Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Dios na Makapangyarihan ay kakalingain niya. walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan. Dahil uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta. Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato. Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas. Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin. Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya; sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya. Ililigtas ko siya at pararangalan. Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.” Masasabi niya sa Panginoon, “Kayo ang kumakalinga sa akin at nagtatanggol. Kayo ang aking Dios na pinagtitiwalaan.”
Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan. Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matatakot sa kanila dahil ang Panginoon na inyong Dios ay kasama ninyo; hindi niya kayo iiwan o pababayaan man.”
Huwag kang mangamba dahil ako ang Dios mo. Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan na siya ring makapagliligtas sa iyo.
Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan; pati ang buhay moʼy kanyang iingatan. Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man, ngayon at magpakailanman.
Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot dahil kayo ay aking kasama. Ang dala nʼyong pamalo ang sa akin ay nag-iingat; ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Iingatan ka niya gaya ng isang ibong iniingatan ang kanyang mga inakay sa lilim ng kanyang pakpak. Iingatan ka at ipagtatanggol ng kanyang katapatan.
Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas. Sino ang aking katatakutan? Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”
Tumitingin ako sa mga bundok; saan kaya nanggagaling ang aking saklolo? Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at ng lupa.
Ang Panginoon ay katulad ng toreng matibay, kanlungan ng mga matuwid sa oras ng panganib.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios, at ipinagtatanggol niya sila.
Kayo ang aking kublihan; iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan, at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.
Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo.
Ngunit kayo ang aking kalasag. Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Ang Panginoon ay mabuti; matibay siyang kanlungan sa oras ng kagipitan, at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya.
Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal. Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog. Pakinggan mo ito! Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem, ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
Mapanganib kung tayo ay matatakutin. Ngunit kung magtitiwala tayo sa Panginoon ay ligtas tayo.
Walang anumang sandatang ginawa na magtatagumpay laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang laban sa iyo. Ito ang pamana ko sa aking mga lingkod. Bibigyan ko sila ng tagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo, at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan. Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Panginoon palagi ko kayong iniisip, at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin.
Hindi ka dapat matakot sa mga bagay na nakakatakot, o sa palaso ng mga kaaway, o sa sakit at mga salot na sumasapit sa gabi man o sa araw.
Ang walang hanggang Dios ang inyong kanlungan; palalakasin niya kayo sa pamamagitan ng walang hanggan niyang kapangyarihan. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway sa inyong harapan, at iuutos niya sa inyo ang pagpapabagsak sa kanila.
Sa oras ng kaguluhan, pakinggan sana ng Panginoon ang iyong mga daing. At sanaʼy ingatan ka ng Dios ni Jacob.
Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan. Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway. Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo; siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan. Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.
Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon. Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanman ay hindi sila mapapahamak. Walang makakaagaw sa kanila sa aking kamay. Ibinigay sila sa akin ng Ama na higit na makapangyarihan sa lahat. Walang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama.
dahil kayo ang aking kanlungan, tulad kayo ng isang toreng matibay na pananggalang laban sa kaaway.
Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal. Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag, sa halip ay nananatili magpakailanman.
Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin. Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya; sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya. Ililigtas ko siya at pararangalan.
Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo. Magtiwala kayong lagi sa Panginoon, dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang. Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Sapagkat ako ang Panginoon na iyong Dios. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan kita.
Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”
Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin.
Pero tapat ang Panginoon; bibigyan niya kayo ng lakas at iingatan laban sa diyablo.
Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo. O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako. Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo. Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid, at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin. Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso, at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal, hindi ako matatakot. Kahit salakayin nila ako, magtitiwala ako sa Dios.
Siya ang aking Dios na mapagmahal at matibay na kanlungan. Siya ang kumakanlong sa akin kaya sa kanya ako humihingi ng kalinga. Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas. Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot. Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit. Kayo nga ang nagligtas sa akin.”
Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.
Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami, dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat. Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
Sumagot ang Panginoon, “Ako mismo ang sasama sa iyo, at bibigyan kita ng kapahingahan.”
Ako naman na dukha at nangangailangan, alalahanin nʼyo ako, Panginoon. Kayo ang tumutulong sa akin. Kayo ang aking Tagapagligtas. Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.
Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya, sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig. Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan, at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin.
Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman. Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.
Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian. Ang inyong mga salita ay maaasahan. Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan sa inyo. Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba. At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
Kahit libu-libo pa ang mamatay sa paligid mo, walang mangyayari sa iyo. Makikita mo kung paano pinaparusahan ang mga taong masama.
Pangungunahan ka ng Panginoon at sasamahan ka niya; hindi ka niya iiwan o pababayaan man. Kaya huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Sabihin ninyo sa mga natatakot, “Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob. Darating ang inyong Dios para maghiganti sa inyong mga kaaway, at ililigtas niya kayo.”
Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”
Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya; sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya. Ililigtas ko siya at pararangalan. Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.”
Magtiwala kayo sa Panginoon! Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa. Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!
Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa. Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan. Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan.
Dahil ang nais ng Panginoon ay katarungan, at ang mga taong tapat sa kanya ay hindi niya pinapabayaan. Silaʼy iingatan niya magpakailanman. Ngunit ang lahi ng mga taong masama ay mawawala.
Makakatulog ka nang mahimbing at walang kinakatakutan. Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama, dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.
Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.
Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin.
Panginoon, ingatan nʼyo ako sa masasama at malulupit na mga taong nagpaplanong akoʼy ipahamak.
Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon, habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.
“Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo.
Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami ay naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Dios. Kung minsaʼy sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay.
Sinasabi niya, “Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Dios. Akoʼy pararangalan sa mga bansa. Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
Marami ang paghihirap ng mga matuwid, ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”
Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin. Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso. Tinutulungan nʼyo ako, kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
Hindi siya matatakot sa masamang balita, dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita. Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay akin.
Lagi ko kayong kasama, at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Kaya huwag na kayong mag-alala tungkol sa kinabukasan, dahil ang bukas ay may sarili nang alalahanin. Sapat na ang mga alalahaning dumarating sa bawat araw.”
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay. At titira ako sa bahay nʼyo, Panginoon, magpakailanman.
Makinig kayo! Ang Panginoon ay hindi mahina para hindi makapagligtas. Hindi rin siya bingi para hindi makarinig kapag tumawag kayo sa kanya.
Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya. Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian. Ang inyong mga salita ay maaasahan. Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan sa inyo.
Ang bawat salita ng Dios ay tunay na mapagkakatiwalaan. Siya ay tulad ng panangga sa mga umaasa ng kanyang pag-iingat.
Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig. Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
Ang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng lakas, at siya ang aking awit. Siya ang nagligtas sa akin. Siya ang aking Dios, at pupurihin ko siya. Siya ang Dios ng aking ama, at itataas ko siya.
Panginoon, Banal na Dios ng Israel, ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa tao. Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa mga pinuno.
Mula sa dulo ng mundo, tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa. Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib, dahil kayo ang aking kanlungan, tulad kayo ng isang toreng matibay na pananggalang laban sa kaaway.
Purihin kayo, Panginoon, dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo. Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin. Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso. Tinutulungan nʼyo ako, kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
Walang anumang takot sa pag-ibig. Pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung natatakot man ang isang tao, itoʼy dahil sa takot na maparusahan, at ipinapakita lang nito na hindi pa lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig.
Mga kababayan, pumasok kayo sa inyong mga bahay at isara ninyo ang inyong mga pintuan. Magtago muna kayo hanggang sa mawala ang galit ng Panginoon. Sapagkat darating na siya mula sa kanyang tirahan para parusahan ang mga tao sa mundo dahil sa kanilang mga kasalanan. Ilalabas ng lupa ang mga taong pinatay, at hindi na niya itatago pa.
Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan. Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig. Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan. Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit ako, habang akoʼy nasa inyong pangangalaga. Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot. Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito
May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma, ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios. Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak, ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
At sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Dios habang naghihintay kayo ng kaligtasang nakalaang ihayag sa huling panahon.
Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin. Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo, pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na ako laban sa kapangyarihan ng mundo.”
At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios.
Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin. Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
Pakabanalin nawa kayong lubos ng Dios na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawaʼy panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong pagkatao – ang espiritu, kaluluwa at katawan – hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Tapat ang Dios na tumawag sa inyo, at gagawin niya itong mga sinasabi namin.
Idinadalangin ko rin kayo sa Dios na siyang pinagmumulan ng kapayapaan. Siya ang bumuhay sa ating Panginoong Jesus na ating Dakilang Pastol. At dahil sa kanyang dugo, pinagtibay niya ang walang hanggang kasunduan. Nawaʼy ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng inyong kailangan para masunod ninyo ang kalooban niya. At sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, nawaʼy gawin niya sa atin ang kalugod-lugod sa kanyang paningin. Purihin natin siya magpakailanman. Amen.
Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid, dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin, sila ang nabubuwal at natatalo!
Ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto
Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan. Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.
Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway. Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
Magiging matatag ka dahil mamumuhay nang matuwid ang mga mamamayan mo. Tatakas ang mga kaaway mo, kaya wala kang dapat katakutan. Hindi na makakalapit sa iyo ang mga kaaway mo para takutin ka.
Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin. Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan. Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong. Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
Kayong mga umiibig sa Panginoon ay dapat mamuhi sa kasamaan. Dahil iniingatan ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan at inililigtas niya sila sa masasama.
Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. Pakinggan nʼyo kami, upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod, at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
Pinagpala kayo, mga mamamayan ng Israel! Wala kayong katulad – isang bansa na iniligtas ng Panginoon. Ang Panginoon ang mag-iingat at tutulong sa inyo, at siya ang makikipaglaban para sa inyo. Gagapang ang inyong mga kaaway papunta sa inyo, at tatapakan ninyo sila sa likod.”
Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao. At kung mabuti ang ating pagkatao, may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios.
Dumarating ang Panginoong Dios na makapangyarihan at maghahari siya na may kapangyarihan. Dumarating siyang dala ang gantimpala para sa kanyang mga mamamayan. Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.
Panginoong Dios, kayo ang aking makapangyarihang Tagapagligtas; iniingatan nʼyo ako sa panahon ng digmaan.
Iniingatan niya ang mga dayuhan, tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda, ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata, at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama, ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala.
Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid. Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.
Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako. Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Palagi sana kayong maging handa na akoʼy tulungan, dahil pinili kong sundin ang inyong mga tuntunin.
Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal, at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas. Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan; hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
At may kapanatagan tayo sa paglapit natin sa Dios, dahil naniniwala tayong ibibigay niya sa atin ang anumang hilingin natin na ayon sa kanyang kalooban.
Ang bawat isa sa kanilaʼy magiging kanlungan sa malakas na hangin at bagyo. Ang katulad nilaʼy ilog na dumadaloy sa disyerto, at lilim ng malaking bato sa mainit at tuyong lupain.
Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo. Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Ang kaligtasan ng mga matuwid ay mula sa Panginoon. Siya ang nag-iingat sa kanila sa panahon ng kaguluhan. Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan, at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo. Tinutulungan sila ng Panginoon at inililigtas sa mga taong masama, dahil silaʼy humihingi ng kanyang kalinga.
Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas.