Alam mo, higit pa sa mga magagandang salitang masasabi mo o mga regalong maibibigay mo sa isang kaibigan, ang tunay na pagmamahal ay makikita sa pananalangin mo para sa kanila. Kasi may mga bagay talaga na hindi natin kayang abutin o kaya ayusin, pero sa pamamagitan ng panalangin, may mga himalang maaaring mangyari. Isipin mo na lang, may mga lugar na hindi natin mapupuntahan, pero ang panalangin natin, kayang umabot doon.
Sana lagi nating tandaan na ang bawat salitang lalabas sa ating bibig ay maging pagpapala sa iba. Parang pag-iiwan natin ng magagandang bakas sa buhay ng mga taong nakapaligid sa atin. Ganyan kasi talaga ang nagpapatatag at nagpapahaba ng isang tunay na pagkakaibigan, 'di ba?
Sa Bibliya, marami tayong mababasang mga talata na puwede nating ibahagi sa mga taong nagpapaganda ng buhay natin dito sa mundo – 'yung mga taong nagtuturo sa atin, nagmamahal sa atin, at 'yung mga taong inilagay ng Diyos sa buhay natin na nandiyan para sa atin, sa hirap man o ginhawa. Isipin mo, ang sabi nga sa 2 Timoteo 3:16, “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran.”
Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong.
At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh; kahabagan ka nawaatsubaybayan ni Yahweh; lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh.
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan. Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan laban sa masama, ipagsasanggalang; sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan. Ang iyong sarili'y sa kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.
Ang langis at pabango'y pampasigla ng pakiramdam ngunit ang kabalisaha'y pampahina ng kalooban.
Kapatid, ang pag-ibig na iyon ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo, sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos.
Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama, at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa. Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
Mahal kong Gayo, idinadalangin kong ikaw sana'y nasa mabuting kalagayan at malusog ang katawan, tulad ng iyong buhay espirituwal na alam kong nasa mabuting kalagayan.
Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus.
Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa.
Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin, at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ngayon, kasama ko na kayo sa pakikibakang nakita ninyong ginagawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon. Tuwing ipinapanalangin ko kayong lahat, ako'y laging nagagalak
Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbabá, mahinahon, at mapagtiis. Magpasensiya kayo sa isa't isa at magpatawad kayo kung may hinanakit kayo kaninuman. Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. At higit sa lahat, magmahalan kayo, sapagkat ang pag-ibig ang buklod ng ganap na pagkakaisa.
Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid, ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
Matapos mag-usap sina Saul at David, ang kalooban ni Jonatan na anak ni Saul ay napalapit kay David. Napamahal si David kay Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa kanyang sarili. Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Hawak noon ni Saul ang kanyang sibat at dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David. Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya. Kaya, para mapalayo ito sa kanya, ginawa niya itong pinuno ng sanlibong kawal. Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan at anuman ang kanyang gawin ay nagtatagumpay siya sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh. Dahil dito, lalong natakot sa kanya si Saul. Sa kabilang dako, si David ay lalong napamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang matagumpay na pamumuno. Minsa'y sinabi ni Saul kay David, “Ipakakasal ko sa iyo ang anak kong si Merab kung maglilingkod ka sa akin nang tapat at buong giting mong ipagtatanggol ang bayan ng Diyos.” Ngunit ang talagang nais niya ay mapatay ng mga Filisteo si David upang mawala na ito sa kanyang landas. Sumagot si David, “Sino ang aking mga magulang at sino ako upang maging manugang ng hari?” Ngunit nang dumating ang araw na dapat tuparin ni Saul ang pangako niya kay David, ipinakasal niya si Merab kay Adriel na taga-Meholat. Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David. Si Saul ay may isa pang anak na babae, si Mical. Umiibig siya kay David at natuwa si Saul nang malaman ito. Sa loob-loob niya, “Si Mical ang gagamitin ko upang maipapatay ko si David sa mga Filisteo.” Kaya't muli niyang sinabi kay David, “Ngayo'y talagang magiging manugang na kita.” Kinausap pa ni Saul ang kanyang mga tauhan sa palasyo upang hikayatin si David. Ipinasabi niya, “Gustung-gusto ka ng hari, pati ng kanyang mga tauhan, kaya pumayag ka nang maging manugang niya.” Nang marinig ito ni David, sumagot siya, “Maaari ba akong maging manugang ng hari gayong ako'y mahirap lamang at walang maipagmamalaki?” Sinabi nila kay Saul ang sagot ni David. Ipinasabi naman uli ni Saul, “Sabihin ninyo na wala akong hihinging dote kundi sandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa kaaway.” Iniisip ni Saul na ito na ang pagkakataong mapatay ng mga Filisteo si David. Nang marinig niya ito, natuwa siya sapagkat kung magawâ niya ito ay maaari na siyang maging manugang ng hari. At bago dumating ang takdang araw, nilusob niya at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo at nakapatay sila ng dalawandaan. Ang mga balat na pinagtulian ng mga ito'y dinala niya sa hari. Dahil dito, ipinakasal sa kanya si Mical. Lalong naniwala si Saul na si David ay pinapatnubayan ni Yahweh at nakita niya kung gaano ito kamahal ng anak niyang si Mical. Kaya't lalong natakot si Saul kay David. Mula noon, itinuring na niya itong kaaway. Dahil sa pagmamahal ni Jonatan kay David, isinumpa niya na sila'y magiging magkaibigan habang buhay.
Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas.
Ang kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job.
Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa panlasa, pampalusog ng katawan.
Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap, si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag. Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan; ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan. Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman, sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway. Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat. Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap. Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel! Purihin siya, ngayon at magpakailanman! Amen! Amen! Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak, sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak, at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat, sa mga panganib, ika'y ililigtas. Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan. Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
Nawa'y pasaganain at pag-umapawin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo.
Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Nawa'y ipagkaloob ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng mga kapatid ang kapayapaan at ang pag-ibig na kalakip ng pananampalataya. Ang pagpapala ng Diyos ay sumainyong lahat, sa inyo na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay, at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa paghahangad ninyong maging tanyag; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang inyong kakulangan sa akin. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.
Mga kapatid, hanggang dito na lamang, at paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa na kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo, at pagdating ng araw, pakikinabangan mo. Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo tuwing ipinapanalangin ko kayo. Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na ipagkaloob niya sa inyo ang Espiritu na nagbibigay ng karunungan at nagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal,
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang; pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan, at inaakay niya sa tahimik na batisan. Pinapanumbalik ang aking kalakasan, at pinapatnubayan niya sa tamang daan, upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula, sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay, ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw.
Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng ginagawa ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang araw ng Panginoon.
Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod, mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
Idinadalangin kong palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig sa kanya. Dalangin ko na ang lahat ng inyong gawain ay nag-uugat sa pag-ibig upang lubusang maunawaan ninyo, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, gaano kahaba, gaano kataas, at gaano kalalim ang kanyang pag-ibig. At nawa'y malaman ninyo ang buong pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip upang kayo'y mapuspos ng kapuspusan ng Diyos.
Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo.
Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan, anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang. Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos, pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.