Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.”
Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Kaya't buong tapang nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay. Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan, itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat, sa mga panganib, ika'y ililigtas. Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan. Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
Nananalig sa iyo Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan, dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit di kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag kami, ngunit di nawawalan ng pag-asa. Inuusig kami, ngunit hindi kami pinababayaan ng Panginoon. Napapabagsak kami, ngunit di tuluyang napapatay.
Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin.
Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako, sa aking paglakad ay inaakay mo. Ang mga payo mo'y umakay sa akin, marangal na ako'y iyong tatanggapin.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig, ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho, at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.” Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa; ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya. Huwag kang magtiwala sa gawang marahas, ni sa panghaharang, umasang uunlad; kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan ang lahat ng ito'y di dapat asahan. Hindi na miminsang aking napakinggan na taglay ng Diyos ang kapangyarihan, at di magbabago kanyang pagmamahal. Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo. Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot.
Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
Si Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo.
Do'n sa mga burol, ako'y napatingin— sasaklolo sa akin, saan manggagaling? Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula, sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan, kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila; sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala. Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos, tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan, sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang aking tagapagligtas.
Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan?
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin; sa kanya ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus magpakailanman! Amen.
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?
Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala, kailanma'y di makikilos, hindi mauuga. Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok, gayon nagtatanggol sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan, Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan. Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan. Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan. Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis. Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin. Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan. Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!” ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo; ingatan mo kami araw-araw at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis, sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo. Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya, kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin. Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
Ang sagot ni Yahweh, “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali. Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad.
Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba, magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan, matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat ang nangako sa atin ay maaasahan.
Kung itong si Yahweh ang aking kasama at laging kapiling, walang pagkatakot sa aking darating.
Tumatawag ako dahilan sa lumbay, sapagkat malayo ako sa tahanan. Iligtas mo ako, ako ay ingatan, pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan, matibay na muog laban sa kaaway.
Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon, sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos, at iyan nga ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos.
Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo, “Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.
Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.
Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin, ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling. Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway, ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay. O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat, ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas, at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa.
Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa; tulong na malaki at sanggalang siya. Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa; sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.
Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan.
ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina, kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka. Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig, kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
Pagkatapos, sinabi ni David sa kanyang anak na si Solomon, “Magpakatatag ka, lakasan mo ang iyong loob at gawin mo ito. Huwag kang matatakot ni panghinaan ng loob sapagkat ang Panginoong Yahweh, na aking Diyos ay kasama mo. Hindi ka niya bibiguin. Hindi ka niya pababayaan hangga't hindi mo natatapos ang lahat ng bagay na kailangan sa paglilingkod sa kanyang Templo.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo.”
Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,” dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag. Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan, ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)
Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, “Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin; kayo'y aking palalakasin at patatatagin.” Ngunit kayo'y tumanggi.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
“Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.
Sapagkat namumuhay tayo batay sa pananampalataya sa Panginoon at hindi sa mga bagay na nakikita.
Ikaw ang aking lugar na kublihan; inililigtas mo ako sa kapahamakan. Aawitin ko nang malakas, pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)
“Ako ang maghahanda ng iyong daraanan, mga bundok doo'y aking papatagin. At sa mga lunsod, mga pintong tanso'y aking wawasakin; pati kandadong bakal ay aking tatanggalin.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay; at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya. Dahil sa kahangalan mong ito, mula ngayo'y lagi kang magkakaroon ng digmaan.”
Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas, dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah) Kung paano'ng yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin; at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw, sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw. Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas, si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat! Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh, dulot ay kapayapaan, may hatid na katatagan sa buong sambahayan.
Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama.
Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.
Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo, tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko; pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ako'y kasama mo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran, Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman. Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo; noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
Ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan na siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo ang nagpatibay sa walang hanggang tipan. Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.
sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas
Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman. tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan, matatagpo kita roon upang ako ay tulungan. Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit, padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid; maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim, at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning, madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin. Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha, sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata. Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan, ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay; sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal. Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin, sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin; lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim. Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang, batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay; pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan, matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam. Tunay, Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip, ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid; kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin, sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising. Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama, at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa. Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid, kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip. Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo, at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo. Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo, ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto. Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam, sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway. O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid. Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man, ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
sa kapahamakan at kahirapan. Hindi isang anghel, kung hindi si Yahweh mismo ang nagligtas sa kanila; iniligtas sila dahil sa pag-ibig niya't habag, na sa simula pa ay kanya nang ipinakita.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo, sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin.
Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin, at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing.
Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan, at lagi silang aawit nang may kagalakan. Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal, upang magpatuloy silang ika'y papurihan. Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid, at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
Aakayin ko ang mga bulag, sa mga daang hindi nila nakikita. Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila, at papatagin ko ang mga daang baku-bako. Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila.
Matibay kong muog at Tagapagligtas, at aking tahanang hindi matitinag; Tagapagligtas kong pinapanaligan, nilulupig niya sakop kong mga bayan.
Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw. Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol. Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin.
Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian!
Sila'y magiging kanlungan sa malakas na hangin at pananggalang sa nagngangalit na bagyo; ang katulad nila'y batis sa tuyong lupain, parang malaking batong kublihan sa disyerto!
Kaya't palagi ko siyang gagabayan, at siya'y bibigyan ko ng kalakasan. Di siya malulupig ng kanyang kaaway, ang mga masama'y di magtatagumpay.
Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo'y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya nakatatawag tayo sa kanya ng “Ama, Ama ko!”
Taong masasama ay di hahayaang laging mamahala, pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Sinabi ni Yahweh, “Ako ang nagbibigay ng iyong lakas. Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao? Mamamatay rin silang tulad ng damo. Bakit mo nilimot si Yahweh na lumikha sa iyo— siya na naglatag ng kalangitan at naglagay ng pundasyon sa mundo? Bakit lagi kang takot sa nang-aalipin? Dahil ba sa galit sila sa iyo, at gusto kang puksain? Ang galit nila'y huwag mong pansinin.
Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan. Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga. Hindi hahayaang sila ay mamatay, kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
Sapagkat kayo'y sumasampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang iyan na ihahayag sa katapusan ng panahon.
“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya.
Ako nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa.
Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan.
Nang nababagabag, kay Yahweh sila ay tumawag, dininig nga sila at sa kahirapan, sila'y iniligtas. Ang bagyong malakas, pinayapa niya't kanyang pinatigil, pati mga alon, na naglalakihan ay tumahimik din. Sa sariling bayan, sila ay tinipo't pinagsama-sama, silanga't kanluran timog at hilaga, ay doon kinuha. Nang tumahimik na, sila ay natuwa, naghari ang galak, at natamo nila ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo.
Tanging sa Diyos lang ako umaasa; ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya. Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Nawa'y pasaganain at pag-umapawin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang kanyang mga hinirang.
Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal; ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan. At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan, at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
Sa iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay. At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan; ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Hindi nagbabago at hindi man lang nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat, ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas, at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang, at maging sa lupa'y, aking kailangan? Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man, ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
“Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan, na halos matuyo ang kanilang lalamunan, akong si Yahweh ang gagawa ng paraan; akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya. Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol, aagos ang masaganang tubig sa mga libis; gagawin kong lawa ang disyerto, may mga batis na bubukal sa tuyong lupain.
Pumasok kayo sa inyong bahay, bayan kong hinirang, isara ninyo ang mga pinto, magtago kayo hanggang humupa ang galit ni Yahweh.
Hindi mabibigo ang taong matuwid, di malilimutan kahit isang saglit. Masamang balita'y hindi nagigitla, matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas, at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas. Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak, at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak; iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
Ikaw ang tunay na kanlungan ng mahihirap, at mga nangangailangan, matatag na silungan sa panahon ng unos at nakakapasong init. Sa harap mo'y mabibigo ang mararahas, sila'y parang bagyong humahampas sa matibay na pader.
Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan, walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan. Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan, at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ngunit kayo ay isang lahing pinili, grupo ng maharlikang pari, isang bansang nakalaan sa Diyos, bayang pag-aari ng Diyos upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan.
Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh.
Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at ibibigay iyon sa inyo.
Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin, sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa.