Ginawa sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos, sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos. Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita, at hindi rin makakita, mga matang pinasadya; di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga, ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila. Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam, mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang, ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang. Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala, lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas; siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)
Pinapasan nila ito para ilibot sa ibang lugar, pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan. Mananatili ito roon at hindi makakakilos. Dalanginan man ito'y hindi makakasagot, at hindi makatutulong sa panahon ng pagsubok.
Higit ngang mabuting ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay, kaysa pamunuan ang ating asahan.
Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos, ikaw ang Diyos na buháy, at ang Haring walang hanggan. Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit, at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga, ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan; walang makakaangkin ng aking karangalan; ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan.
Sinasabi ni Yahweh, “Susumpain ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao, sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman, sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid, hindi nakakapagsalita; pinapasan pa sila sapagkat hindi nakakalakad. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat hindi sila makakagawa ng masama, at wala ring magagawang mabuti.”
Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob; sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos, sa Diyos na lumikha niyong kalangitan, ng lupa at dagat, at lahat ng bagay. Ang kanyang pangako ay maaasahan.
Ano ang kabuluhan ng diyus-diyosan? Tao lamang ang gumawa nito, at pawang kasinungalingan ang sinasabi nito. Ano ang ginagawa nitong mabuti upang pagkatiwalaan ng gumawa? Ito ay isang diyos na hindi man lang makapagsalita.
Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala, at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa; hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig, yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?
Ikaw ay tiyak na ililigtas ko at hindi mapapatay ng mga kalaban. Mabubuhay ka sapagkat nanalig ka sa akin.”
Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot; Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay, sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay. Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin, ang marami kong sala'y iyong patawarin. Ang taong kay Yahweh ay gumagalang, matututo ng landas na dapat niyang lakaran. Ang buhay nila'y palaging sasagana, mga anak nila'y magmamana sa lupa. Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan, ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan. Si Yahweh lang ang laging inaasahan, na magliligtas sa akin sa kapahamakan. Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan, pagkat nangungulila at nanlulupaypay. Pagaanin mo ang aking mga pasanin, mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain. Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin, at lahat ng sala ko ay iyong patawarin. Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway, at labis nila akong kinamumuhian! sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos. Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan, at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo, at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo.
Ang diyus-diyosang tinatawag ninyo'y hindi makatutulong o makakapagligtas, kahit kayo'y managhoy; ang mga diyos ninyo'y lilipad kung hangin ay umihip, kaunting ihip lamang, sila'y itataboy. Subalit ang taong sa aki'y may tiwala at laging umaasa, ang banal na bundok at ang lupaing ito'y mamanahin niya.”
Hindi Diyos ang mga Egipcio; sila'y mga tao rin, karaniwang hayop din ang kanilang mga kabayo at hindi espiritu. Pagkilos ni Yahweh, babagsak ang malakas na bansa, pati ang mga tinulungan nito. Sila'y pare-parehong mawawasak.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
Kayong lahat na may paggalang kay Yahweh, at sumusunod sa utos ng kanyang lingkod, maaaring ang landas ninyo ay maging madilim, gayunma'y magtiwala kayo at umasa sa kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh.
Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos.
Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay! Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan, mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan. Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma, at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala; ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan, manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa.
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad; Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh, dulot ay kapayapaan, may hatid na katatagan sa buong sambahayan.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing, pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.
at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat lubos kong kilala ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa wakas ang ipinagkatiwala ko sa kanya.
Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan laban sa masama, ipagsasanggalang; sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala.
Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo.
Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila; sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan; siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
Nananalig sa iyo Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan, dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan, sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang aking tagapagligtas.
Si Yahweh ay napakabuti; matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan. Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan.
Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, “Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin; kayo'y aking palalakasin at patatatagin.” Ngunit kayo'y tumanggi.
Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala, kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
Kahabag-habag kayong umaasa sa tulong ng Egipto at nagtitiwala sa bilis ng kanilang mga kabayo, nananalig sa dami ng kanilang mga karwahe, at sa matatapang nilang mangangabayo, sa halip na sumangguni at umasa kay Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.
Mga paraan ng Diyos ay walang kapintasan; pangako ni Yahweh ay sadyang maaasahan. Sa nagpapakupkop, siya ay kalasag.
Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba; palalakasin kita, kahit hindi mo ako nakikilala.
Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba, magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos, tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan?
Ang sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ako ang simula at ang wakas; walang ibang diyos maliban sa akin.
ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Ang mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya.
Ituro mo sa mayayaman na huwag silang magmamataas; at huwag silang umasa sa kayamanang lumilipas, kundi sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan upang tayo'y masiyahan.
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa! At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak, at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak; iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
Ang sumusunod sa payo ay mananagana, at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot, hindi pa rin ako sa kanila matatakot; salakayin man ako ng mga kaaway, magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.
Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay. Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
Kaya't buong tapang nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
Matibay kong muog at Tagapagligtas, at aking tahanang hindi matitinag; Tagapagligtas kong pinapanaligan, nilulupig niya sakop kong mga bayan.
O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
Lumapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas, kayong mga tao sa buong daigdig. Walang ibang diyos maliban sa akin.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag, tiwala ko'y sa kanya nakalagak. Tinutulungan niya ako at pinasasaya, sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan, kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
“Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin. “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin.