Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Sapagkat si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan, sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway.
Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo, at pagdating ng araw, pakikinabangan mo. Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo.
Ang pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan. Taong masunurin, pupurihing lubos. Purihin ang Diyos magpakailanman!
Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan, ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
Ang sabi ni Yahweh, “Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan. Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama, ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.
Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon.
Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan, ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay.
Gayunpaman, sa mga taong matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam. Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan, ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa, ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita.
Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman, yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan, ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan.
Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal, ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay.
“Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas, anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
Bigyan po ninyo ako ng karunungang kailangan ko sa pamamahala at kakayahang kumilala ng mabuti sa masama. Sapagkat sino po ba ang may kakayahang maghari sa napakalaking bayang ito?”
Sa kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak, ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon, itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan, taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
Ang sabi ni Daniel: “Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos, pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos. Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan, naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan; siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
Sino ang makakapagsabi ng dapat gawin ni Yahweh? May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya? Sino ang kanyang puwedeng sanggunian para maliwanagan? Sinong nagturo sa kanya ng landas ng katarungan? Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa?
Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran, ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan. Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan, huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan.
Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak, at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.
Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito.
Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw, nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.
Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan, madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman. Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat, ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas.
“At sinabi niya sa tao, ‘Ang pagsunod at paggalang sa Panginoon ay karunungan; at ang paglayo sa kasamaan ay siyang tunay na kaalaman.’”
Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad at mangmang. Ito'y puno ng matinik na damo, at gumuho na ang bakod nito. Ang nakita ko'y pinag-isipan kong mabuti at may nakuha akong magandang aral: Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan. Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.
sapagkat bibigyan ko kayo ng pananalita at karunungang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway.
Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan, ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.
Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.
Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,
Masugid man kung mangmang, walang mapapakinabang; ang kawalan ng tiyaga'y magbubulid sa kaguluhan.
Ang taong may unawa ay tumatanggap ng payo, ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas ang ulo.
Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi. Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.
Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay, at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan. Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan, ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.”
O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig, araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip. Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan, kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira, kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala. Ang mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag, kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan.
Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal,
Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman.
Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
Huwag mong ipagyabang ang iyong nalalaman; igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan.
Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan, ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan, ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
Ngunit saan kaya matatagpuan itong karunungan? At ang pang-unawa, saan kaya matututunan? “Hindi alam ng tao ang daan tungo sa karunungan; wala iyon sa lupain ng mga nabubuhay.
Ang taong kay Yahweh ay gumagalang, matututo ng landas na dapat niyang lakaran. Ang buhay nila'y palaging sasagana, mga anak nila'y magmamana sa lupa.
Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan, ang pagpapatawad sa masamang ginawa sa kanya ay kanyang karangalan.
Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, mahusay ang kanyang payo at kahanga-hanga ang kanyang karunungan.
Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng nakatagong kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.
Ang mga walang isip ay natutuwa sa mga bagay na kahangalan, ngunit lumalakad nang matuwid ang taong may kaalaman.
Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa.
Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang, ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan. Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan, nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang paggawa ng kasalanan ay kasiyahan ng masama, ngunit ang mabuting asal, kasiyahan ng may unawa.
Ang matalino ay nagdaragdag ng kaalaman, ang may unawa'y namumulot pa ng karunungan.
Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama, at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa. Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya at hindi nakikisangkot sa gawaing masama. Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh. Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.]
Patuloy na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.
Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran, ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban. Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama, nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong karunungan, at ito ay isipin nang iyong maunawaan.
Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan, kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway. Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit, pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
Nagtataglay ng kaalaman ang maingat magsalita, ang mahinahon ay taong may pagkaunawa.
Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo.
Ang mangmang ay nag-aaral pero hindi matuto, ngunit madaling maturuan ang taong may talino.
O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan, at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.
Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan, ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan.
Ang taong matalino'y nag-iimpok ng karunungan, ngunit ang salita ng mangmang ay nagdadala ng kapahamakan.
Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw, dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari.
Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay, ang nais lang niya'y ipakitang siya'y may alam.
Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos.
Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala, huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita.
Walang kapantay ang katalinuhan at karunungang ipinagkaloob ni Yahweh kay Solomon. Walang katulad ang kanyang kaalaman.
Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod, buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
Hindi mo ba naririnig ang tawag ng karunungan, at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan? Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak, at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas. “Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas, anumang kayamanan ay hindi maitutumbas. Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan, itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan. Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan, sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan. Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan, ganoon din naman, unawa't kapangyarihan. Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala, nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama. Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula, at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila. Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal, kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan. Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay, kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay. Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay, mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay. Nasa dako siyang mataas, sa tagpuan ng mga landas;
Ika'y pinatnubayan ko sa daan ng karunungan, itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran.
Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban.
Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira, ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.
Ang mabuting payo ay kailangan para magtagumpay; kung hindi ka handa huwag nang pumalaot sa labanan.
Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.”
Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan.
Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan, bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay. (Qof)
Mananahan sa kanya ang Espiritu ni Yahweh, ang espiritu ng karunungan at pang-unawa, ng mabuting payo at kalakasan, kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan; bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
Kaya ngayon, ang hiling ko'y bigyan ninyo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang bayang ito. Kung hindi, paano ko pamamahalaan ang malaking bayang ito?”
Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. Karununga'y umaalingawngaw sa mataong lansangan, tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan. Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog, ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod: “Taong mangmang, walang hustong kaalaman, hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan? Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan? Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman? Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral; sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman. Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo, ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko. Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo, ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo. Dahil dito, kayo'y aking tatawanan, kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan. Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay, dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan, at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati, sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan. Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan. Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan, kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang. Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo, itinapong parang dumi itong paalala ko. Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa, at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama. Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang, sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman. Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay, mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.” Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama.
Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay, ang gumawa nito'y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan.
ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.
Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan, pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan. Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan, susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag, mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.
Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan, kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Siya ang magpapatatag sa bansa, inililigtas niya ang kanyang bayan, at binibigyan ng karunungan at kaalaman; ang pangunahing yaman nila, si Yahweh'y sundin at igalang.
Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad, pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat. Kahit sila'y walang pinunong sa kanila'y nag-uutos, walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod, ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw, kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan.
Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin; ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan, ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.
Hindi ka matatalisod sa lahat ng iyong hakbang, magmabilis man ng lakad ay hindi ka mabubuwal.
Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo, huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.
Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan, ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay.
Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay, ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi. Huwag itong babayaang mawala sa paningin, sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila, mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin, huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw. Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip. Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay, sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay alalay.
Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda, pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos. Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan, ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. (Yod)
Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.
Siyasatin mong mabuti ang landas na lalakaran, sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay.
Ibibigay ko sa iyo ang nakatagong mga kayamanan at alahas; sa gayon, malalaman mong ako si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang siyang tumawag sa iyo.
Ang karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan, tulad lang ng paghahabol sa hangin.
Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw, ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan. Siyasatin mong mabuti ang landas na lalakaran, sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay. Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan; humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.
Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay, at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
Nalalaman ng matalino ang kanyang ginagawa, ngunit ang mangmang ay inaakay ng mali niyang unawa.
Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan, iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
Ang anak na may unawa'y nakikinig sa kanyang ama, ngunit walang halaga sa palalo ang paalala sa kanya.
Nakakahiya at isang mangmang ang isang taong sumasagot sa tanong na hindi naman niya nalalaman.
Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi. Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala, mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba. Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap, walang matitira sa iyo kundi buto't balat. Dito mo nga maiisip: “Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid, puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig. Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig, sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig. At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan, isang kahihiyan sa ating lipunan.” Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal, at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang. Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa, walang buting idudulot, manapa nga ay balisa. Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan, upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay. Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay, ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan. Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit, ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib. Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya, at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya.
Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay, at ang taong matapat ay kanyang iingatan.
At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
Sa landas ng masama ay may tinik at mga patibong, at ang nagmamahal sa sarili ay umiiwas doon.
Aking anak, ang mga pangaral ko ay dinggin mo, at ang aking mga utos, ingatan nga at sundin mo.
Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.
Ang taong nagtataglay ng karunungan ay higit na mainam kaysa minamanang kayamanan. Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi. Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.
Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag.
Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod, may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.