Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao.”
Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal?
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
Inutusan siya ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon.
Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na masunurin sa kalooban ng Diyos.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Mayroon kayong minimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi dahil hindi kayo humihingi sa Diyos.
Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?” Sumagot ang anghel, “Kinalulugdan ng Diyos ang iyong mga dalangin at ang pagtulong mo sa mahihirap.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw, gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan; dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos.
Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”
Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at ibibigay iyon sa inyo.
Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.
Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin.
Sagutin mo po ang aking pagtawag, O Diyos, na aking kalasag! Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan, kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan.
Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi.
Noong si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbabá.
Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot; kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan, manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa.
Ang kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job.
Ang aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso; itong pagtaas ng mga kamay ko.
“Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayan tuwing kami'y mananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami mula sa langit na inyong tahanan at sana'y patawarin ninyo kami.
Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong napakabanal na pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo.
Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin.
Nang Maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo.
Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doo'y lumuhod at nanalangin.
Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin, at ibibigay ko ang kanilang hinihiling.
Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani.
Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin, sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin. Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin, ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin.
Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.
Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya.
Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian.
Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”
kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, ang iglesya nama'y taimtim na nananalangin sa Diyos para kay Pedro.
Ang pakikipag-usap ni Yahweh kay Moises ay harap-harapan, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan. Pagkatapos, si Moises ay bumabalik na sa kampo ngunit naiiwan sa Tolda si Josue, ang lingkod niya.
Kami'y nagagalak na maging mahihina kung kayo naman ay lalakas. Kaya't idinadalangin rin naming kayo'y maging ganap.
Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinalakad na.
Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya.
Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin.
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag; sa aking paghihirap, humingi ng habag. Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig, pinakinggan niya ang aking paghibik.
Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”
Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid, ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig.
Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.
Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao.
Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa.
Ang lahat ng ito'y gawin ninyo na may panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.
Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo.
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin.”
Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban.
Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.
Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin, at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo.
Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman.
Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.”
Nagtitiwala sila sa Diyos at laging nananalangin sa kanya. Dinirinig naman sila at laging tinutulungan. Dahil dito'y nalupig nila ang kanilang mga kaaway.
O Panginoon, pakinggan ninyo ang panalangin ko, at ng iba pang lingkod ninyo na nagnanais magparangal sa inyo. Pagtagumpayin po ninyo ako ngayon at loobin po ninyong kahabagan ako ng hari.” Nang panahong iyon, ako ang namamahala sa mga inumin ng hari.
Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig, dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik; Laging buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig, bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.” Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan, “Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.” Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog, sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob? Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap, bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas. Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang, ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay. Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki, kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat. O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod, katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos; yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos. Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat, ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak. Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang, sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan. Purihin si Yahweh! ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag, kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.
Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin. Aking itataghoy ang mga hinaing, at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu.
Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa.
Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob.
Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon, sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya.
Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin, sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus; gayundin ang mga kapatid ni Jesus.
Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin.
Ngunit tunay akong dininig ng Diyos, sa aking dalangin, ako ay sinagot. At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay! Awitan siya't luwalhatiin siya! Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan, pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan, at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.
Nahihirapan ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos.
“Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi.
ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbabá, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.
Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo'y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya nakatatawag tayo sa kanya ng “Ama, Ama ko!”