Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya.
Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan.
Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos, ngunit sa tunay niyang layon, si Yahweh ang nakatatalos.
Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating.
Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.
Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan, ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan. (Shin)
Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan.
Ang taong tapat ay ligtas sa kapahamakan, ngunit ang masama ay biglang mabubuwal.
Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo.
Pawang katotohanan itong aking bibigkasin, at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak.
Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa.
Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit.
Ang tapat na saksi'y hindi magsisinungaling, ngunit pawang kabulaanan ang sa saksing sinungaling.
Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan, ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal.
Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, gayon ang mangyayari sa Araw na ang mga lihim ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan, at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
Anumang nakuha sa pandaraya ay parang masarap na pagkain, ngunit kapag tumagal ay para kang kumain ng buhangin.
Kung ang pagtingin ng hari ay pantay-pantay, magiging matatag magpakailanman ang kanyang kaharian.
Higit na kalugud-lugod kay Yahweh kaysa mga handog ang mga gawang makatuwiran at makatarungan.
Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan.
“Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao ang pagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.
Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan.
Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa, sa aking palasyo ay papayagan ko na doon tumira, kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.
Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan, kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.
Tinitimbang ng matuwid kung ano ang sasabihin, ngunit di na iniisip ng masama ang kanyang sasalitain.
Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan, pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam, ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.
Ang gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay lumalakad sa katuwiran, ngunit ang nagwawalang-bahala sa kanya ay nasa likong daan.
Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan.
Kaya't pinagsisikapan kong laging maging malinis ang aking budhi sa harap ng Diyos at ng tao.
Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan, ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan.
Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay.
Mabuti na ang mahirap na namumuhay sa katuwiran, kaysa taong mayaman ngunit makasalanan.
Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin, sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.
Ang mandarayang timbangan at mandarayang sukatan, kay Yahweh ay parehong kasuklam-suklam.
Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”
Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito.
Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos.
Mas mabuti ang mahirap na marangal ang pamumuhay, kaysa taong masalita ngunit walang nalalaman.
Hindi hamak na mabuti ang harapang paninita, kaysa naman sa pag-ibig, ngunit ito'y lihim pala.
Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata, ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
Si Yahweh ay napopoot sa panukat na di tama, siya ay namumuhi sa timbangang may daya.
Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan, ngunit ang salita ng masama ay nakakahiyang pakinggan.
Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan, sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan.
Kaya't maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran;
Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya, ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama.
Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay, ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.
Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan, sa aking presensya ang mapagkunwari'y di ko tutulutan.
Ganito ang dapat ninyong gawin: Katotohanan lamang ang sasabihin ninyo sa isa't isa, paiiralin ninyo ang katarungan at pananatilihin ang kapayapaan.
Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling, ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw.
Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay, mga bagay na kanyang kinasusuklaman: kapalaluan, kasinungalingan, at mga pumapatay sa walang kasalanan,
Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan, ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan.
Ang nais pakinggan ng hari ay ang katotohanan, at ang nagsasabi nito ay kanyang kinalulugdan.
Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan.
Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay, at laging gumagawa ayon sa katuwiran, mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan, ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw.
Ang tapat na labi ay mananatili kailanman, ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal.
Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.
Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”
Ang kayamanang tinamo sa daya ay madaling nawawala, ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala.
Ang taong matuwid ay mabuting makiharap, ngunit ang masama ay bihira lang magtapat.
Kung ang isang ama'y namumuhay sa katuwiran, mapalad ang mga anak na siya ang tinutularan.
Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala, pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari.
Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon.
Ngunit maliligtas kayo kung tama ang sinasabi ninyo at ginagawa. Huwag ninyong gagamitin ang inyong kapangyarihan para apihin ang mahihirap; huwag kayong tatanggap ng suhol; huwag kayong makikiisa sa mga mamamatay-tao; o sa mga gumagawa ng kasamaan.
Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti.
Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo.
Hindi makatarungan ang inyong pagsasakdal sa hukuman; hindi rin matapat ang hatol ng inyong mga hukom. Ang inyong batayan ay hindi tamang pangangatuwiran, at ang pananalita ninyo'y pawang kasinungalingan. Ang iniisip ninyo'y pawang kaguluhan na nagiging sanhi ng maraming kasamaan.
Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao, ngunit ito'y matatarok ng isang matalino.
Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.
Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao.
Ayon sa nasusulat, “Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay, dila nila'y pigilan sa pagsasabi ng kasamaan. Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita sa kanyang mga labi ay di dapat mamutawi.
Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.
Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Ang salita ng matuwid ay palaging angkop, ngunit ang salita ng masama ay puro paninira.
Ang mga walang isip ay natutuwa sa mga bagay na kahangalan, ngunit lumalakad nang matuwid ang taong may kaalaman.
Ang layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.