Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.
Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng kumilala at sumampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.
Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang; sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi, upang pagalingin ang mga sugatang-puso, upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya.
Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo'y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya nakatatawag tayo sa kanya ng “Ama, Ama ko!”
nagpakumbabá siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus.
“Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.
Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay.
“Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan, sa halip ay inilipat na siya sa buhay mula sa kamatayan.
May iisang katawan at iisang Espiritu, tulad ng may iisang pag-asa nang kayo'y tawagin ng Diyos.
Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maibibilang sa mga anak ng Diyos.
Kaya't sa pamamagitan ng kanyang dugo, tayo ngayon ay napawalang-sala, at tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos.
“Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin.” “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo. “Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo. “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.” Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y tatahan at mananatili sa kanya. Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay manalig kayo sa akin. At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon.
At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit kayo'y pinatawad na sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na rin kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
tayo'y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban.
At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Inihandog niya ang kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging bayan niyang masigasig sa paggawa ng mabuti.
Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob.
Niloob ng Diyos na ihayag sa lahat ng mga Hentil ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos.
Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak.
Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong naliligaw ng landas, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas.
Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong kasunduan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang kasunduan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.
Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”
Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego.
Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
O kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan, ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan, at nagdadala ng Magandang Balita. Ipahahayag niya ang tagumpay at sasabihin: “Zion, ang Diyos mo ay naghahari!”
Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem.
sapagkat binili niya kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.
Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.
Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!
Sinasabi nila nang malakas, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa Kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono!”
Sasabihin ng lahat sa araw na iyon: “Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas, siya si Yahweh na ating inaasahan. Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.”
Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat ng mga makasalanan.
habang hinihintay natin ang dakilang araw na ating inaasahan. Ito ang pagbabalik ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.
Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.
Sinasabi ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!” Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!” Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.
Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo'y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya.
Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos.
Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy.
Magpasalamat tayo sa Diyos, sapagkat tayo'y binibigyan niya ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan, sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang aking tagapagligtas.
Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat ang nangako sa atin ay maaasahan.
Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal,
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y ipinanganak na muli sa pamamagitan ng tubig at tayo rin ay binago ng Espiritu Santo.
Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.
Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos.
Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Doon magmumula ang Tagapagligtas na hinihintay natin nang may pananabik, ang Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang-lupa na may kahinaan ay babaguhin niya upang maging maluwalhating tulad ng kanyang katawan.
Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian!
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan magpakailanman.
Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.
Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.
Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo, at sa gayon ay pinatawad na ang ating mga kasalanan. Ganoon kadakila ang kanyang kagandahang-loob
Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman.
Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak, kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan.
Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.
Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa.
Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na nagpalaya at nagdulot sa atin ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.
Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob.
Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at may dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang kapangyarihan ng diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. At pinalaya niya ang lahat ng tao na habang panaho'y inalipin ng takot sa kamatayan.
at mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay at pinuno ng mga hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya niya tayo sa ating mga kasalanan.
Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh, matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot, lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos. Ililigtas ang Israel, bansang kanyang minamahal, ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.
Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid. Noong unang panahon, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao.
At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanan at sapat na paghahandog ng kanyang sarili.
Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay sa atin ang lahat ng bagay?
Inaawit nila ang isang bagong awit: “Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatan at sumira sa mga selyo niyon. Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos, mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.
Gayundin naman, si Cristo'y minsang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.
na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus,
Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Pinapapasok siya ng gwardiya, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Ako at ang Ama ay iisa.”
Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”
Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga pinaging-banal ng Diyos.
Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob, sila ay pinawalang-sala na niya sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila.
At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Ang sinumang pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay mayroong buhay na walang hanggan, ngunit ang hindi pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay hindi makakaranas ng buhay na walang hanggan.
Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.
“Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh. Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan, kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu.
Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.”
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.