Malaki ang impluwensya ng mga salita natin bilang magulang sa buhay ng ating mga anak. Maaari itong maging daan para sa kanilang ikabubuti o ikasasama. Kaya dapat maging maingat tayo sa ating mga sinasabi. Nasa ating mga kamay ang paghubog ng kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng ating mga salita.
Kapag naglalaan tayo ng oras para gabayan ang ating mga anak, para bang nagtatayo tayo ng matibay na pundasyon para sa kanilang kinabukasan, nakaugat kay Kristo at sa Kanyang salita. Sa ganitong paraan, makakasiguro tayo na hindi sila maliligaw sa tamang landas dahil lagi silang paaalalahanan ng Banal na Espiritu sa mga itinuro natin sa kanila.
Pero kailangan din nating tandaan na kung nakakasakit ang ating mga salita, gagamitin din ito ng diyablo para ipaalala sa kanila. Kaya mahalagang humingi tayo ng gabay sa Banal na Espiritu kung paano natin sila dapat pangaralan para masundan nila ang daan ng Diyos.
Ang pagbibigay ng atensyon at paglalaan ng oras para sa kanila araw-araw ay hindi masasayang. Makikita natin ang bunga ng ating mga sinabi sa kung paano nila ito isinasabuhay sa iba't ibang sitwasyon. Patuloy natin silang akayin patungo sa kaligtasan, nagtitiwalang magiging instrumento sila ng Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian.
Dalangin ko na linisin ng Ama ang aking mga salita at bigyan ako ng kakayahang magsalita ayon sa Kanyang puso at pag-ibig, upang matakpan ang aking mga pagkakamali at pagkukulang. Tinuturuan tayo ng Diyos na makinig sa ating mga magulang para matuto ng karunungan. Kaya dapat nating hanapin ang karunungan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang salita para magabayan natin nang tama ang ating mga anak.
Ituro sa bata ang tamang pag-uugali, at hindi niya ito malilimutan hanggang sa kanyang pagtanda.
Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayoʼy nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo.
Wala ng higit na makakapagpasaya sa akin kundi ang malamang namumuhay ayon sa katotohanan ang mga anak ko sa pananampalataya.
Mga anak, sundin ninyo ang mga magulang nʼyo sa lahat ng bagay, dahil kalugod-lugod ito sa Panginoon.
Makinig ka sa iyong mga magulang sapagkat kung hindi dahil sa kanila, hindi ka naisilang sa mundong ito. Huwag mo silang hahamakin kapag sila ay matanda na.
“ ‘Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina, ayon sa iniutos ko sa inyo para mabuhay kayo nang matagal at maging mabuti ang inyong kalagayan sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin.
Narito ang mga kawikaan ni Solomon: Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay nagbibigay ng kalungkutan.
Karangalan ng mga loloʼt lola ang kanilang mga apo, gayon din naman, karangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang.
Mga anak, sundin nʼyo ang mga magulang nʼyo dahil ito ang nararapat gawin bilang mga mananampalataya sa Panginoon.
Ang matalinong anak ay nakikinig sa pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang nangungutyang anak ay hindi nakikinig kapag sinasaway siya.
Sinabi ng hari na hinirang ng Dios, “Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko, at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.
Ang mapagmahal na magulang ay nagdidisiplina ng kanyang anak. Sapagkat kung mahal mo ang iyong anak itutuwid mo ang kanyang ugali.
Anak, huwag mong mamasamain kapag itinatama ka ng Panginoon upang ituwid ang iyong pag-uugali. Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang ugali ng kanyang mga minamahal, katulad ng ginagawa ng isang ama sa kanyang anak na kinalulugdan.
At kayo namang mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikasasama ng loob ng mga anak ninyo. Sa halip, palakihin ninyo sila nang may disiplina at turuan ng mga aral ng Panginoon.
Mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang mga pagtutuwid ng inyong ama sa inyong pag-uugali, upang lumawak ang inyong pang-unawa.
“Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama?
Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buo ninyong lakas. Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag kayoʼy nasa inyong mga bahay at kapag naglalakad, kapag nakahiga, at kapag babangon kayo.
“Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios.
Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin.
Mga magulang, huwag kayong gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob ng mga anak nʼyo para hindi sila panghinaan ng loob.
Ang sinumang hindi kumakalinga sa sariling kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga hindi mananampalataya.
Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon. Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo. Mapalad ang taong may maraming anak, dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.
Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.
Huwag natin itong ilihim sa ating mga anak; sabihin din natin ito sa mga susunod na salinlahi. Sabihin natin sa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga niyang gawa. Madalas silang maghimagsik sa Dios doon sa ilang at pinalungkot nila siya. Paulit-ulit nilang sinubok ang Dios; ginalit nila ang Banal na Dios ng Israel. Kinalimutan nila ang kanyang kapangyarihan na ipinakita noong iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway, pati ang mga ginawa niyang mga himala at mga kahanga-hangang gawa roon sa Zoan sa lupain ng Egipto. Ginawa niyang dugo ang mga ilog sa Egipto, at dahil dito wala silang mainom. Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw upang parusahan sila, at mga palaka upang pinsalain sila. Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani. Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo. Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo. Dahil sa napakatinding poot at galit niya sa kanila, nagpadala rin siya ng mga anghel upang ipahamak sila. Ibinigay niya ang kanyang mga kautusan sa mga mamamayan ng Israel na mula sa lahi ni Jacob. Iniutos niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak, Hindi pinigilan ng Dios ang kanyang poot. Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan. Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot. Pinatay niyang lahat ang mga panganay na lalaki sa Egipto na siyang lugar ng lahi ni Ham. Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang. Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot. Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat. Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili, doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon, at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan. Ngunit sinubok pa rin nila ang Kataas-taasang Dios, naghimagsik sila at hindi sumunod sa kanyang mga utos. Tumalikod sila sa Dios kagaya ng kanilang mga ninuno. Tulad sila ng isang sirang pana na hindi mapagkakatiwalaan. Pinanibugho nila ang Dios at ginalit dahil sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa matataas na lugar. Alam ng Dios ang ginawa ng mga Israelita, kaya nagalit siya at itinakwil sila nang lubusan. upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak. Iniwanan niya ang kanyang tolda sa Shilo, kung saan siya nananahan dito sa mundo. Hinayaan niyang agawin ng mga kaaway ang Kahon ng Kasunduan na simbolo ng kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Nagalit siya sa kanyang mga mamamayan kaya ipinapatay niya sila sa kanilang mga kaaway. Sinunog ang kanilang mga binata, kaya walang mapangasawa ang kanilang mga dalaga. Namatay sa labanan ang kanilang mga pari, at ang mga naiwan nilang asawa ay hindi makapagluksa. Pagkatapos, parang nagising ang Panginoon mula sa kanyang pagkakahimlay; at para siyang isang malakas na tao na pinatapang ng alak. Itinaboy niya at pinaatras ang kanyang mga kaaway; inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan. Itinakwil niya ang lahi ni Jose, hindi rin niya pinili ang lahi ni Efraim. Sa halip ay pinili niya ang lahi ni Juda at ang bundok ng Zion na kanyang minamahal. Doon niya ipinatayo ang kanyang templo, katulad ng langit at lupa na matatag magpakailanman. Sa ganitong paraan, magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang kanyang ginawa, at susundin nila ang kanyang mga utos,
Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon pa. Kung hindi mo siya itutuwid, ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.
Kailangan ding mahusay siyang mamahala sa pamilya niya; iginagalang at sinusunod ng mga anak niya. Sapagkat kung hindi siya marunong mamahala sa sariling pamilya, paano siya makakapangasiwa nang maayos sa iglesya?
Huwag kang magpapabaya sa pagdidisiplina sa iyong anak. Ang tamang pagpalo ay hindi niya ikamamatay kundi makapagliligtas pa sa kanya sa kamatayan.
Kung paanong ang ama ay nahahabag sa kanyang mga anak, ganoon din ang pagkahabag ng Panginoon sa mga may takot sa kanya.
Ituro ito sa inyong mga anak. Pag-usapan ninyo ito kapag naroon kayo sa inyong bahay at kapag naglalakad kayo, kapag nakahiga kayo o kapag kayoʼy babangon.
Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios.”
Mga anak, sundin nʼyo ang mga magulang nʼyo dahil ito ang nararapat gawin bilang mga mananampalataya sa Panginoon. At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag. Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu. At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal. Ipanalangin din ninyo ako sa tuwing mangangaral ako, na bigyan ako ng Dios ng wastong pananalita para maipahayag ko nang buong tapang ang Magandang Balita na inilihim noon. “Igalang nʼyo ang inyong amaʼt ina.” Ito ang unang utos na may kasamang pangako. Sapagkat isinugo ako ng Dios para mangaral ng Magandang Balitang ito na siyang dahilan ng pagkakabilanggo ko. Kaya kung maaari, ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat. Si Tykicus, na minamahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat tungkol sa akin, para malaman nʼyo ang kalagayan ko at kung ano ang mga ginagawa ko. Ito ang dahilan kung bakit pinapupunta ko siya sa inyo: Para malaman nʼyo ang tungkol sa amin at mapalakas niya ang loob ninyo. Mga kapatid, sumainyo nawa ang kapayapaan, pag-ibig at pananampalatayang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Pagpalain nawa ng Panginoong Jesu-Cristo ang lahat ng nagmamahal sa kanya nang tapat. At ito ang pangako, “Giginhawa ka at hahaba ang buhay mo rito sa lupa.”
Ngunit ito ang bungang makikita sa taong namumuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Kung ganito ang pamumuhay natin hindi natin malalabag ang mga utos ng Dios.
Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang, dahil itoʼy makapagbibigay sa iyo ng karangalan katulad ng koronang gawa sa bulaklak at makapagpapaganda katulad ng kwintas.
Mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang mga pagtutuwid ng inyong ama sa inyong pag-uugali, upang lumawak ang inyong pang-unawa. Anak, pakinggan mo at tanggapin ang mga sinasabi ko sa iyo upang humaba ang iyong buhay. Tinuruan na kita ng karunungan, kung paano mamuhay sa katuwiran. Kung susundin mo ito, walang makakasagabal sa buhay mo at maliligtas ka sa anumang kapahamakan. Huwag mong kalilimutan ang pagtutuwid ko sa iyong pag-uugali; ingatan mo ito sa puso mo sapagkat mabubuhay ka sa pamamagitan nito. Huwag mong gagayahin ang ginagawa ng mga taong masama. Iwasan mo ito at patuloy kang mamuhay nang matuwid. Sapagkat ang taong masama ay hindi makatulog kapag hindi nakakagawa ng masama o walang naipapahamak. Ang pagkain nila ay paggawa ng kasamaan at ang inumin nila ay paggawa ng karahasan. Ang pamumuhay ng taong matuwid ay parang sikat ng araw na lalong nagliliwanag habang tumatagal. Pero ang pamumuhay ng taong masama ay parang kadiliman; hindi niya alam kung ano ang dahilan ng kanyang pagbagsak. Mabuti ang itinuturo kong ito, kaya huwag ninyong ipagwalang bahala.
Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Dios – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin.
Iniingatan niya ang mga dayuhan, tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda, ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila.
Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios.
Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon.
Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Dios at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat.
Patuloy na lumaki si Jesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Dios at ng mga tao.
Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay hinahamak ang magulang.
Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin. Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
Nawa ang Dios na nagpapalakas at nagbibigay sa atin ng pag-asa ay tulungan kayong mamuhay nang may pagkakaisa bilang mga tagasunod ni Cristo Jesus. Sa ganoon, sama-sama kayong magpupuri sa Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang taong may takot sa Panginoon ay may kasiguraduhan at siya ang kanlungan ng kanyang sambahayan.
“Sa araw na ito, tinawag ko ang langit at lupa na maging saksi kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay para mabuhay kayo nang matagal pati na ang inyong mga anak. at kung sa mga oras na iyon ay magbabalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, at susundin ninyo nang buong puso at kaluluwa ang lahat ng iniutos ko sa inyo ngayon, Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo siya at manatili kayo sa kanya, dahil siya ang inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupain na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.”
Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay? Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
Ang salita ng tao ay makapagliligtas ng buhay o kaya ay makamamatay. Kaya mag-ingat sa pagsasalita sapagkat aanihin mo ang mga bunga nito.
Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
Aalagaan niya ang kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa. Kinakarga niya ang maliliit na tupa at maingat niyang pinapatnubayan ang mga inahing tupa.
Mga anak, huwag tayong magmahalan sa salita lang, kundi ipakita natin sa gawa na tunay tayong nagmamahalan.
Akoʼy naging bata at ngayoʼy matanda na, ngunit hindi ko pa nakita kahit kailan na ang matuwid ay pinabayaan ng Panginoon o ang kanya mang mga anak ay namalimos ng pagkain.
Bukod diyan, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais.
Ang taong tumatanggap ng pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay nagnanais ng karunungan, ngunit ang taong ayaw tumanggap ay hangal.