Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”
Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matatakot sa kanila dahil ang Panginoon na inyong Dios ay kasama ninyo; hindi niya kayo iiwan o pababayaan man.”
Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas. Sino ang aking katatakutan? Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.
Huwag kang mangamba dahil ako ang Dios mo. Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan na siya ring makapagliligtas sa iyo.
Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay.
Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot dahil kayo ay aking kasama. Ang dala nʼyong pamalo ang sa akin ay nag-iingat; ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin.
Sinabi rin ni David sa anak niyang si Solomon, “Magpakatatag ka at magpakatapang. Simulan mo na ang pagpapagawa. Huwag kang matakot o manlupaypay, dahil ang Panginoong Dios, ang aking Dios ay kasama mo. Hindi ka niya iiwan o pababayaan hanggang sa matapos ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon.
Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo. O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako. Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo. Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin. Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo, pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na ako laban sa kapangyarihan ng mundo.”
Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”
Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan. Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan. Sinasabi niya, “Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Dios. Akoʼy pararangalan sa mga bansa. Akoʼy papupurihan sa buong mundo.” Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan. Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan. Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man, at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
Sumagot si Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng Panginoon sa inyo sa araw na ito. Ang mga Egipciong nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli. Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”
Magtiwala kayo sa Panginoon! Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa. Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!
Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo.
Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo. Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit ang matuwid ay matapang tulad ng leon.
Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”
Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin.
Hindi siya matatakot sa masamang balita, dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.
Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas.
Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Dios na Makapangyarihan ay kakalingain niya. walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan. Dahil uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta. Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato. Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas. Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin. Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya; sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya. Ililigtas ko siya at pararangalan. Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.” Masasabi niya sa Panginoon, “Kayo ang kumakalinga sa akin at nagtatanggol. Kayo ang aking Dios na pinagtitiwalaan.”
Sabihin ninyo sa mga natatakot, “Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob. Darating ang inyong Dios para maghiganti sa inyong mga kaaway, at ililigtas niya kayo.”
Pangungunahan ka ng Panginoon at sasamahan ka niya; hindi ka niya iiwan o pababayaan man. Kaya huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Walang anumang takot sa pag-ibig. Pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung natatakot man ang isang tao, itoʼy dahil sa takot na maparusahan, at ipinapakita lang nito na hindi pa lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig.
Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot. Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
Ang Panginoon ay katulad ng toreng matibay, kanlungan ng mga matuwid sa oras ng panganib.
Nawa ang Dios na nagbibigay sa atin ng pag-asa ang siya ring magbigay sa inyo ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong pananampalataya sa kanya, para patuloy na lumago ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan. Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan. Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan. Siya ang matibay kong batong kanlungan. Siya ang nag-iingat sa akin. Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras! Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin, dahil siya ang nag-iingat sa atin.
Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan. Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban. Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan. Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng mga dayuhang kaaway, na hindi nagsasabi ng totoo. Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan ngunit silaʼy nagsisinungaling. Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki ay maging katulad sila ng tanim na tumutubong matibay, at sana ang aming mga anak na babae ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo. Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani ang aming mga bodega. Dumami sana ng libu-libo ang aming mga tupa sa pastulan, at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka. Hindi na sana kami salakayin at bihagin ng mga kaaway. Wala na rin sanang iyakan sa aming mga lansangan dahil sa kalungkutan. Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan. Mapalad ang mga taong ang Dios ang kanilang Panginoon. Siya ang aking Dios na mapagmahal at matibay na kanlungan. Siya ang kumakanlong sa akin kaya sa kanya ako humihingi ng kalinga. Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno.
Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas. Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot. Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit. Kayo nga ang nagligtas sa akin.”
At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao. At kung mabuti ang ating pagkatao, may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios.
At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo.
Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako. Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin.
Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal, hindi ako matatakot. Kahit salakayin nila ako, magtitiwala ako sa Dios.
“Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa hari ng Asiria o sa marami niyang sundalo. Sapagkat higit na makapangyarihan ang sumasaatin kaysa sa kanya. Mga tao lang ang kasama niya; pero tayo, kasama natin ang Panginoon na ating Dios. Siya ang tutulong sa atin at makikipaglaban para sa atin.” Kaya tumatag ang mga tao dahil sa sinabi ni Haring Hezekia ng Juda.
Sumagot ang Panginoon, “Ako ang nagpapalakas at nagpapaligaya sa inyo. Kaya bakit kayo matatakot sa mga taong katulad ninyo na mamamatay din lang na parang damo? Ako baʼy nakalimutan na ninyo? Ako na lumikha sa inyo? Ako ang nagladlad ng langit at naglagay ng pundasyon ng mundo. Bakit nabubuhay kayong natatakot sa galit ng mga umaapi at gustong lumipol sa inyo? Ang kanilang galit ay hindi makakapinsala sa inyo.
Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Dios na hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito.
Kayo ang aking kublihan; iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan, at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan. Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Papayuhan kita habang binabantayan.
Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios.
May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma, ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios. Silaʼy manghihina at tuluyang babagsak, ngunit kami ay magiging matatag at magtatagumpay.
Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios.
Kapag ikaw ay nawalan ng pag-asa sa panahon ng kahirapan, nagpapakita lang ito na ikaw ay mahina.
Walang anumang sandatang ginawa na magtatagumpay laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang laban sa iyo. Ito ang pamana ko sa aking mga lingkod. Bibigyan ko sila ng tagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa; magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya.
Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita.
Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin.
Panginoon palagi ko kayong iniisip, at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon, at dininig niya ang aking mga daing. Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin. Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan. Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan. Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan. Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin. Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin. Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin. Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan, kaya hindi na ako makakita. Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok. Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa. Panginoon, pakiusap! Iligtas nʼyo ako at kaagad na tulungan. Mapahiya sana at malito ang lahat ng nagnanais na mamatay ako. Magsitakas sana sa kahihiyan ang lahat ng mga nagnanais na akoʼy mapahamak. Pahiyain nʼyo nang lubos ang mga nagsasabi sa akin, “Aha! Napasaamin ka rin!” Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya. Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!” Ako naman na dukha at nangangailangan, alalahanin nʼyo ako, Panginoon. Kayo ang tumutulong sa akin. Kayo ang aking Tagapagligtas. Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan. Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon, ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi mapahamak. Tinuruan niya ako ng bagong awit, ang awit ng pagpupuri sa ating Dios. Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios, at silaʼy magtitiwala sa kanya.
Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo at huwag manghina sa inyong pananampalataya. Magpakasipag kayo sa gawaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, dahil alam ninyo na hindi masasayang ang mga paghihirap ninyo para sa kanya.
Hindi siya matatakot o maguguluhan, dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian. Ang inyong mga salita ay maaasahan. Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan sa inyo. Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba. At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan. Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan, at nagbabantay sa aking daraanan.
Sa pananampalataya natin kay Cristo Jesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Dios nang walang takot o pag-aalinlangan.
Tumitingin ako sa mga bundok; saan kaya nanggagaling ang aking saklolo? Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at ng lupa.
Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama, dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.
At dahil may pag-asa kayo sa buhay, magalak kayo. Magtiis kayo sa mga paghihirap at laging manalangin.
Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin. Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay. O Panginoong Makapangyarihan, mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang. Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya. Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
At may kapanatagan tayo sa paglapit natin sa Dios, dahil naniniwala tayong ibibigay niya sa atin ang anumang hilingin natin na ayon sa kanyang kalooban.
“Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo.
Sinabi ni Jahaziel, “Makinig po kayo, Haring Jehoshafat, at lahat kayong nakatira sa Juda at Jerusalem! Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa napakaraming sundalong ito, dahil ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo kundi sa Dios.
Sapagkat ako ang Panginoon na iyong Dios. Ako ang nagpapalakas sa iyo at nagsasabing huwag kang matatakot dahil tutulungan kita.
Ang pag-asang ito ay matibay tulad ng angkla, at ito ay nagbibigay kapanatagan sa buhay natin, dahil umaabot ito sa Pinakabanal na Lugar,
Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap. Pakinggan nʼyo po sila at palakasin. Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api, upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.
Sinasabi niya, “Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Dios. Akoʼy pararangalan sa mga bansa. Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
Panginoon, kayo ang aking liwanag Sa kadiliman kayo ang aking ilaw. Sa inyo ako tumatakbo at kumakanlong. Inililigtas nʼyo ako sa mararahas na tao. Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo, at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
Ngunit mga anak ko, kayoʼy sa Dios at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad at sinungaling na propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas, na siyang naghahari ngayon sa mga makamundo.
Tiyak na ililigtas ka niya sa bitag ng masasama at sa mga nakamamatay na salot. Iingatan ka niya gaya ng isang ibong iniingatan ang kanyang mga inakay sa lilim ng kanyang pakpak. Iingatan ka at ipagtatanggol ng kanyang katapatan.
Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo. Magtiwala kayong lagi sa Panginoon, dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman.
Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, para malubos ang inyong kagalakan.
Hindi ka dapat matakot sa mga bagay na nakakatakot, o sa palaso ng mga kaaway, o sa sakit at mga salot na sumasapit sa gabi man o sa araw. Kahit libu-libo pa ang mamatay sa paligid mo, walang mangyayari sa iyo.
Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan para maunawaan nʼyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga pinabanal. Ipinapanalangin ko rin na malaman nʼyo ang napakadakilang kapangyarihan ng Dios para sa ating mga sumasampalataya sa kanya. Ang kapangyarihan ding ito ang ginamit niya nang buhayin niyang muli si Cristo at nang paupuin sa kanyang kanan sa langit.
Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan, at nagbabantay sa aking daraanan. Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa, upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar. Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo.
Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. Tulad ng isang manlalaro, nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Dios na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ang sasama sa inyo! Makikipaglaban siya para sa inyo laban sa mga kaaway ninyo at pagtatagumpayin niya kayo!’
“O Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip na maitayong muli ang iyong mga pader.
Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya.
Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin.
Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible.”
Iyan ang dahilan kung bakit hindi kami pinanghihinaan ng loob. Kahit na unti-unting humihina ang aming katawan, patuloy namang lumalakas ang aming espiritu. Sapagkat ang mga paghihirap na dinaranas namin sa mundong ito ay panandalian lamang at hindi naman gaanong mabigat. At dahil sa aming mga paghihirap, may inihahandang gantimpala ang Dios para sa amin na mananatili magpakailanman at hinding-hindi mapapantayan. Kaya hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, pero ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios, at ipinagtatanggol niya sila.
Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo. Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Cristo. At magiging lubos ang kagalakan nʼyo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat.
“O Panginoong Dios, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa.
At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios.
Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan. Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway. Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin. Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan. Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
Kaya huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon o tungkol sa akin na bilanggo dahil sa kanya. Sa halip, sa tulong ng Dios, makibahagi ka sa mga paghihirap dahil sa Magandang Balita.
Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag, sa halip ay nananatili magpakailanman. Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem, ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako. Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo. Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
Ang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng lakas, at siya ang aking awit. Siya ang nagligtas sa akin. Siya ang aking Dios, at pupurihin ko siya. Siya ang Dios ng aking ama, at itataas ko siya.
Pero hindi ako nakadama ng hiya, dahil tinulungan ako ng Panginoong Dios. Kaya nagmatigas ako na parang batong buhay dahil alam kong hindi ako mapapahiya.
Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.
Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito
Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.
Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios. Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo. Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan. Pupurihin ko kayo magpakailanman.
Sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Dios at magtiwala rin kayo sa akin.
Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag. Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw. Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo, at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga leon at oso ang siya ring magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong iyon.” Sinabi ni Saul kay David, “Sige, lumakad ka na. Patnubayan ka sana ng Dios.”
Panginoon, kaawaan nʼyo po kami. Nagtitiwala kami sa inyo. Palakasin nʼyo kami araw-araw, at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Mapanganib kung tayo ay matatakutin. Ngunit kung magtitiwala tayo sa Panginoon ay ligtas tayo.
“Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang. Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay. At titira ako sa bahay nʼyo, Panginoon, magpakailanman.
Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”
“Ako ang puno ng ubas, at kayo ang aking mga sanga. Ang taong nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa akin.
Nilikha tayo ng Dios; at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, binigyan niya tayo ng bagong buhay, para gumawa tayo ng kabutihan na noon paʼy itinalaga na ng Dios na gawin natin.
Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan. Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.
Namangha sila kina Pedro at Juan dahil sa lakas ng loob nilang magsalita, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lang sila at walang mataas na pinag-aralan. Namukhaan din nilang silaʼy mga kasama ni Jesus noon.
Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo, at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
Kaya ikaw Timoteo, bilang anak ko sa pananampalataya, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus.
Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin. Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya; sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya. Ililigtas ko siya at pararangalan.
Purihin ang Panginoon! Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita. Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay akin. Mga mamamayan ng Israel, kayo ang aking mga saksi. Pinili ko kayong maging mga lingkod ko, para makilala ninyo ako at magtiwala kayo sa akin, at para maunawaan ninyo na ako lamang ang Dios. Walang ibang Dios na nauna sa akin, at wala ring Dios na susunod pa sa akin. Ako lang ang Panginoon at maliban sa akin ay wala nang iba pang Tagapagligtas. Nagpahayag ako na ililigtas ko kayo, at tinupad ko nga ito. Walang ibang Dios na gumawa nito sa inyo, kayo ang mga saksi ko.” Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang Dios. Mula pa noon ako na ang Dios. Walang makakatakas sa aking mga kamay. Walang makakapagbago ng mga ginagawa ko.” Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel, “Para maligtas kayo, ipapasalakay ko ang Babilonia sa mga sundalo ng isang bansa, at tatakas sila sa pamamagitan ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki. Ako ang Panginoon, ang inyong Banal na Dios, ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari. Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa gitna ng dagat. Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay. Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan, dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto. Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo.
Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat. Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak, at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman. Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas. Magpapakatatag ako, dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal. Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog. Pakinggan mo ito! Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog. Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo; siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan, patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay. Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan. Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan, upang siyaʼy aking maparangalan.
Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”
Nagsalita ang Panginoon, “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa aking presensya, dahil dadaan ako.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol. Pagkatapos ng lindol, may apoy na dumating, pero wala pa rin ang Panginoon sa apoy. Pagkatapos ng apoy, may narinig siyang tinig na parang bulong.
Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito para subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.”
“Pagkatapos, sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong masindak o matakot sa kanila. Nang unang araw ng ika-11 buwan, sa ika-40 taon, mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, sinabi sa kanila ni Moises ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin sa kanila. Ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto
Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios. dahil hindi nila makayanan ang utos na ito: “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!” Ngunit hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Panginoon. Dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Dios na buhay, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan. Lumapit kayo sa pagtitipon ng mga itinuturing na mga panganay ng Dios, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Dios na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios at ginawa na niyang ganap. Lumapit kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan. Kaya mag-ingat kayo at huwag tanggihan ang Dios na nagsasalita sa atin. Ang mga tao noon na hindi nakinig sa mga propeta rito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa. Paano kaya tayo makakaligtas kung hindi natin pakikinggan ang nagsasalita mula sa langit? Yumanig noon ang lupa nang magsalita ang Dios. At ngayon ay nangako siya, “Minsan ko pang yayanigin ang mundo, pati na rin ang langit.” Ang katagang “minsan pa” ay nagpapahiwatig na aalisin ng Dios ang lahat ng nilikha niya na nayayanig, para manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. Kaya magpasalamat tayo sa Dios dahil kabilang na tayo sa kaharian niya na hindi nayayanig. Sambahin natin siya sa paraang kalugod-lugod, na may takot at paggalang sa kanya, dahil kapag nagparusa ang ating Dios, itoʼy parang apoy na nakakatupok. Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob.
Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin. Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso. Tinutulungan nʼyo ako, kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
Ang taong may takot sa Panginoon ay may kasiguraduhan at siya ang kanlungan ng kanyang sambahayan.
Makinig kayo sa akin, kayong mga nakakaalam kung ano ang tama at sumusunod sa aking kautusan! Huwag kayong matatakot sa mga panghihiya at pangungutya ng mga tao sa inyo. Sapagkat matutulad sila sa damit na nginatngat ng mga kulisap. Pero ang tagumpay at katuwiran na aking ibibigay ay mananatili magpakailanman. Ang kaligtasang mula sa akin ay mapapasainyo magpakailanman.”
Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato. Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas.
Ang walang hanggang Dios ang inyong kanlungan; palalakasin niya kayo sa pamamagitan ng walang hanggan niyang kapangyarihan. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway sa inyong harapan, at iuutos niya sa inyo ang pagpapabagsak sa kanila.