Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya.
Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan. Nagpapatuloy nga ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit.
iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y ipinanganak na muli sa pamamagitan ng tubig at tayo rin ay binago ng Espiritu Santo.
Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay.
Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin.
Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala.
Iwanan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na napapahamak dahil sa masasamang pagnanasa. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin.
Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.
Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi sa dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin.
Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon.
Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh. Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi. Katulad niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.
Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan.
upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging tulad ng kanyang Anak. Sa gayon, ang Anak ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid.
Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.
Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay.
Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos.
Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi dahil sa lumang batas na nakasulat, kundi dahil sa bagong buhay ng Espiritu.
Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga pinaging-banal ng Diyos.
Magpatuloy kayong lumago sa kagandahang-loob at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro, papuri sa Diyos, ang awit ng puso; matatakot ang bawat makakasaksi, at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!
Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng tao.
At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.
Mga minamahal, sapagkat ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos.
Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan.
Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan.
Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin.
Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok.
Ngunit kung namumuhay tayo ayon sa liwanag, gaya ng pananatili niya sa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak.
Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili.
Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.
Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, nananatili na sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon.
Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.
Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.
At anuman ang inyong sasabihin o gagawin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Kung ang Espiritu ang nagbibigay-buhay sa atin, siya na rin ang paghariin natin sa ating buhay.
Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
“Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.
Idinadalangin kong palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.
At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makasariling pagkatao, pati na ang mga masasamang hilig nito.
Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos.
Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo sa pananampalataya hanggang makamtan ninyo ang ganap na kaligtasan,
Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag.
Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap kayong mahubog kay Cristo.
Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy naman dahil sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus.
Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw.
sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo.
Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga'y kung siya nga ay naging bagong nilalang.
Sapagkat tayo'y nilalang ng Diyos; nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti. Iyan ang layuning pinili ng Diyos para sa atin noong una pa man.
Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na nagpalaya at nagdulot sa atin ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.
Sumagot si Jesus, “Pakatandaan mo: malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”
Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng kapanganakang may kamatayan, kundi sa bisa ng buháy at di nagbabagong salita ng Diyos.
Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging tulad ng kanyang Anak. Sa gayon, ang Anak ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid.
At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.
Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat.
Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit kayo'y pinatawad na sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na rin kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana.
Ito ang sabi niya: “Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa, ang mga nangyari noong unang panahon. Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita? Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto, at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo.
Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.
Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.
Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan.
Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal.
Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos.
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan, kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa.
Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman.
Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”
Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo.
Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbabá, mahinahon, at mapagtiis.
Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.
Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Ang mga katangiang iyan ang kailangan ninyong taglayin at pagyamanin, upang ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay huwag mawalan ng kabuluhan at kapakinabangan.
Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”
Dahil kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag na kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka ni Cristo.” Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon. Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong maglalasing, sapagkat mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. Mag-awitan kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
Dahil si Cristo'y nagtiis ng hirap sa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtitiis ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat. Ikaw ba'y tagapangaral? Ipangaral mo ang salita ng Diyos. Ikaw ba'y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen. Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan. Mapalad kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. Huwag nawang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo. Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa mga bayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? Tulad ng sinasabi ng kasulatan, “Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas, ang di kumikilala sa Diyos, paano pa maliligtas?” Kaya nga, ang mga naghihirap dahil sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako. Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa nasa ng laman.