Bagong araw na naman, kabayan! Regalo ito mula sa Diyos, panibagong pag-asa. Ang daming dahilan para purihin Siya at magpasalamat sa Kanyang biyaya at awa sa buhay natin.
Alam ko, may mga pagsubok tayong hinaharap araw-araw. Minsan, parang gusto na lang nating sumuko. Pero sa kabila ng lahat, isipin mo, malaking biyaya na mabuhay pa tayo ngayon. Ito'y kaloob mula sa ating Manlilikha.
Magpasalamat tayo sa Diyos sa ganda ng Kanyang nilikha. Lahat ng ginawa Niya ay mabuti. Humingi tayo ng tulong sa Banal na Espiritu para masulit natin ang araw na ito at lagi tayong lumakad sa Kanyang liwanag. Sa ganitong paraan, makikita natin ang Kanyang kabutihan sa lahat ng bagay at lagi tayong may ngiti sa ating mga labi.
Bago mo batiin ng magandang araw ang mga kasama mo, unahin mo Siya. Sabihin mo, "Magandang araw po, Banal na Espiritu." Simulan at tapusin mo ang iyong araw kasama Siya. Damhin mo ang Kanyang presensya.
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita yaong pag-ibig mo na lubhang dakila. Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik, patnubayan ako sa daang matuwid.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin, at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
Ngunit aawit ako, pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas, sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas; pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito, at aking kanlungan kapag lugmok ako.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig, at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan, kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan, sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak, at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak; iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.
Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang kanyang galit, ito'y panandalian, ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan. Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
O kahanga-hanga ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay, tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!
Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas, dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin, at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing. Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan, hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang. Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo, at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo.
Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo; ingatan mo kami araw-araw at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
Huwag kayong gumamit ng masasamang salita; lagi ninyong sikapin na ang pangungusap ninyo'y makakabuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng mga makakarinig.
Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin; pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin, para tulungan ang mahihina. Tuwing umaga'y nananabik akong malaman kung ano ang ituturo niya sa akin.
Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan. “Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Tunay, Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip, ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid; kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin, sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo.”
Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo.
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat.