Kaibigan, ang tagumpay mo ay nakasalalay sa buhay panalangin mo. Ilapit mo ang mga plano mo sa Diyos at lumakad ka sa kalooban Niya, at makakamit mo ang lahat ng iyong mga pangarap. Mahalaga na huwag kang lumihis sa Kanyang mga utos at manatili kang matatag sa Kanyang salita.
Alam natin na ang tagumpay ay hindi nakakamit sa isang iglap lang. Kailangan ang tiyaga sa lahat ng bagay. May mga sakripisyo, oo naman, pero kung ang Diyos ang gumagabay sa’yo, makakatagpo ka ng kagalakan sa lahat ng iyong ginagawa.
Kung bibigyan ka ng Diyos ng tagumpay, hindi ito para sa sarili mong ikaluluwalhati kundi para maging repleksyon ka ni Hesus dito sa lupa. Tandaan mo, ang biyayang natanggap mo ay dapat mong ibahagi. Ingatan mo ang puso mo sa mga bagay na makakasira nito at huwag maging manhid sa pangangailangan ng iba.
Maging mapagmalasakit ka sa kapwa mo at huwag kang mag-atubiling tumulong. Pinagpapala ka ng Diyos para maging pagpapala ka rin sa marami. Nais ng iyong Ama sa langit na matamasa mo ang bunga ng iyong paghihirap, basta’t lagi mong tatandaan na lahat ng ito ay galing sa Kanya.
Manatili kang matatag sa Kanyang salita, sundin mo ang Kanyang mga utos at sa gayon ay mapananatili mo ang tagumpay, nang hindi ka nadadala ng iyong mga emosyon at damdamin. Nawa'y pagpalain ka ng Diyos.
Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno.
Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon.
Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay.
Katulad niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno.
Tuparin mo ang iyong tungkulin kay Yahweh na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayon, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain,
Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama, at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa. Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya at hindi nakikisangkot sa gawaing masama. Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh. Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi. Katulad niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan, ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Magtatagumpay ka kung susundin mong mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot ni panghinaan man ng loob.
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin, at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.
Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya, kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
Ganito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel, ni Yahweh na sa iyo'y tumubos: “Ako ang iyong Diyos na si Yahweh. Tuturuan kita para sa iyong kabutihan, papatnubayan kita sa daan na dapat mong lakaran.
Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko.
Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo.
“Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’
Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain, magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin! Magtagumpay nawa kami!
Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.
Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita, bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala.
Ang kanyang galit, ito'y panandalian, ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan. Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.
Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin, lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim; Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw, sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan. Aking anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin, at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil, pagkat lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan, tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang. Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito, at higit sa gintong lantay ang tubo nito. Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan, at walang kayamanang dito ay maipapantay. Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman, may taglay na kayamanan at may bungang karangalan. Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman, at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw. Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan, para siyang punongkahoy na mabunga kailanman. Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig, sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit. upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay, at maging masagana sa lahat ng kailangan. Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig, pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit. Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala, huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita. Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay. At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay, sa landas mo'y hindi ka matatalisod. Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin, at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing. Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan, hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang. Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo, at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo. Ang kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa, kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ. Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan, huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.” Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan. Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan. Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan, kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan. Huwag kang maiinggit sa taong marahas ni lalakad man sa masama niyang landas. Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot, ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot. Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama, ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala. Ang mga palalo'y kanyang kinasusuklaman, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban. Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan, ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang. Sa gayon, malulugod sa iyo ang Diyos, at kikilalanin ka ng mga tao.
Ngunit mula ngayon, wala nang sandatang gagamitin laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang sa iyo. Ang mga lingkod ko'y aking ipagtatanggol, at sila'y bibigyan ng pagtatagumpay.” Ito ang sinabi ni Yahweh.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
Habang nabubuhay si Zacarias, na nagturo sa kanya na matakot sa Diyos, naglingkod siya nang tapat kay Yahweh, at pinagpapala siya ng Diyos.
Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot, ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos. Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan, ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
Sa buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay.
O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig, araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
Purihin si Yahweh! Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang, at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan. Kung makita ito ng mga masama, lumalayas silang mabagsik ang mukha; pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala. Ang kanyang lipi'y magiging dakila, pati mga angkan ay may pagpapala. Magiging sagana sa kanyang tahanan, pagpapala niya'y walang katapusan.
“Kung susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo. Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin. Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa. Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan. “Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito: “Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid. “Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon. “Susumpain niya kayo at magkakaroon lamang kayo ng iilang anak, mahinang ani, at kaunting alagang hayop. “Mabibigo kayo sa lahat ng inyong gagawin. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.
Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan; at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan.
Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan. Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.” Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan; ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah) Di dapat matakot, mundo'y mayanig man, kahit na sa dagat ang bundok matangay;
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo.
Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan, ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay.
Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran, buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala.
Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan, ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
Hindi na halos nakikialam ang bantay ng bilangguan sa ginagawa ni Jose, sapagkat si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain.
Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay, matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan.
Silang tumatangis habang nagsisipagtanim, hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.
Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Ang taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan, at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan.
Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain; ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito.
Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan; bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan, ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito, at higit sa gintong lantay ang tubo nito. Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan, at walang kayamanang dito ay maipapantay. Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman, may taglay na kayamanan at may bungang karangalan. Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman, at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw. Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan, para siyang punongkahoy na mabunga kailanman.
Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala, ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.
Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo.
Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi, magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang. Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.
Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan.
Pagkatapos, sinabi ni David sa kanyang anak na si Solomon, “Magpakatatag ka, lakasan mo ang iyong loob at gawin mo ito. Huwag kang matatakot ni panghinaan ng loob sapagkat ang Panginoong Yahweh, na aking Diyos ay kasama mo. Hindi ka niya bibiguin. Hindi ka niya pababayaan hangga't hindi mo natatapos ang lahat ng bagay na kailangan sa paglilingkod sa kanyang Templo.
“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya.
Kay Yahweh tayo'y magtiwala! Manalig sa kanya at huwag manghinawa. Kay Yahweh tayo magtiwala!
Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay. Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga, at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya. Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin, buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin.
Ang sagot po niya'y sasamahan ako ng anghel ni Yahweh upang magtagumpay sa aking lakad. Dito raw sa angkan ng kanyang ama ako kumuha ng mapapangasawa ng kanyang anak. Iyan po ang utos sa akin.
Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay, at ang taong matapat ay kanyang iingatan.
Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.
Ang lumalakad sa daan ng katuwiran at katapatan ay nagkakamit ng buhay at karangalan.
Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid, ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo.
Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad, ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap.
Diyos ng iyong ama'y siyang sasaklolo, ang Makapangyarihang Diyos magbabasbas sa iyo. Magbuhat sa langit, bubuhos ang ulan, malalim na tubig sa lupa'y bubukal; dibdib na malusog, pati bahay-bata'y pagpapalain di't kanyang babasbasan. Darami ang ani, bulaklak gayon din, maalamat na bundok ay pagpapalain; pati mga burol magkakamit-aliw. Pagpapalang ito nawa ay makamit ni Joseng nawalay sa mga kapatid.
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa.
Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang, ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.