Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Ang lahat ng ito'y gawin ninyo na may panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos.
Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa.
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.
Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman.
Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin. At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga hinirang, ayon sa kalooban ng Diyos.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin; kayo'y aking ililigtas, ako'y inyong pupurihin.”
Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag; sa aking paghihirap, humingi ng habag. Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig, pinakinggan niya ang aking paghibik.
Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin. Aking itataghoy ang mga hinaing, at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin.
ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbabá, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin, at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon.
Sabi niya, “Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [
Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian.
Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon, sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
Ang aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso; itong pagtaas ng mga kamay ko.
Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig, dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik; Laging buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig, bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.” Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan, “Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.” Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog, sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob? Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap, bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas. Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang, ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay. Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki, kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat. O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod, katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos; yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos. Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat, ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak. Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang, sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan. Purihin si Yahweh! ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag, kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin.
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin;
Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu.
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos.
Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling, iisa lamang talaga ang aking hangarin: ang tumira sa Templo niya habang buhay, upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan, at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat.
Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam. Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ngayon, kasama ko na kayo sa pakikibakang nakita ninyong ginagawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon. Tuwing ipinapanalangin ko kayong lahat, ako'y laging nagagalak
Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw, gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan; dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at ibibigay iyon sa inyo.
Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya.
Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.
Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?”
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Nang Maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo.
At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin.”
Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri, kanyang karangalan, aking sinasabi. Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy, di sana ako dininig ng ating Panginoon. Ngunit tunay akong dininig ng Diyos, sa aking dalangin, ako ay sinagot. At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay! Awitan siya't luwalhatiin siya! Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan, pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan, at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.
Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin, sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
Pakinggan mo ako Yahweh, sa aking panawagan, sagutin mo ako at iyong kahabagan. Nang sabihin mo Yahweh, “Lumapit ka sa akin,” sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin, sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin. Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin, ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo,
Ako ay natakot, labis na nangamba, sa pag-aakalang ako'y itinakwil na. Ngunit dininig mo ang aking dalangin, nang ang iyong tulong ay aking hingin.
Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid, ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig.
Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya, kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”
Nagtitiwala sila sa Diyos at laging nananalangin sa kanya. Dinirinig naman sila at laging tinutulungan. Dahil dito'y nalupig nila ang kanilang mga kaaway.
Ganito ang naging panalangin ni Ana: “Pinupuri kita, Yahweh dahil sa iyong kaloob sa akin. Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan, sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.
“Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa inyo, at sinagot ninyo ako. Mula sa daigdig ng mga patay ako'y tumawag sa inyo, at dininig ninyo ako.
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap, bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani.
Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin, at ibibigay ko ang kanilang hinihiling.
Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.
Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan; magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay, ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan.
Nahihirapan ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos.
“Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan, ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. Kapag hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin.
Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot; kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya.
Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo.
Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas, ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad. Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob, para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.” Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa, ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga. Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay, magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan. Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal, at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay. Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga, iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha. Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos, ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah) Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig, pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig. Magmula sa mga ulap mga ulan ay bumuhos, at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog na katulad ay palasong sumisibat sa palibot. Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot, ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob; pati mundo ay nayanig na para bang natatakot. Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan, ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan; ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan. Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag, hindi ako napagod, dumalangin na magdamag, ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
Nang ako'y magipit, ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag; sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa daigdig na ito, kundi iligtas mo sila sa Masama!
Kaya't lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan.
Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
At anuman ang inyong sasabihin o gagawin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo'y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya nakatatawag tayo sa kanya ng “Ama, Ama ko!”
Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga. Hindi hahayaang sila ay mamatay, kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’ “Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling;
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakarami nang aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.”
Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin.
Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?
Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin; inyo pong pakinggan, ang aking hinaing! Tumatawag ako dahilan sa lumbay, sapagkat malayo ako sa tahanan. Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!
Ngunit nanalangin si Jabes sa Diyos ng Israel at sinabi: “Pagpalain po ninyo ako! Palawakin ninyo ang aking lupain. Samahan po ninyo ako at ingatan sa anumang kasawiang makakasakit sa akin.” At ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kahilingan.
sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita yaong pag-ibig mo na lubhang dakila. Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik, patnubayan ako sa daang matuwid.
Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya.
Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”
Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, “Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama. Sa inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat. Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos, at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan.
Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas; siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)
At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin.
Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro.
Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata.
“Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman sa pananalangin, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit.
Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin; at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa! At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo, sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
“Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayan tuwing kami'y mananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami mula sa langit na inyong tahanan at sana'y patawarin ninyo kami.
Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito.
pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan, matibay na muog laban sa kaaway. Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay; sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah)
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus; gayundin ang mga kapatid ni Jesus.
Di ako hihinto, sa aking pananalig, ang pag-iingat mo'y aking ninanais, huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid. Sa mga patibong ng masamang tao, ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
Pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin kaya't pinabalik siya sa Jerusalem at muling naghari doon. Noon kinilala ni Manases na si Yahweh ay Diyos.
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala. Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman, sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot.
Kaya't buong tapang nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Mapagpatawad ka at napakabuti; sa dumadalangin at sa nagsisisi, ang iyong pag-ibig ay mananatili. Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin, tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin. Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag, iyong tinutugon ang aking pagtawag.
Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas. Ganito ang isinisigaw ng isang tinig: “Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang; gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang. Kahit na ang mga kabataan ay napapagod at nanlulupaypay. Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Do'n sa mga burol, ako'y napatingin— sasaklolo sa akin, saan manggagaling? Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula, sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin.
Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama, ngunit sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa.
kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, ang iglesya nama'y taimtim na nananalangin sa Diyos para kay Pedro.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.