“O Panginoong Dios, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa.
Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible.”
Hindi nʼyo ba alam o hindi nʼyo ba narinig na ang Panginoon ay walang hanggang Dios na lumikha ng buong mundo? Hindi siya napapagod o nanghihina at walang nakakaarok ng kanyang isip.
“Dakila ang kapangyarihan nʼyo, O Panginoon; sa pamamagitan nito, dinurog nʼyo ang inyong mga kaaway.
Makapangyarihan kayo, kagalang-galang, dakila, at kapuri-puri! Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa. Kayo ang hari, O Panginoon, at higit kayo sa lahat! Sa inyo nagmumula ang kayamanan at karangalan. Kayo ang namamahala sa lahat ng bagay. Makapangyarihan kayo, at kayo ang nagpapalakas at nagbibigay kapangyarihan sa sinuman.
Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan
“Ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat ng tao. Mayroon bang bagay na hindi ko magagawa?
Pagkatapos, muling may narinig ako, parang ingay ng napakaraming tao na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Ito ang sinasabi, “Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari na ang Panginoon na ating Dios na makapangyarihan sa lahat!
Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan.
Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”
Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ang langit ay nalikha; sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
Sa kanya makikita ang nagniningning na kadakilaan ng Dios, at kung ano ang Dios ay ganoon din siya. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa mundo sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. Matapos niya tayong linisin sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Makapangyarihang Dios doon sa langit.
Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya. Parang isang bulong lang na ating napakinggan. Sino ngayon ang makakaunawa sa kapangyarihan ng Dios?”
Balewala ang mga tao sa mundo kung ikukumpara sa kanya. Ginagawa niya ang nais niya sa mga anghel sa langit at sa mga tao sa lupa. Walang makakatutol o makakahadlang sa kanya.’
Ako ang lumikha ng liwanag at ng dilim. Ako ang nagpapadala ng kabutihan at ng kapahamakan. Ako ang Panginoon na gumawa ng lahat ng ito.
Sumagot ang Dios kay Moises, “Ako nga ang Dios na ganoon pa rin. Ito ang isagot mo sa kanila: ‘Ang Dios na ganoon pa rin ang nagpadala sa akin.’ ”
Sapagkat ang lahat ng bagay ay nanggaling sa kanya, at nilikha ang mga ito sa pamamagitan niya at para sa kanya. Purihin ang Dios magpakailanman! Amen.
Ang katawan natiʼy muling bubuhayin ng Dios sa huling araw, tulad ng ginawa niya sa ating Panginoon.
Sinasabi niya, “Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Dios. Akoʼy pararangalan sa mga bansa. Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin.
Sino ang Haring makapangyarihan? Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
O Panginoon, sino po ba ang dios na katulad nʼyo? Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan. Kayo lang po ang Dios na gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay!
Kayo ang Dios na gumagawa ng mga himala. Ipinapakita nʼyo sa mga tao ang inyong kapangyarihan.
Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan koʼy nakikita sa iyong kahinaan.” Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay lagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Cristo.
Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan. Makapangyarihan ang ating Panginoon. Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo: Ako ang Panginoong lumikha ng lahat ng bagay. Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit at ako lang din ang lumikha ng mundo.
Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay Dios ng mga dios at Panginoon ng mga panginoon. Makapangyarihan siya at kamangha-manghang Dios. Wala siyang pinapanigan at hindi siya tumatanggap ng suhol.
Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Dios, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman. Sa kanya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.
Mula pa noon ako na ang Dios. Walang makakatakas sa aking mga kamay. Walang makakapagbago ng mga ginagawa ko.”
Sinabi niya, “Purihin ang Dios magpakailanman. Siya ay matalino at makapangyarihan. Siya ang nagbabago ng panahon. Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono. Siya ang nagbibigay ng karunungan sa marurunong. Ipinapaliwanag niya ang mahihiwagang bagay na mahirap intindihin. Nasa kanya ang liwanag, at nalalaman niya ang anumang nasa kadiliman.
Pero ang Dios ang lumikha ng langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya.
Ako ang Panginoon, at wala nang iba pa; maliban sa akin ay wala nang ibang Dios. Palalakasin kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala para malaman ng lahat sa buong mundo na walang ibang Dios maliban sa akin. Ako ang Panginoon at wala nang iba pa.
Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin.
Si Jesu-Cristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, wala kayong katulad; makapangyarihan kayo Panginoon at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.
Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya.
Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan.
Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan. Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
Nilikha ito ng Dios na nakaupo sa kanyang trono sa itaas ng mundo. Sa paningin niya, ang mga tao sa ibaba ay parang mga tipaklong lamang. Iniladlad niya ang langit na parang kurtina, o parang isang tolda para matirhan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang. Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Maghahari ang Dios ng walang hanggan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan, kaya ang mga sumusuway sa kanya ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
Hindi natin lubos na maunawaan ang Makapangyarihang Dios na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi,
Ang Panginoon ay hindi madaling magalit, ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala. Kapag dumadaan siya, umuugong ang hangin at bumabagyo. Ang mga ulap ay parang alikabok sa kanyang mga paa.
Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
Ito ang sinabi ng Dios, ang Panginoon na lumikha ng langit na iniladlad niyang parang tela. Nilikha niya ang mundo at ang lahat ng naroroon. Siya rin ang nagbibigay ng buhay sa mga tao at sa lahat ng nilikhang nabubuhay sa mundo.
Sa simula pa lang, sinabi ko na ang mga mangyayari sa hinaharap. Ang aking mga inihayag ay magaganap, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman nito.
Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo.
Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin.
“Karapat-dapat po kayo Panginoon naming Dios na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan, dahil kayo ang lumikha sa lahat ng bagay. At ginawa ninyo ang mga ito ayon sa inyong kagustuhan.”
Ang lakas nʼyo ay walang kapantay, at ang inyong kanang kamay ay nakataas at napakamakapangyarihan!
Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.”
Sinabi niya sa akin, “Bago ko sagutin iyan, pakinggan mo muna itong mensahe ng Panginoong Makapangyarihan na sasabihin mo kay Zerubabel: “Zerubabel, matatapos mo ang pagtatayo ng templo hindi sa pamamagitan ng lakas o kakayahan ng tao kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu.
Kayo ay hari, Panginoon; nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan. Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Purihin natin ang Dios na tanging nakakaalam ng lahat. Purihin natin siya magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.
Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon. Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan. Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha. Ang dagat ay napakalawak, at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
Sinabi ng Panginoon, “Ang pag-iisip ko ay hindi katulad ng pag-iisip ninyo at ang pamamaraan ko ay hindi katulad ng pamamaraan ninyo. Kung gaano kalayo ang langit sa lupa, ganoon din kalayo ang aking pamamaraan at pag-iisip kaysa sa inyo.
Lumapit sa kanila si Jesus at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa.
Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba. At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan. Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan, at nagbabantay sa aking daraanan.
Huwag kang mangamba dahil ako ang Dios mo. Palalakasin kita at tutulungan. Iingatan kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan na siya ring makapagliligtas sa iyo.
Dumarating ang Panginoong Dios na makapangyarihan at maghahari siya na may kapangyarihan. Dumarating siyang dala ang gantimpala para sa kanyang mga mamamayan.
Nagpakita ako kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Makapangyarihang Dios, pero hindi ko ipinakilala sa kanila ang pangalan kong Panginoon.
Huwag kayong matakot sa kanila dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios; ang makapangyarihan at kamangha-manghang Dios.
Nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.”
Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila, upang kayo ay maparangalan at maipakita ang inyong kapangyarihan.
Pero sinabihan sila ni Jesus, “Patuloy na gumagawa ang aking Ama, kaya patuloy din ako sa paggawa.”
May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”
Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha, at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan, akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin? Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Pero pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para makita mo ang kapangyarihan ko at para makilala ang pangalan ko sa buong mundo.
Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag, pero ang salita ng ating Dios ay mananatili magpakailanman.”
Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang Panginoon ang Dios, at wala nang iba pa.
Sige na, Panginoon, tulungan nʼyo na po kami. Gamitin nʼyo na ang inyong kapangyarihan sa pagliligtas sa amin. Tulungan nʼyo kami katulad ng ginawa nʼyo noon. Hindi baʼt kayo ang tumadtad sa dragon na si Rahab?
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Nilikha ng Dios ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya.
Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako, na Anak ng Tao, ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang higaan mo at umuwi!”
Ganyan din ang aking mga salita, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala.
At sinabi pa niya, “Naganap na ang lahat! Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang simula at ang katapusan ng lahat. Ang sinumang nauuhaw ay paiinumin ko nang walang bayad sa bukal na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Tulad sa isang gumagawa ng palayok, may karapatan siyang gawin ang putik ayon sa gusto niya. May karapatan siyang gumawa ng dalawang uri ng sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik: ang isa ay pang-espesyal, at ang isa naman ay pangkaraniwan lang.
At sinabi pa niya sa kanyang Anak, “Sa simula, ikaw Panginoon, ang lumikha ng mundo at ng kalangitan. Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili ka magpakailanman. Maluluma itong lahat tulad ng damit. Titiklupin mo ang mga ito tulad ng isang balabal, at papalitan tulad ng damit. Ngunit hindi ka magbabago, at mananatili kang buhay magpakailanman.”
Pupurihin ko ang Panginoon! Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat. Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan. Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak, at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok. Kaya lahat ng mga hayop sa gubat, pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom. At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit. Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan. At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala. Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop, at ang mga tanim ay para sa mga tao upang silaʼy may maani at makain – may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila, may langis na pampakinis ng mukha, at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila. Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy, ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim. Doon nagpupugad ang mga ibon, at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto. Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan. Ang mga hayop na badyer ay naninirahan sa mababatong lugar. Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon; at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda. Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit. At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit.
Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan.
Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman, at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
Ginagawa ng Dios ang lahat ng bagay ayon sa plano niya at kalooban. At ayon nga sa plano niya noon pang una, pinili niya kami para maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo.
Ang lahat ng bansa ay balewala kung ihahambing sa kanya. At para sa kanya walang halaga ang mga bansa.
Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa. Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa, at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa gitna ng dagat. Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay.
Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin.
Pero ang Dios ni Jacob ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.
Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao. Pinatuyo niya ang dagat; tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad. Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
Ako ang gumawa ng mundo at ng lahat ng naninirahan dito. Ang mga kamay ko ang nagladlad ng langit, at ako ang nag-utos sa araw, buwan at mga bituin na lumabas.
Ang Panginoong Dios ang makapangyarihan sa lahat. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at maging sa hinaharap. Kaya sinabi niya, “Ako ang Alpha at ang Omega.”
Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari, upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
Aalagaan ko kayo hanggang sa tumanda at pumuti ang inyong buhok. Nilikha ko kayo kaya kayoʼy aalagaan ko. Tutulungan ko kayo at ililigtas.
Sumagot si Moises, “Kapag nakalabas na ako ng lungsod, itataas ko ang aking kamay sa Panginoon para manalangin. At titigil ang kulog at hindi na uulan ng yelo, para malaman mo na pag-aari ng Panginoon ang mundo.
Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Dios na hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito.
Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.
Kahanga-hanga ang Dios ng Israel habang siyaʼy lumalabas sa kanyang banal na tahanan. Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan ang kanyang mga mamamayan. Purihin ang Dios!
Sino ang makapagsasabi ng nasa isip ng Panginoon, o makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin? Kanino siya sumasangguni para maliwanagan, at sino ang nagturo sa kanya ng tamang pagpapasya? Sino ang nagturo sa kanya ng kaalaman, o nagpaliwanag sa kanya para kanyang maunawaan? Wala!
Sa kanyang kapangyarihan ay pinaaalon niya ang dagat; sa kanyang karunungan ay tinalo niya ang dragon na si Rahab.
Ipinapakita nʼyo ang pag-ibig nʼyo sa libu-libo, pero pinarurusahan nʼyo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang nila. O kay dakila po ninyo O Dios, ang pangalan ninyo ay Panginoong Makapangyarihan. Napakaganda po ng mga plano nʼyo at kahanga-hanga ang mga gawa ninyo. Nakikita nʼyo ang lahat ng ginagawa ng mga tao at ginagantihan nʼyo po sila ayon sa mga pag-uugali at gawa nila.
Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios. Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios. Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok. Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay. Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga. Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay. Akoʼy magagalak sa Panginoon.
Kung talaga pong ganyan ang mangyayari, ililigtas kami ng Dios na aming pinaglilingkuran mula sa naglalagablab na hurno. Ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay. Pero kung hindi man niya kami iligtas, gusto naming malaman mo na hindi pa rin kami maglilingkod sa iyong mga dios o sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ninyo.”
Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga tao, “Alalahanin ninyo ang araw na ito, ang araw na inilabas kayo sa Egipto mula sa pagkaalipin. Sapagkat inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa.
Kayo Panginoon ang Dios. Kayo ang lumikha ng langit at ng mundo. Hindi nʼyo ginawa ang mundo nang walang nabubuhay. Ginawa nʼyo ito para matirhan. Sinabi nʼyo, “Ako ang Panginoon at wala nang iba pa.
Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem! Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan, at kayoʼy kanyang pinagpapala.
Ang kaalamang ito ay mula sa Panginoong Makapangyarihan. Napakabuti ng kanyang mga payo, at kahanga-hanga ang kanyang kaalaman.
Pero sumagot ang Panginoon, “Makakalimutan ba ng isang ina ang kanyang anak? Hindi ba niya pagmamalasakitan ang isinilang niyang sanggol? Maaaring makalimot ang isang ina, pero ako, hindi makalilimot sa inyo! “O Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip na maitayong muli ang iyong mga pader.
Ikaw lang po ang Panginoon. Ginawa nʼyo ang kalangitan, ang lupa, ang dagat, at ang lahat ng mga naroroon. Binigyan nʼyo po ng buhay ang lahat ng inyong nilikha, at sinasamba kayo ng mga anghel sa langit.
Ang Panginoon ang aking kalakasan at siya ang aking awit. Siya ang nagligtas sa akin. Naririnig ang masayang sigawan ng mga mamamayan ng Dios sa kanilang mga tolda dahil sa kanilang tagumpay. Ang Panginoon ang nagbigay sa kanila ng tagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan! Ang kapangyarihan ng Panginoon ang nagbibigay ng tagumpay!
Pero, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang gumawa sa aming lahat.
At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok, huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios. Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon, at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
Magtiwala kayo sa Panginoon, at sa kanyang kalakasan. Palagi kayong dumulog sa kanya.
at pananalita, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. Ang matuwid naming pamumuhay ang aming sandata na panlaban at pananggalang sa kaaway.
Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin. Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
Sino itong dumarating mula sa Bozra na sakop ng Edom, na ang maganda niyang damit ay namantsahan ng pula? Dumarating siya na taglay ang kapangyarihan. Siya ang Panginoon na nagpapapahayag ng tagumpay ng kanyang mga mamamayan at may kapangyarihang magligtas.
Sinabi ng Panginoon, “Gagawa ako ng kasunduan sa inyo. Sa harap ng lahat ng kababayan mo, gagawa ako ng mga kamangha-manghang bagay na hinding-hindi ko pa nagagawa sa kahit saang bansa sa buong mundo. Makikita ng mga mamamayan sa palibot ninyo ang mga bagay na gagawin ko sa pamamagitan mo.
Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin. Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina. Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin. Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
Ang walang hanggang Dios ang inyong kanlungan; palalakasin niya kayo sa pamamagitan ng walang hanggan niyang kapangyarihan. Palalayasin niya ang inyong mga kaaway sa inyong harapan, at iuutos niya sa inyo ang pagpapabagsak sa kanila.
at nagsabi, “O Panginoon, Dios ng aming mga ninuno, kayo po ang Dios na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo.
Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin.
Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel, na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
Magtiwala kayong lagi sa Panginoon, dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman.
Siya ang nagbabago ng panahon. Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono. Siya ang nagbibigay ng karunungan sa marurunong.
Bakit hindi ninyo ako pinansin noong dumating ako? Bakit hindi kayo sumagot noong tinawag ko kayo? Hindi ko ba kayo kayang iligtas? Kaya ko ngang patuyuin ang dagat sa isang salita lang. At kaya kong gawing disyerto ang ilog para mamatay ang mga isda roon.
Umaawit sila ng awit ni Moises na lingkod ng Dios, na siya ring awit ng Tupa. Ito ang awit nila: “Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat, kahanga-hanga ang inyong mga gawa! Hari kayo ng lahat ng bansa, ang mga pamamaraan ninyo ay makatarungan at tama! Sino ang hindi matatakot at hindi magpupuri sa inyo? Kayo lang ang banal. Lalapit at sasamba sa inyo ang mga tao sa lahat ng bansa, sapagkat nakita na ng lahat ang matuwid ninyong gawa.”