Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.
Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.
At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka't ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap.
At sinabi niya sa kanila, Dahil sa kakauntian ng inyong pananampalataya: sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at sa inyo'y hindi may pangyayari.
(Sapagka't nagsisilakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin);
Sapagka't ang sinomang ipinanganak ng Dios ay dumadaig sa sanglibutan: at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang ating pananampalataya.
Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.
Magsipagingat kayo, mangagpakatibay kayo sa pananampalataya, kayo'y mangagpakalalake, kayo'y mangagpakalakas.
Na aming inaalaalang walang patid sa harapan ng ating Dios at Ama, ang inyong gawa sa pananampalataya at pagpapagal sa pagibig at pagtitiis sa pagasa sa ating Panginoong Jesucristo;
Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo; Sapagka't kung, noong tayo'y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay; At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nangagagalak naman sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pagkakasundo. Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala: Sapagka't ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang kautusan: nguni't hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan. Bagaman ang kamatayan ay naghari mula kay Adam hanggang kay Moises, kahit doon sa hindi nangagkasala man ng tulad sa pagsalangsang ni Adam, na siyang anyo niyaong darating. Datapuwa't gayon din ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagka't kung sa pagsuway ng isa ay nangamatay ang marami, lubha pang sumagana sa marami ang biyaya ng Dios, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang lalaking si Jesucristo. At ang kaloob ay hindi gaya ng nangyari sa pamamagitan ng isang nagkasala: sapagka't ang kahatulan ay dumating sa isa sa ipagdurusa, datapuwa't ang kaloob na walang bayad ay dumating sa maraming pagsuway sa ikaaaring ganap. Sapagka't kung, sa pagsuway ng isa, ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; lubha pang magsisipaghari sa buhay ang nagsisitanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng isa, sa makatuwid baga'y si Jesucristo. Kaya kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng mga tao sa ipagdurusa; gayon din naman sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran, ang kaloob na walang bayad ay dumating sa lahat ng mga tao sa ikaaaring-ganap ng buhay. Sapagka't kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayon din sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid. Sa pamamagitan din naman niya'y nangagkaroon tayo ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo; at nangagagalak tayo sa pagasa ng kaluwalhatian ng Dios.
Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios: ako'y mabubunyi sa gitna ng mga bansa, ako'y mabubunyi sa lupa.
Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?
At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Dios. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang magsabi sa bundok na ito, Mapataas ka at mapasugba ka sa dagat; at hindi magalinlangan sa kaniyang puso, kundi manampalataya na mangyayari ang sinabi niya; ay kakamtin niya yaon. Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.
Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.
Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan: kanino ako matatakot? Ang Panginoon, ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?
Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.
Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan: Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.
Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka't tapat ang nangako:
Sa panahong ako'y matakot, aking ilalagak ang aking tiwala sa iyo. Sa Dios (ay pupuri ako ng kaniyang salita), sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, hindi ako matatakot; anong magagawa ng laman sa akin?
Nguni't kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya. Nguni't humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: sapagka't yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.
At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa.
Na inyong ilagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagka't kayo'y ipinagmamalasakit niya.
Sapagka't hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan.
Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo. Magsitiwala kayo sa Panginoon magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang bato.
Upang ang inyong pananampalataya ay huwag masalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Dios.
At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y may pananampalataya, at di mangagaalinlangan, hindi lamang mangagagawa ninyo ang nangyari sa puno ng igos, kundi maging sabihin ninyo sa bundok na ito, mapataas ka, at mapasugba ka sa dagat, ay mangyayari. At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.
At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo; sapagka't ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo.
Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan; buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya; Dios ay kanlungan sa atin. (Selah)
Oh inyong tikman at tingnan ninyo na ang Panginoon ay mabuti: mapalad ang tao na nanganganlong sa kaniya.
Na hindi ninyo nakita ay inyong iniibig; na bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayon ma'y inyong sinasampalatayanan, na kayo'y nangagagalak na totoo na may galak na di masayod at puspos ng kaluwalhatian: Na inyong tinatanggap ang layunin ng inyong pananampalataya, ang pagkaligtas ng inyong mga kaluluwa.
Oo, bagaman ako'y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka't ikaw ay sumasa akin: ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ay nagsisialiw sa akin.
Pagka ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y sasaiyo; at sa mga ilog ay hindi ka tatakpan niyaon: pagka ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; o magniningas man ang alab sa iyo.
Kundi, sa pagtingin niya sa pangako ng Dios, ay hindi nagalinlangan sa pamamagitan ng di pananampalataya, kundi lumakas ng lumakas sa pamamagitan ng pananampalataya, na niluluwalhati ang Dios, At lubos nanalig na ang Dios na nangako ay may kapangyarihang makagawa noon.
Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.
Ang Panginoon ay aking kalakasan at aking kalasag; ang aking puso ay tumiwala sa kaniya, at ako'y nasaklolohan: kaya't ang aking puso ay nagagalak na mainam; at aking pupurihin siya ng aking awit.
Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa't tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito'y inyong matiis.
Nguni't silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila'y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila'y magsisilakad, at hindi manganghihina.
Silang nagsisitiwala sa Panginoon ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man.
Siyang tumatahan sa lihim na dako ng Kataastaasan. Ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat. Walang kasamaang mangyayari sa iyo, ni anomang salot ay lalapit sa iyong tolda. Sapagka't siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ingatan ka sa lahat ng iyong mga lakad. Kanilang dadalhin ka sa kanilang mga kamay, baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato. Iyong yayapakan ang leon at ang ulupong: ang batang leon at ang ahas ay yuyurakan mo ng iyong mga paa. Sapagka't kaniyang inilagak ang kaniyang pagibig sa akin, kaya't iniligtas ko siya: aking ilalagay siya sa mataas, sapagka't kaniyang naalaman ang pangalan ko. Siya'y tatawag sa akin, at sasagutin ko siya; ako'y sasa kaniya sa kabagabagan: aking ililigtas siya, at pararangalan siya. Aking bubusugin siya ng mahabang buhay, at ipakikita ko sa kaniya ang aking pagliligtas. Aking sasabihin tungkol sa Panginoon, siya'y aking kanlungan at aking katibayan, ang Dios ko na siyang aking tinitiwalaan.
Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.
Sapagka't ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
Na ako'y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo:
Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.
Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo'y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni't laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.
Mangilag kayo sa pagibig sa salapi; mangagkasiya kayo sa inyong tinatangkilik: sapagka't siya rin ang nagsabi, Sa anomang paraan ay hindi kita papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan. Ano pa't ating masasabi ng buong tapang, Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot: Anong magagawa sa akin ng tao?
Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios. At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus.
Puspusin nga kayo ng Dios ng pagasa ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y managana sa pagasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Nguni't tapat ang Panginoon na magpapatibay sa inyo, at sa inyo'y magiingat sa masama.
Sapagka't nalalaman ko ang mga pagiisip na aking iniisip sa inyo, sabi ng Panginoon, mga pagiisip tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kasamaan, upang bigyan kayo ng pagasa sa inyong huling wakas.
Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas; aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya'y manganganlong ako; aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog.
Sapagka't ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa.
Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok; saan baga manggagaling ang aking saklolo? Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.
Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay: nguni't ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at bahagi ko magpakailan man.
Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama.
Na masdan natin si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya, na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng luklukan ng Dios.
Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin.
At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang pagibig ng Dios sa atin. Ang Dios ay pagibig; at ang nananahan sa pagibig ay nananahan sa Dios, at ang Dios ay nananahan sa kaniya.
Ang iba ay tumitiwala sa mga karo, at ang iba ay sa mga kabayo: nguni't babanggitin namin ang pangalan ng Panginoon naming Dios.
Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, manangan ka sa buhay na walang hanggan, na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.
Hinintay ng aming kaluluwa ang Panginoon: siya'y aming saklolo at aming kalasag. Sapagka't ang aming puso ay magagalak sa kaniya, sapagka't kami ay nagsitiwala sa kaniyang banal na pangalan.
Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo: nguni't ang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay maliligtas.
Narito, Dios ay aking kaligtasan; ako'y titiwala, at hindi ako matatakot: sapagka't ang Panginoon si Jehova ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan.
Ako sana'y nanglupaypay kundi ko pinaniwalaang makita ang kabutihan ng Panginoon. Sa lupain ng may buhay. Magantay ka sa Panginoon: ikaw ay magpakalakas, at magdalang tapang ang iyong puso; Oo, umasa ka sa Panginoon.
Maraming kapanglawan ay sasapit sa masama: nguni't siyang tumitiwala sa Panginoon, kagandahang-loob ang liligid sa kaniya sa palibot.
Kaya nga, mga kapatid kong minamahal, kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.
Sapagka't ito ang nilalaman ng kasulatan, Narito, aking inilalagay sa Sion ang isang batong panulok na pangulo, hirang mahalaga: At ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.
Datapuwa't ngayo'y nanatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa, at ang pagibig; nguni't ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagibig.
Ilagay mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan ka: hindi niya titiising makilos kailan man ang matuwid.
Na sa kaniya'y mayroon tayong lakas ng loob at pagpasok na may pagasa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya.
Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.
Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay Dios na puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan.
Nang magkagayo'y kaniyang hinipo ang mga mata nila, na sinasabi, Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo.
Tungkol sa Dios, ang kaniyang lakad ay sakdal; Ang salita ng Panginoon ay subok; Siya'y kalasag sa lahat ng sa kaniya'y kumakanlong.
Pasasakdalin ng Panginoon ang tungkol sa akin: ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay magpakailan man; huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong sariling mga kamay.
Sapagka't Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban.
Hindi pumaparito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa: ako'y naparito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.
Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma'y hindi mauuhaw.
Sapagka't tutulungan ako ng Panginoong Dios; kaya't hindi ako nalito: kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong pingkian, at talastas ko na hindi ako mapapahiya.
Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni mangilabot sa kanila; sapagka't ang Panginoon mong Dios ay siyang yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan ka niya.
Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon.
Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman; At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan; At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig.
Siya'y hindi matatakot sa mga masamang balita: ang kaniyang puso ay matatag, na tumitiwala sa Panginoon.
Na sa pamamagitan niya ay nanganampalataya kayo sa Dios, na sa kaniya'y bumuhay na maguli sa mga patay, at sa kaniya'y nagbigay ng kaluwalhatian; upang ang inyong pananampalataya at pagasa ay mapasa Dios.
Ako'y ililigtas ng Panginoon sa bawa't gawa ng masama, at ako'y kaniyang iingatan sa kaniyang kaharian sa langit: na sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.
Sapagka't hindi ninyo muling tinanggap ang espiritu ng pagkaalipin sa ikatatakot; datapuwa't tinanggap ninyo ang espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y sumisigaw tayo, Abba, Ama. Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios:
Datapuwa't sinabi niya, Ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios.
Na ating inaring tulad sa sinepete ng kaluluwa, isang pagasa na matibay at matatag at pumapasok sa nasa loob ng tabing;
Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.
Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin; sapagka't ikaw ay Dios ng aking kaligtasan; sa iyo'y naghihintay ako buong araw.
Kung paano nga na inyong tinanggap si Cristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa kaniya, Na nangauugat at nangatatayo sa kaniya, at matibay sa inyong pananampalataya, gaya ng pagkaturo sa inyo, na sumasagana sa pagpapasalamat.
Sa makatuwid baga'y ang katuwiran ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng mga nagsisisampalataya; sapagka't walang pagkakaiba;
Na ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon, Nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbong taga ibang lupa.
Ang lakad ng tao ay itinatag ng Panginoon; at siya'y nasasayahan sa kaniyang lakad. Bagaman siya'y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka't inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay.
Bagaman ako'y patayin niya, akin ding hihintayin siya: gayon ma'y aking aalalayan ang aking mga lakad sa harap niya.
At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay;
At pupunan ng aking Dios ang bawa't kailangan ninyo ayon sa kaniyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.
Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.
Sa karamihan ng aking mga pagiisip sa loob ko ang iyong mga pagaliw ay nagbibigay lugod sa aking kaluluwa.
Sapagka't iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila'y iniingatan magpakailan man: nguni't ang lahi ng masama ay mahihiwalay.
Datapuwa't sa kaniya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran.
Sapagka't tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung ating iniingatang matibay ang pasimula ng ating pagkakatiwala hanggang sa katapusan:
Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago.
Sapagka't noong panahon kayo'y kadiliman, datapuwa't ngayon kayo'y kaliwanagan sa Panginoon: magsilakad kayong gaya ng mga anak ng kaliwanagan: (Sapagka't ang bunga ng kaliwanagan ay nabubuo ng kabutihan at katuwiran at katotohanan),
Gayon din naman kayo, ibilang ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, nguni't mga buhay sa Dios kay Cristo Jesus.
Datapuwa't salamat sa Dios, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.
Maginhawa ang may pinaka saklolo sa Dios ni Jacob, na ang pagasa ay nasa Panginoon niyang Dios: Na gumawa ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat na nandoon; na nagiingat ng katotohanan magpakailan man:
Ang pangalan ng Panginoon ay matibay na moog: tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.
At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa:
Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si Jesucristo ay nasa inyo? maliban na nga kung kayo'y itinakuwil na.
Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin.
Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi.
Sapagka't ipagbubuhos ko ng tubig siya na uhaw, at ng mga bukal ang tuyong lupa; aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyong lahi, at ang aking pagpapala sa iyong suwi:
Narito, ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na nangatatakot sa kaniya, sa kanila na nagsisiasa sa kaniyang kagandahang-loob;
Loobin nawa ng Dios ng pagtitiis at paggiliw, na kayo ay magkaisa ng pagiisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus: Upang kayo na may isang pagiisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo.
Dahil dito'y nagtiis din ako ng mga bagay na ito: gayon ma'y hindi ako nahihiya; sapagka't nakikilala ko yaong aking sinampalatayanan, at lubos akong naniniwalang siya'y makapagiingat ng aking ipinagkatiwala sa kaniya hanggang sa araw na yaon.
Nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi ko lubos na aalisin sa kaniya, ni akin mang titiisin na ang pagtatapat ko'y magkulang. Ang tipan ko'y hindi ko sisirain, ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.
Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako'y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.
Kayo'y sa Dios, mumunti kong mga anak, at inyong dinaig sila: sapagka't lalong dakila siyang nasa inyo kay sa nasa sanglibutan.
Datapuwa't ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, Kaamuan, pagpipigil; laban sa mga gayong bagay ay walang kautusan.
Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.
Kaya nga hindi kami nanghihimagod; bagama't ang aming pagkataong labas ay pahina, nguni't ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw. Sapagka't ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo't lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan; Samantalang kami ay nagsisitingin hindi sa mga bagay na nangakikita, kundi sa mga bagay na hindi nangakikita: sapagka't ang mga bagay na nangakikita ay may katapusan; datapuwa't ang mga bagay na hindi nangakikita ay walang hanggan.
Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo; Na dahil sa kaniya'y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa't kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa't iba't ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig.
Kung kayo nga'y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios. At kayo'y nangagbihis ng bagong pagkatao, na nagbabago sa kaalaman ayon sa larawan niyaong lumalang sa kaniya: Doo'y hindi maaaring magkaroon ng Griego at ng Judio, ng pagtutuli at ng di pagtutuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng laya; kundi si Cristo ang lahat, at sa lahat. Mangagbihis nga kayo gaya ng mga hinirang ng Dios, na mga banal at minamahal, ng isang pusong mahabagin, ng kagandahangloob, ng kababaan, ng kaamuan, ng pagpapahinuhod: Mangagtiisan kayo sa isa't isa, at mangagpatawaran kayo sa isa't isa, kung ang sinoman ay may sumbong laban sa kanino man; na kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayon din naman ang inyong gawin: At sa ibabaw ng lahat ng mga bagay na ito ay mangagbihis kayo ng pagibig na siyang tali ng kasakdalan. At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat. Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo'y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios. At anomang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Dios sa pamamagitan niya. Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon. Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, at huwag kayong maging mapait sa kanila. Ilagak ninyo ang inyong pagiisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa.
Sapagka't ang mga bundok ay mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.
Sinasabi ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti niya. Gayon ma'y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?
Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasa'y iginagatong sa kalan, hindi baga lalonglalo na kayong pararamtan niya, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?
Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.
Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko: sapagka't kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.
Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; nguni't ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya.
Hindi sa kami ay may pagkapanginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga tagatulong sa inyong katuwaan: sapagka't sa pananampalataya kayo'y nangagsisitatag.
At nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka siya, at sinabi sa nagsisisunod, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya.
Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Ang lahat na sa kaniya'y nagsisisampalataya ay hindi mapapahiya.
Datapuwa't palibhasa'y mga anak tayo ng araw, mangagpigil tayo, na isuot ang baluti ng pananampalataya at ng pagibig; at ang maging turbante ay ang pagasa ng kaligtasan.
Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.
Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.
Idinidilat ng Panginoon ang mga mata ng bulag; ibinabangon ng Panginoon ang mga nasusubasob; iniibig ng Panginoon ang matuwid; Iniingatan ng Panginoon ang mga taga ibang lupa; kaniyang inaalalayan ang ulila at babaing bao; nguni't ang lakad ng masama ay kaniyang ibinabaligtad.
Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala. Sapagka't kayo'y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Dios, ay magsitanggap kayo ng pangako.