Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa; iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga.
Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.
Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa
ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa, maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa? Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan; magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay, ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas; lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak, ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.
Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas, ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
Sasabihin ng lahat sa araw na iyon: “Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas, siya si Yahweh na ating inaasahan. Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.”
Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal,
Dahil dito, nagsisikap tayo at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.
Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh, dulot ay kapayapaan, may hatid na katatagan sa buong sambahayan.
Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin.
Dahil dito, natuwa ang puso ko at ang mga salita ko'y napuno ng galak, at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa.
Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
Ikaw ang tanging pag-asa ng Israel, ikaw lamang ang makakapagligtas sa amin sa panahon ng kagipitan. Bakit para kang dayuhan sa aming bayan, parang isang manlalakbay na nakikitulog lamang?
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob; sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
sa Diyos na lumikha niyong kalangitan, ng lupa at dagat, at lahat ng bagay. Ang kanyang pangako ay maaasahan.
Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh, mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig; nanginginig ang langit at lupa. Subalit ipagtatanggol niya ang kanyang bayan.
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan; Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.
Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin, at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
Kaya't manumbalik kayo sa Diyos, at mamuhay kayong may pag-ibig at katarungan, patuloy kayong umasa sa kanya.
Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.
Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis.
Ngunit para sa akin, kay Yahweh ako mananalig. Hihintayin kong may pagtitiwala ang Diyos na magliligtas sa akin at ako'y kanyang diringgin.
Kayo, mga bilanggo, na di nawalan ng pag-asa, ay maaari nang bumalik sa inyong lupain. Ang magandang kalagayan ninyo noong unang panahon, ay aking hihigitan at pag-iibayuhin.
Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing, sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin; tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon, pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga.
At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa.
At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.
Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:
Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
Niloob ng Diyos na ihayag sa kanila kung gaano kadakila ang kamangha-manghang hiwagang ito para sa mga Hentil na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos.
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala.
Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman, sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi hahayaang sila ay mamatay, kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan, tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa; tulong na malaki at sanggalang siya.
Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa; sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.
Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig, yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Kay Yahweh tayo'y magtiwala! Manalig sa kanya at huwag manghinawa. Kay Yahweh tayo magtiwala!
at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling.
Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw.
Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad.
Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
Ngunit dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos.
Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos.
Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.
Do'n sa mga burol, ako'y napatingin— sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula, sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala, kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan, siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang; anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya?
Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.
Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.
ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay, ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi, di ko inilihim, hindi ko sinarili; pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat, sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.
Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin; wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.
Kay rami na nitong mga suliranin, na sa karamiha'y di kayang bilangin. Alipin na ako ng pagkakasala, na sa dami, ako'y di na makakita; higit pa ang dami sa buhok sa ulo, kaya nasira na pati ang loob ko.
Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
Nawa ang may hangad na ako'y patayin, bayaang malito't ganap na talunin. Yaong nagagalak sa suliranin ko, hiyain mo sila't bayaang malito!
Silang nangungutya sa aki'y bayaang manlumo nang labis, nang di magtagumpay!
Silang lumalapit sa iyo'y dulutan ng ligaya't galak na walang kapantay; bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!” ng nangaghahangad maligtas na kusa.
Ako ma'y mahirap at maraming kailangan, subalit hindi mo kinalilimutan. Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas— Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!
sa balong malalim na lubhang maputik, iniahon niya at doo'y inalis. Ligtas na dinala sa malaking bato, at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro, papuri sa Diyos, ang awit ng puso; matatakot ang bawat makakasaksi, at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa! At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa, hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.
Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya, gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya, gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Alam niya na alabok itong ating pinagmulan, at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.
Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad, sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan, nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal; ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan, at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan; mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa, at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos, kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan, kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang, sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal; O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!
Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad, at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas, at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay, kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
“Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob; sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.
May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban.
At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.