Mapalad ang mga taong ang hangad ay matupad ang kalooban ng Dios, dahil tutulungan sila ng Dios na matupad iyon.
Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay ay makapagpapagaan ng buhay, ngunit ang masamang pamumuhay ay maghahatid ng kapahamakan.
Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo? Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok? Sumagot ang Panginoon, “Ang taong namumuhay ng tama, walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
Ang taong namumuhay sa katuwiran at kabutihan ay hahaba ang buhay, magtatagumpay at pararangalan.
Kaya unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa kanyang kalooban, at ibibigay niya ang lahat ng pangangailangan ninyo.
Ngunit ikaw, bilang lingkod ng Dios, iwasan mo ang mga bagay na iyan. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa.
Ang pamumuhay ng taong matuwid ay parang sikat ng araw na lalong nagliliwanag habang tumatagal.
Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan. Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan, upang siyaʼy aking maparangalan.
Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Dios – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin.
Ang makakatagal ay ang mga taong namumuhay nang matuwid at hindi nagsisinungaling, hindi gahaman sa salapi o tumatanggap man ng suhol. Hindi sila nakikiisa sa mga mamamatay-tao at hindi gumagawa ng iba pang masamang gawain. Ganyang klaseng mga tao ang maliligtas sa kapahamakan, parang nakatira sa mataas na lugar, na ang kanilang kanlungan ay ang malalaking bato. Hindi sila mawawalan ng pagkain at inumin.
Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin. Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
Huwag na ninyong gamitin ang alin mang bahagi ng inyong katawan sa paggawa ng kasalanan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Dios bilang mga taong binigyan ng bagong buhay. Ilaan ninyo sa Dios ang inyong katawan sa paggawa ng kabutihan.
Magpakatino kayo at talikuran nʼyo na ang kasalanan. Sinasabi ko ito upang mahiya kayo sa inyong sarili, dahil may ilan sa inyo na mali ang pagkakakilala sa Dios.
Kailanmaʼy hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, itinuring siyang makasalanan para sa pamamagitan niyaʼy maituring tayong matuwid ng Dios.
Manatili kang mapagmahal at matapat; alalahanin mo itong lagi at itanim sa iyong isipan. Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo nang walang sapat na dahilan, lalo na kung wala naman siyang ginawang masama sa iyo. Huwag kang mainggit sa taong malupit o gayahin ang kanyang mga ginagawa. Sapagkat nasusuklam ang Panginoon sa mga taong baluktot ang pag-iisip, ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay nang matuwid. Isinusumpa ng Panginoon ang sambahayan ng masasama, ngunit pinagpapala niya ang sambahayan ng mga matuwid. Hinahamak niya ang mga nanghahamak ng kapwa, ngunit binibiyayaan niya ang mga mapagpakumbaba. Ang mga marunong ay pararangalan, ngunit ang mga hangal ay ilalagay sa kahihiyan. Kapag ginawa mo ito, malulugod ang Dios pati na ang mga tao.
Alam ninyo na si Cristo ay matuwid, kaya makasisiguro kayo na ang lahat ng taong gumagawa ng matuwid ay mga anak ng Dios.
Mapalad ang mga dumaranas ng pag-uusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Dios, dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
Ang paggawa ng matuwid at makatarungan ay kalugod-lugod sa Panginoon kaysa sa paghahandog.
Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo.
Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti, kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.
Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid.
Dahil namumuhay ako nang matuwid at walang kapintasan, at umaasa sa inyo, nawaʼy maging ligtas ako.
Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay? Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon. Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ipamukha nʼyo sa kanila ang kasamaan nila. (Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim.) Pero kung pagsasabihan nʼyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa. Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag ng katotohanan. Kaya nga sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa mga patay at liliwanagan ka ni Cristo.” Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo namamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong na nakakaalam ng kalooban ng Dios. Huwag ninyong sayangin ang panahon nʼyo; gamitin nʼyo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito. Huwag kayong magpakamangmang kundi alamin nʼyo kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin ninyo. Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Banal na Espiritu. Sa pagtitipon nʼyo, umawit kayo ng mga salmo, himno, at ng iba pang mga awiting espiritwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.
Ang taong walang kapintasan ay iingatan dahil sa kanyang matuwid na pamumuhay, ngunit ang makasalanan ay mapapahamak dahil sa kanyang kasamaan.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Iwasan ang masama at gawin ang mabuti; nang sa gayon ay manahan ka sa lupain magpakailanman. Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan, at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan. Silaʼy iingatan niya magpakailanman. Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios
Sumagot si Micas: Tinuruan tayo ng Panginoon kung ano ang mabuti. At ito ang nais niyang gawin natin: Gawin natin ang matuwid, pairalin natin ang pagkamaawain sa iba at buong pagpapakumbabang sumunod sa Dios.
Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid, at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
“Humingi kayo sa Dios, at bibigyan kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang hinahanap nʼyo, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo.
Mga anak, huwag kayong padadaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng tama ay matuwid, tulad ni Cristo na matuwid.
O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo. Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”
para maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Dios sa gitna ng mga mapanlinlang at masasamang tao sa panahong ito. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila
Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.
Kaya iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan. Pagsikapan mong mamuhay nang matuwid, tapat, mapagmahal at may mabuting pakikitungo sa kapwa, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso.
Iniingatan niya ang namumuhay nang matuwid, matapat, at walang kapintasan. Binibigyan din niya sila ng katagumpayan.
“Mag-ingat kayo at baka ang paggawa ninyo ng mabuti ay pakitang-tao lang. Sapagkat kung ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit.
Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan.
Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa; magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya. Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan, kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat.
Nalulugod ako sa Panginoon kong Dios, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magandang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas.
Kung alam ng isang tao ang mabuti na dapat niyang gawin, pero hindi naman ginagawa, nagkakasala siya.
Ang matuwid na pamumuhay ay patungo sa buhay, at maililigtas ka nito sa kamatayan.
Mamuhay tayo nang marangal dahil tayo ay nasa liwanag na. Huwag nating gawin ang paglalasing, magugulong kasiyahan, sekswal na imoralidad, kalaswaan, ang pag-aaway, at inggitan. Sa halip, paghariin ninyo sa inyong buhay ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong pagbigyan ang inyong makamundong pagnanasa.
Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo.
Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo.
Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay, para maging handa sa lahat ng mabubuting gawa ang naglilingkod sa Dios.
Dahil sa kanya, tayoʼy nakay Cristo Jesus. Si Cristo ang karunungan ng Dios para sa atin. Sa pamamagitan niya, itinuring tayo ng Dios na matuwid, ibinukod para sa kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan.
O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway, gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan. Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
Kinamumuhian ng Panginoon ang taong ang gawain ay masama, ngunit ang taong nagsusumikap na gumawa ng matuwid ay minamahal niya.
Ang taong matuwid ay walang kapintasan. Mapalad ang mga anak niya kung siya ang kanilang tinutularan.
Pero pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng Dios. At ang dulot nitoʼy kabanalan at buhay na walang hanggan.
Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid, at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
Huwag kayong makiisa sa mga hindi mananampalataya. Sapagkat hindi maaaring magkaisa ang kabutihan at kasamaan, gaya ng liwanag at dilim hindi rin sila maaaring magsama.
Ang taong gumagawa ng masama ay walang katatagan, ngunit ang taong matuwid ay matatag tulad ng isang punongkahoy na malalim ang ugat.
Ginawa ito ng Dios para ang ipinatutupad ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Banal na Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao.
Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, tulad ng Dios na nasa liwanag, may pagkakaisa tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kanyang Anak sa lahat ng kasalanan.
Pinapatnubayan nʼyo ang mga mapagpakumbaba para gumawa ng tama. Silaʼy tinuturuan nʼyo ng inyong pamamaraan.
Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, pero ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayo ay nasa Panginoon na. Kaya ipakita sa pamumuhay nʼyo na naliwanagan na kayo. (Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.)
At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”
Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid, ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.
Pero ang Panginoong Makapangyarihan ay dadakilain sa kanyang paghatol. Sa pamamagitan ng matuwid niyang paghatol, ipinapakita niyang siya ay banal na Dios.
Inaakala ng tao na tama ang lahat ng kanyang ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang nakakaalam kung ano ang ating motibo.
Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios.
Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid. At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan. Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan. Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling, ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.
Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ipamukha nʼyo sa kanila ang kasamaan nila.
Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid; silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
Mga anak, sinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung may magkasala man, may tagapamagitan tayo sa Ama – siya ay si Jesu-Cristo, ang Matuwid.
Ang matuwid na pamumuhay ng mamamayan ay nagpapaunlad ng kanilang bansa, ngunit kung sila ay magkasala, mapapahiya ang kanilang bansa.
“Marami ang tumatawag sa akin ng ‘Panginoon’, pero hindi ito nangangahulugan na makakapasok sila sa kaharian ng langit. Ang mga tao lang na sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit ang mapapabilang sa kanyang kaharian.
Marami ang paghihirap ng mga matuwid, ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
Kapag ginawa nʼyo ito, darating sa inyo ang kaligtasan na parang bukang-liwayway, at pagagalingin ko kayo agad. Ako na inyong Dios na matuwid ang mangunguna sa inyo at ipagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.
Kaya nga mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Dios, ibigay ninyo sa kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa kanya.
Ganoon din ang dapat ninyong gawin. Pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.”
Ang katarungan ay parang tagapagbalita na mauunang dumating para ihanda ang daan ng Panginoon.
Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.
Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.
Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran. Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios.
Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo.
Mas mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan.
Magiging matatag ka dahil mamumuhay nang matuwid ang mga mamamayan mo. Tatakas ang mga kaaway mo, kaya wala kang dapat katakutan. Hindi na makakalapit sa iyo ang mga kaaway mo para takutin ka.
Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa mayaman na namumuhay sa kasalanan.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang, at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.” Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
Kaya ibigay ninyo ang nararapat ibigay. Bayaran ninyo ang inyong mga buwis, igalang ang dapat igalang, at parangalan ang dapat parangalan.
Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Dios, dapat kayong maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis.
Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.
Alalahanin nʼyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo.
Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin. Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
Kaya nga, ipagtapat ninyo sa isaʼt isa ang mga kasalanan nʼyo at ipanalangin ang isaʼt isa para gumaling kayo. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid,
At dito makikilala kung sino ang mga anak ng Dios at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang lahat ng hindi gumagawa ng matuwid o hindi nagmamahal sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Dios.
Kasuklam-suklam sa Panginoon ang handog ng masasama, ngunit kalugod-lugod sa kanya ang panalangin ng mga matuwid.
Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo, ang pag-ibig sa lahat.
Magtiwala ka sa Panginoon at gumawa ng mabuti. Sa gayon ay mananahan ka nang ligtas sa lupaing ito.
Linisin ninyo ang inyong sarili. Tigilan na ninyo ang paggawa ng kasamaan sa aking harapan. Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti at pairalin ang katarungan. Sawayin ninyo ang mga nang-aapi at ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda.”
At turuan mo ang ating mga kapatid na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, para makatulong sila sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ang kanilang buhay.
Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma, at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon. Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
Huwag mong isipin na napakarunong mo na. Matakot ka sa Panginoon, at huwag gumawa ng masama.
Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios.
Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi. Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Dios para sa buhay na ito nang ipahayag mo ang pananampalataya mo sa harap ng maraming saksi.
Sapagkat ako na Anak ng Tao ay darating kasama ang mga anghel, at taglay ang kapangyarihan ng Ama. Sa araw na iyon, gagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa.
Hindi makapagbibigay-lugod sa Dios ang taong walang pananampalataya, dahil ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Dios at nagbibigay siya ng gantimpala sa mga taong humahanap sa kanya.
Hindi matuwid ang gawain ng taong may kasalanan, ngunit matuwid ang gawain ng taong walang kasalanan.
Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’
Ang pagkarelihiyosong itinuturing na dalisay at walang kapintasan ng Dios Ama ay ito: Ang pagtulong sa mga ulila at mga biyuda sa kahirapan nila, at ang pagtalikod sa lahat ng kasamaan sa mundong ito.
Sapagkat ibibigay ng Dios sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan.
Nilikha tayo ng Dios; at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan na noon paʼy itinalaga na ng Dios na gawin natin.
At matatanggap natin ang anumang hinihiling natin sa kanya, dahil sumusunod tayo sa kanyang mga utos at ginagawa ang naaayon sa kanyang kalooban.
Ganoon din naman ang tao. Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti dahil puno ng kabutihan ang puso niya. Ngunit ang masamang tao ay nagsasalita ng masama dahil puno ng kasamaan ang puso niya. Sapagkat kung ano ang nasa puso ng isang tao, iyon din ang lumalabas sa kanyang bibig.”
Lumapit na kayo sa Panginoon at tumawag sa kanya habang naririyan pa siya para tulungan kayo. Talikuran na ng mga taong masama ang masasama nilang ugali at baguhin na ang masasama nilang pag-iisip. Magbalik-loob na sila sa Panginoon na ating Dios, dahil kaaawaan at patatawarin niya sila.
Ngunit makipot ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay na walang hanggan, at kakaunti lang ang dumadaan dito.”
Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.
Huwag lang kayong maging tagapakinig ng salita ng Dios kundi sundin nʼyo ang sinasabi nito. Dahil kung hindi, dinadaya nʼyo lang ang sarili ninyo.
Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan. Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
“Gawin ninyo sa inyong kapwa ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Ganyan ang tamang pagsunod sa Kautusan ni Moises at sa mga isinulat ng mga propeta.”
ang sinumang nagsasabing siya ay sa Dios, dapat siyang mamuhay nang tulad ni Jesu-Cristo.
May kapayapaan ang taong namumuhay nang matuwid, ngunit ang masama ang pamumuhay ay malalantad.
Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso, ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan, at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan. Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, para hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito.
Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”
Kaya mamuhay kayo nang ayon sa nais ng Banal na Espiritu para hindi ninyo mapagbigyan ang pagnanasa ng laman.
Buksan ninyo ang pintuan ng templo ng Panginoon para sa akin dahil papasok ako at siyaʼy aking pasasalamatan. Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.” Ito ang pintuan ng Panginoon na ang mga matuwid lang ang makakapasok.
Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo namamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong na nakakaalam ng kalooban ng Dios. Huwag ninyong sayangin ang panahon nʼyo; gamitin nʼyo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito.
Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita, at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
Kaya patayin nʼyo na ang anumang kamunduhang nasa inyo: ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga dios-diosan.
Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Dios, bilang isang manggagawa na walang dapat ikahiya, at tapat na nagtuturo ng katotohanan.
Magtiwala ka sa Panginoon at sundin mo ang kanyang pamamaraan. Pararangalan ka niya at patitirahin sa lupain ng Israel, at makikita mong itataboy niya ang mga taong masama.
At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan.
Maaaring sa tingin mo ang daang tinatahak mo ay matuwid, ngunit kamatayan pala ang dulo nito.