At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.
At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan.
Nagbibigay sa mga nangangailangan, pagiging mat'wid niya'y walang hanggan, buong karangalang siya'y itataas.
Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan
ay ipinagkakatiwala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain.
Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon?
Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon.
At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
“Pagdating ninyo sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, huwag ninyong pagkakaitan ng tulong ang mga kababayan ninyong nangangailangan.
Sa halip, ibukas ninyo sa kanila ang inyong mga palad at pahiramin sila ng anumang kailangan.
Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira.
Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”
Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw, ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng kabibigay.
Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.
Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa.
Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.
Sa halip, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”
Kailanma'y hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.
Sinabi sa kanya ni Elias, “Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo.
Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel: Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan hanggang hindi sumasapit ang takdang araw na papatakin na ni Yahweh ang ulan.”
Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan.
Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos.
Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”
Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos.
Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait, ngunit ang masama kahit kanino ay sadyang mabagsik.
Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig.
“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo.
Malugod nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal.
Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan, ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan.
Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.
Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti.
Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo.
Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan, at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.
Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
“Kung sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain.
Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi ang pinagbilhan sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.”
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila, at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan, at sa matuwid nauuwi ang naipon ng isang makasalanan.
Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang hindi na kailangang mag-ambagan pa pagpunta ko riyan.
Sapagkat tinulungan ko ang dukha sa kanilang pangangailangan, dinamayan ko ang mga ulilang wala nang mapuntahan.
Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan.
Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo, tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”
Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami.
Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan.
Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.
Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.
Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin.
Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa.
Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap, si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
“Kapag nangutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga nagpapatubo.
“Kung ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo.
Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran kita pagbalik ko.’”
Ang humahamak sa kapwa ay gumagawa ng masama, ngunit ang matulungin, ligaya ang tinatamasa.
“Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao ang pagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.
Dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw;
at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]’
“Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit.
Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.”
“Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok
upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
“Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw.
“Kaya nga, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y purihin ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw.
Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
“Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan.
Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”
“Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.
“Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit?
Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon?
Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?
“At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit.
Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit nang singganda ng isa sa mga bulaklak na ito.
Sa halip, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipaalam ito maging sa matalik mong kaibigan.
Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!
“Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit.
Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito.
Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
“Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Gawin mong lihim ang iyong pagbibigay ng limos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
Sumagot siya sa kanila, “Sinumang mayroong dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Gayon din ang gawin ng sinumang may pagkain.”
kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin, at tutulungan ang mahihirap, sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman, at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.
Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay, at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.”
“Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’
At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap, at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad.
Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagtatrabaho ay dapat ninyong tulungan ang mahihina. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ‘Higit na pinagpala ang nagbibigay kaysa tumatanggap.’”
Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos?
Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya.
Palaging maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman.
Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob.
Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.
Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.
Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap; pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.
Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.”
Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa.
Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay.
Ang pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinuman para sa kanyang mga kaibigan ay ang ialay ang kanyang buhay para sa kanila.
Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang, ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.
Ang kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa, kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ.
Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.
At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
“Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob sapagkat ang lahat ng ito ay galing sa inyo at ibinabalik lamang namin.
ayon sa kanilang makakaya, ayon sa dami ng pagpapalang tinanggap ninyo mula kay Yahweh na inyong Diyos.
“Di ako nagkait ng tulong kailanman, sa mga biyuda at nangangailangan.
Di ko pinabayaan ang mga ulila, kapag ako'y kumain, kumakain din sila.
Sa buong buhay ko sila'y aking tinulungan, inalagaan, mula pa sa aking kabataan.
Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa, ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan.
Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa.
Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag.
Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”