Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama, ngunit sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa.
Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo.
Nang nababagabag, kay Yahweh sila ay tumawag, dininig nga sila at sa kahirapan, sila'y iniligtas. Ang bagyong malakas, pinayapa niya't kanyang pinatigil, pati mga alon, na naglalakihan ay tumahimik din. Sa sariling bayan, sila ay tinipo't pinagsama-sama, silanga't kanluran timog at hilaga, ay doon kinuha. Nang tumahimik na, sila ay natuwa, naghari ang galak, at natamo nila ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong, sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)
Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa! At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Ang kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job.
Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo,
“Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, ‘Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo.
“Sa kagipitan ko, ako ay tumawag, ang Diyos na si Yahweh ay aking hinanap. Mula sa templo niya ay kanyang dininig, ang aking pagsamo at ang aking hibik.
Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?” Sumagot ang anghel, “Kinalulugdan ng Diyos ang iyong mga dalangin at ang pagtulong mo sa mahihirap.
kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, ang iglesya nama'y taimtim na nananalangin sa Diyos para kay Pedro.
Ang aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso; itong pagtaas ng mga kamay ko.
Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’ “Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling;
Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at ibibigay iyon sa inyo.
sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo, sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig, dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik; Laging buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig, bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.” Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan, “Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.” Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog, sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob? Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap, bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas. Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang, ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay. Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki, kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat. O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod, katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos; yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos. Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat, ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak. Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang, sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan. Purihin si Yahweh! ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag, kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Nahihirapan ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos.
Ang sabi sa kanya, “Sabihin mo kay Hezekias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang iyong buhay.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Hindi ninyo ako pinili, kayo ang pinili ko. Pinili ko kayo upang kayo'y magbunga at manatili ang inyong bunga upang ang anumang hingin ninyo sa Ama, sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo.
Sumagot siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.”
Huwag kang pabigla-bigla sa pananalangin. Isipin mo munang mabuti ang ipapangako mo sa kanya sapagkat nasa langit siya at ikaw ay nasa lupa. Mag-ingat ka sa pagsasalita.
At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Kay Yahweh ako'y tumatawag, sa aking mga kaaway ako'y inililigtas. Karapat-dapat purihin si Yahweh!
Kaya't lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin, at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan, ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
“Dadalhin ko kayo sa banal na bundok. Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo. Malulugod ako sa inyong mga handog; at ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo'y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya nakatatawag tayo sa kanya ng “Ama, Ama ko!”
Mananalangin siya sa Diyos at siya'y papakinggan. Ang pagsamba niya'y mapupuno ng kasiyahan, muli siyang ilalagay ng Diyos sa mabuting katayuan.
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin;
Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao.”
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw, gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan; dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag; sa aking paghihirap, humingi ng habag. Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig, pinakinggan niya ang aking paghibik.
Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid, ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig.
Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin, at ibibigay ko ang kanilang hinihiling.
Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa.
At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin.”
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon, sa kanilang pagdaing, siya'y nakikinig, ngunit sa mga masasama, siya'y tumatalikod!”
Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin, sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.
Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman.
ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbabá, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon.
Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin. Aking itataghoy ang mga hinaing, at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya.
Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.
Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya.
Ngunit nanalangin si Jabes sa Diyos ng Israel at sinabi: “Pagpalain po ninyo ako! Palawakin ninyo ang aking lupain. Samahan po ninyo ako at ingatan sa anumang kasawiang makakasakit sa akin.” At ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kahilingan.
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos.
Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin.
Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas; siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)
Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat.
Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya, kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
“Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman sa pananalangin, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit.
Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin; kayo'y aking ililigtas, ako'y inyong pupurihin.”
Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao.
Nang Maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo.
Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian.
ay ang pag-asang muli akong makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo.
Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama.
Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan.