At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.”
Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay, ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan; maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay, ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama, ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan, Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan. Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan. Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan. Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis. Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin. Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan. Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!” ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid, ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
Ang mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay; at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad at mangmang. Ito'y puno ng matinik na damo, at gumuho na ang bakod nito. Ang nakita ko'y pinag-isipan kong mabuti at may nakuha akong magandang aral: Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan. Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.
Kayo'y maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan. Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Ang matalinong babae ay nagtatatag ng kanyang bahay, ngunit winawasak ng isang mangmang ang sariling tahanan.
ang aking susunding lagi ay ugaling walang kapintasan, kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan? Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
“Igalang mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, [alang-alang sa Panginoon,] sapagkat ito ang nararapat. Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. Kaya't gamitin ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng araw na sumalakay ang masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo. Kaya't maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; isuot ninyo ang sapatos ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, humiling at sumamo sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos. Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito. “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangako: Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo. Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat. Si Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa. Kaya't isinusugo ko siya sa inyo upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang palakasin ang inyong loob. Nawa'y ipagkaloob ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng mga kapatid ang kapayapaan at ang pag-ibig na kalakip ng pananampalataya. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumainyong lahat na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo. “Magiging maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.” Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon.
Ang masama ay lubusang mapaparam at di na magbabalik, ngunit ang sambahayan ng matuwid, mananatiling nakatindig.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga, at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya. Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin, buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.
“Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato.
Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya
Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
Palaging maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman.
Magpasensiya kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa.
Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob.
Mga kapatid, paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa na kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan. Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nagmamahalan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.
Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang mahirap na gumagalang at sumusunod kay Yahweh, ay mas mainam kaysa mayamang panay hirap naman ang kalooban.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin, at mananahan kang ligtas sa lupain. Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan; at sa labi nila'y pawang katarungan. Ang utos ng Diyos ang laman ng puso, sa utos na ito'y hindi lumalayo. Ang taong masama'y laging nag-aabang, sa taong matuwid nang ito'y mapatay; ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway; di rin magdurusa kahit paratangan. Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin; ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin, at ang mga taksil makikitang palalayasin. Ako'y may nakitang taong abusado, itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito. Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na; hinanap-hanap ko'y di ko na makita. Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan, mapayapang tao'y patuloy ang angkan. Ngunit wawasaking lubos ang masama, lahi'y lilipulin sa balat ng lupa. Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid, iingatan sila kapag naliligalig. Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan, mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay. Ang taong mangmang at walang nalalaman, ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay.
Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’
Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo.
Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya mapamahalaan ang sarili niyang pamilya?
Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat, sa mga panganib, ika'y ililigtas. Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.
Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan.
Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.
Purihin si Yahweh! Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang, at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan. Kung makita ito ng mga masama, lumalayas silang mabagsik ang mukha; pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala. Ang kanyang lipi'y magiging dakila, pati mga angkan ay may pagpapala.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
“May galak na lilisanin ninyo ang Babilonia, mapayapa kayong aakayin palabas ng lunsod. Aawit sa tuwa ang mga bundok at mga burol, sisigaw sa galak ang mga punongkahoy.
Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot, ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos. Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan, ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama.
Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo. Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya, kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Sikapin ninyong matutunan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka ni Cristo.” Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. Sa inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Mamuhay kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.”
Sa madaling salita, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba. Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos.
Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Purihin si Yahweh, sa kanyang kabutihan; pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan, kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy. At hindi lamang iyan! Tayo'y nagagalak dahil sa ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo bilang mga kaibigan ng Diyos. Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago ibigay ang Kautusan, ngunit kung walang kautusan, ang kasalanan ay hindi itinuturing na kasalanan. Gayunman, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala tulad ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos. Si Adan ay anyo ng isang darating. Subalit magkaiba ang dalawang ito dahil ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay hindi katulad ng kasalanan ni Adan. Totoong maraming tao ang namatay dahil sa kasalanan ng isang tao. Ngunit ang kagandahang-loob ng Diyos ay mas dakila, gayundin ang kanyang walang bayad na kaloob sa maraming tao sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng isang tao, si Jesu-Cristo. Ang kaloob na ito ay hindi katulad ng ibinunga ng pagsuway ni Adan. Sapagkat hatol na kaparusahan ang idinulot matapos na magawâ ang isang pagsuway, subalit kaloob na nagpapawalang-sala naman ang idinulot matapos magawâ ang maraming pagsuway. Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, naghari ang kamatayan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao, si Jesu-Cristo, ang mga taong pinagpala nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos ay maghahari sa buhay. At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng pagpapawalang-sala at buhay sa lahat. Sapagkat kung naging makasalanan ang marami dahil sa pagsuway ng isang tao, marami rin ang mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isang tao. Sa pamamagitan ng [pagsampalataya] kay Jesu-Cristo, tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian.
Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan?
Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. Magpasensiya kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi.
ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.
Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito.
Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili.
“Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.”
Kaya't lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa't isa.
Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa pagkaunawa at pagpapasya.
Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig, yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan.
O kahanga-hanga ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay, tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon.
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin, at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.”
Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.]
Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan; at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman. Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa, ligtas, at tahimik na pamayanan.
“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan.
Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal; ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan. At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan, at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
Mga babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang naaangkop sa mga nakipag-isa sa Panginoon. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila. Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon. Mga magulang, huwag ninyong pagagalitan nang labis ang inyong mga anak at baka masiraan sila ng loob.
“Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon?
Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos.
Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos.
Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay.
Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing, pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan. Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat, at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos.
Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, upang kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan,
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay, ang gumawa nito'y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan.
Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag, tiwala ko'y sa kanya nakalagak. Tinutulungan niya ako at pinasasaya, sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat, ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas, at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”
Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan! Napakabuti ni Yahweh, pag-ibig niya'y walang hanggan, pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
“Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin; kayo'y aking ililigtas, ako'y inyong pupurihin.”
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala. Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman, sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Huwag mong ipagyabang ang iyong nalalaman; igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan.
Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan, at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan. Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan; ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan; ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay. O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag, ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina, kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka. Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig, kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama, at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina; sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo, parang kuwintas na may dalang karangalan.
Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya; huwag mong kainggitan ang gumiginhawa, sa likong paraan, umunlad man sila.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila; sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala. Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos, tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan, sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan; sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo.
Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos.
O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan, manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa. Dapat nang talikuran ang mga gawain ng taong masama, at dapat magbago ng pag-iisip ang taong liko. Sila'y dapat manumbalik, at lumapit kay Yahweh upang kahabagan; at mula sa Diyos, makakamit nila ang kapatawaran.
Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.
“Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.