Mahalaga ang panalangin sa buhay ng bawat nananampalataya. Isipin mo, mahirap magtayo ng negosyo kung wala ang gabay ng Diyos. Nasa Kanya ang tunay na tagumpay. Isama mo Siya sa bawat desisyon mo. Mahalaga ang plano, pero mas maganda kung kakausapin mo Siya at hihingi ng gabay sa bawat hakbang.
Dapat pakinggan mo ang tinig ng Banal na Espiritu. Kapag naisip mo na ang gusto mong pwesto para sa negosyo mo, ipanalangin mo ito sa Diyos para maging lugar ito na makapagbibigay ng papuri sa Kanya at maging kaaya-aya para sa lahat.
Hindi ibig sabihin nito na nagpapaka-relihiyoso ka. Ibig sabihin lang, binibigyan mo ng lugar ang Diyos sa buhay at sa lahat ng ginagawa mo. Huwag mong maliitin ang salita ng Diyos. Huwag mong balewalain ang mga payo Niya. Alam Niya ang lahat ng bagay at ang mangyayari sa hinaharap. Hayaan mong Siya ang magturo sa’yo ng tamang daan. Alam Niya kung saan ka dapat dumaan para makamit mo ang inaasam mong biyaya sa negosyo mo.
Manalangin ka kay Hesus. Tumahimik ka at ilapit mo sa Diyos ang mga plano mo. Humingi ka na masunod ang kalooban Niya na mabuti, kaaya-aya at ganap. Makakaasa ka, kapag hinawakan mo ang kamay ng Ama, dadalhin ka Niya sa lugar kung saan magiging masaya ka at magiging pagpapala ka rin sa mga nakapaligid sa’yo. Maging instrumento ka sana ng pagpapala sa marami.
Katulad niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang; pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan, at inaakay niya sa tahimik na batisan. Pinapanumbalik ang aking kalakasan, at pinapatnubayan niya sa tamang daan, upang aking parangalan ang kanyang pangalan. Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay. Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang. Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo, na nakikita pa nitong mga kalaban ko; sa aking ulo langis ay ibinubuhos, sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos. Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay; at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pag-ukulan ninyo ng pansin ang sariling gawain at hindi ang sa iba. Maghanapbuhay kayo tulad ng itinuro namin sa inyo.
Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo.
Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.
Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno.
At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan, ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Ganito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel, ni Yahweh na sa iyo'y tumubos: “Ako ang iyong Diyos na si Yahweh. Tuturuan kita para sa iyong kabutihan, papatnubayan kita sa daan na dapat mong lakaran.
Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
Naging matagumpay siya, sapagkat ang lahat ng ginawa niya para sa Templo at sa kanyang pagtupad sa Kautusan, ay ginawa niya nang buong puso at katapatan sa kanyang Diyos.
Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay. Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran.
Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula, ngunit mula kay Yahweh ang sagot ng dila.
Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain, magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin! Magtagumpay nawa kami!
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.
Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan; bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,” dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag. Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko.
Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang; anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan, ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos.
Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain; ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo.
Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
“Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan, ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay.
Pinuspos ko siya ng aking Espiritu at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining.
Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya, kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad, ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap.
Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti, kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala. Lakas ng masama ay aalisin, ngunit ang matuwid ay kakalingain.
Dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala, ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas, dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)
Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay, ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan; maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay, ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan, at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.
Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman, yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.
Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod, buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
Huwag akong hayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako'y matutong magnakaw, at pangalan mo'y malapastangan.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang, batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay; pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan, matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang, ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.
Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot; sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa.
Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang, ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan.
Sa buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay.
Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa; ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya. Huwag kang magtiwala sa gawang marahas, ni sa panghaharang, umasang uunlad; kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan ang lahat ng ito'y di dapat asahan. Hindi na miminsang aking napakinggan na taglay ng Diyos ang kapangyarihan, at di magbabago kanyang pagmamahal. Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo. Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.
Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod; ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”
Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.
Sapagkat si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan, sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya; huwag mong kainggitan ang gumiginhawa, sa likong paraan, umunlad man sila.
Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’ “Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling;
Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo.
Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin, pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain. (Vav)
Ang iyong mga hayop ay iyong bantayan, alagaang mabuti ang iyong kawan. Di mamamalagi ang yaman, ganoon din ang mga nasa kapangyarihan.
Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan. Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.
Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi, sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito.
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?
Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Hindi mabibigo ang taong matuwid, di malilimutan kahit isang saglit. Masamang balita'y hindi nagigitla, matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
“Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato.
Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan, siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan. Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang; anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan. Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan, kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan. Huwag kang maiinggit sa taong marahas ni lalakad man sa masama niyang landas. Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot, ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot. Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama, ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala. Ang mga palalo'y kanyang kinasusuklaman, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban. Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan, ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang. Sa gayon, malulugod sa iyo ang Diyos, at kikilalanin ka ng mga tao.
“Ang ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik, kundi dinidilig nito ang lupa, kaya lumalago ang mga halaman at namumunga at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain. Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig, ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan. Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.
Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan, na matamo yaong aking minimithing kautusan.
Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay, matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
Ibibigay ko sa iyo ang nakatagong mga kayamanan at alahas; sa gayon, malalaman mong ako si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang siyang tumawag sa iyo.
Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na ilaan ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.
kapag sinunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon mula kay Yahweh na inyong Diyos, at kung mahal ninyo siya at ginagawa ang kanyang kagustuhan, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Bibigyan niya kayo ng mahabang buhay at gagawing isang malaking bansa.
Gumawa ka ng mas malaking tolda, palaparin mo ang kurtina niyon. Huwag mong lagyan ng hangganan ang dakong iyon, pahabain mo ang mga tali. Ibaon mo ng malalim ang mga pantulos. Sapagkat kakalat kayo sa buong daigdig, aangkinin ng inyong lahi ang ibang mga bansa; at pananahanan nila ang mga lunsod doon, na iniwanan.