Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang, ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan.
Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain, magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin! Magtagumpay nawa kami!
Ang taong masipag ay sagana sa lahat, ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat.
Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong paghihirap para sa kanya.
Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.” Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba.
Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad, ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap.
Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, maghanap siya ng marangal na ikabubuhay para makatulong sa mga nangangailangan.
Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop, ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na masinop.
Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo magsasawa.
Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.
Anuman ang ginagawa mo'y pagbuhusan mo ng iyong buong makakaya sapagkat sa daigdig ng mga patay na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan man, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.
At anuman ang inyong sasabihin o gagawin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pakialaman ang sariling gawain, at magtrabaho kayo upang mabuhay tulad ng itinuro namin sa inyo. Dahil dito, kayo ay igagalang ng mga hindi mananampalataya at hindi kayo aasa sa iba para sa inyong ikabubuhay.
Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan, ngunit ang gawang mabuti ay may pagpapalang taglay.
Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat munang makinabang sa bunga ng kanyang pinaghirapan.
“Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’
Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan, ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan.
Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos.
Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap.
Ngunit magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob. Gagantimpalaan kayo dahil sa inyong mga ginagawa.”
Matulog ka nang matulog at ika'y maghihirap, ngunit maganda ang iyong bukas kung ika'y magsisikap.
Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan, ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.
Katulad niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat.
Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya.
Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno.
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.
Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay.
Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan, at sa matuwid nauuwi ang naipon ng isang makasalanan.
Pinuspos ko siya ng aking Espiritu at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining.
Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin.
Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.
Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay, at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh at ang kapakumbabaan ay nagbubunga ng yaman, buhay at karangalan.
Hindi sa silangan, hindi sa kanluran, hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan. Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol, sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Ituro mo sa mayayaman na huwag silang magmamataas; at huwag silang umasa sa kayamanang lumilipas, kundi sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan upang tayo'y masiyahan. Turuan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabuting gawa, maging bukás-palad at matulungin sa kapwa.
Sapagkat tayo'y nilalang ng Diyos; nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti. Iyan ang layuning pinili ng Diyos para sa atin noong una pa man.
Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita, bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala.
Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: tanggapin ang kanilang bahagi at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran sapagkat ito ay kaloob ng Diyos.
Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad, pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat. Kahit sila'y walang pinunong sa kanila'y nag-uutos, walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod, ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw, kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan.
Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya; huwag mong kainggitan ang gumiginhawa, sa likong paraan, umunlad man sila.
Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.
Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.
Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di mananampalataya.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya, ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama.
Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa.
At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
Ang iyong mga hayop ay iyong bantayan, alagaang mabuti ang iyong kawan. Di mamamalagi ang yaman, ganoon din ang mga nasa kapangyarihan. Putulin muna ang dayami, saka gapasin ang damo sa parang habang hinihintay ang susunod na anihan. Sa mga tupa kinukuha ang ginagawang kasuotan, at ang pinagbentahan mo ng iyong kambing ay maaaring ipambili ng bukid. Ang gatas ng inahing kambing ay sa ibang kailangan, sa pagkain ng pamilya mo't mga katulong sa bahay.
Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot, ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos. Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan, ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
“Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. “Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito, at higit sa gintong lantay ang tubo nito.
Mga amo, maging mabuti kayo at makatarungan sa mga naglilingkod sa inyo. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit.
Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay, ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan; maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay, ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran.
Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain; ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain.
Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam. Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Magbigay kayo at kayo'y bibigyan ng Diyos; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.”
Ang maliit na halaga buhat sa mabuting paraan ay higit na mabuti sa yamang buhat sa kasamaan.
Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan, kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin, at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala, ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa.
Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan, kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan, at ang malungkuti'y unti-unting namamatay.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo.”
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin, at mananahan kang ligtas sa lupain. Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan; at sa labi nila'y pawang katarungan. Ang utos ng Diyos ang laman ng puso, sa utos na ito'y hindi lumalayo. Ang taong masama'y laging nag-aabang, sa taong matuwid nang ito'y mapatay; ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway; di rin magdurusa kahit paratangan. Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin; ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin, at ang mga taksil makikitang palalayasin. Ako'y may nakitang taong abusado, itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito. Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na; hinanap-hanap ko'y di ko na makita. Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan, mapayapang tao'y patuloy ang angkan. Ngunit wawasaking lubos ang masama, lahi'y lilipulin sa balat ng lupa. Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid, iingatan sila kapag naliligalig. Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
Sa kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak, ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
“Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.
Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman. Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw, dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo.
Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang bodega o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay; at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo.
Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga. Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya. Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan. Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana. Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar. Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay. Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas. Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw. Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga. Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit. “Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin. Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad. Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan. Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya. Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan. Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal. Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal. Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan. Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw. Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak: “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.” Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari. Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan. Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin; sa kanya ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus magpakailanman! Amen.
Huwag mong ipagyabang ang iyong nalalaman; igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan. Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag, mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.
Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap.
Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin.
Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon.
Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling. Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha. Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin. Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila, Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Sapagkat namumuhay tayo batay sa pananampalataya sa Panginoon at hindi sa mga bagay na nakikita.
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?
“Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Nananalig sa iyo Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan, dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan.
ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya.
Ang lumalakad sa daan ng katuwiran at katapatan ay nagkakamit ng buhay at karangalan.
Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao.
O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman at ihahayag ko, iyong kadakilaan.
ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
“Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, makihati ka sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’
Huwag kayong magkakaroon ng utang kaninuman, maliban sa saguting magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan.
Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob.
Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin; ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin, at ang mga taksil makikitang palalayasin.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat.
Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan.