Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.
Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman.
Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.”
Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya.
Kaya't tulad ng sinabi ng Espiritu Santo, “Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo, huwag patigasin ang inyong mga puso, tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat.
Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.
Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam. Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap.
Makinig kayo at lumapit sa akin. Sundin ninyo ako at magkakaroon kayo ng buhay! Isang walang hanggang kasunduan ang gagawin natin; pagtitibayin ko ang aking walang hanggang pag-ibig kay David.
“Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato.
Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin, para tulungan ang mahihina. Tuwing umaga'y nananabik akong malaman kung ano ang ituturo niya sa akin.
Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig, sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig.
Ngunit sumagot siya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan, kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.
“Kung susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo. Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin. Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa. Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan. “Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito: “Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid. “Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon. “Susumpain niya kayo at magkakaroon lamang kayo ng iilang anak, mahinang ani, at kaunting alagang hayop. “Mabibigo kayo sa lahat ng inyong gagawin. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.
Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula; sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa, kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!” Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”
Aking anak, ang mga pangaral ko ay dinggin mo, at ang aking mga utos, ingatan nga at sundin mo. Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan, madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman. Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat, ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas. Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay, at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan; ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan, na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman, mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan, ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan. Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan, sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan. Malalayo ka sa babaing mahalay, at sa kanyang pang-aakit ay hindi ka maaakay. Siya ay babaing hindi tapat sa asawa; ang sumpaan sa altar ay binaliwala niya. Kaya naman ang landas niya'y patungo sa kamatayan, at ang kanyang buhay ay tungo sa kawakasan. Sinumang maakit niya ay tuluyang natatangay, at hindi na makakabalik sa maayos na pamumuhay. Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong karunungan, at ito ay isipin nang iyong maunawaan. Kaya nga, tahakin mo ang landas ng kabutihan, huwag itong hiwalayan hanggang hininga ay mapatid. Pagkat ang mabuting tao'y magtatagal sa daigdig, ang may buhay na matapat ay hindi matitinag. Ngunit ang masama sa lupai'y mawawala, bubunutin pati ugat ng lahat ng mandaraya. Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman, pang-unawa'y pilitin mong makita at masumpungan. Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin, at tulad ng ginto, na iyong miminahin, malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh, at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos.
Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal,
Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso.
Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos. Walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan, at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.
“Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo.
Magsalita man siya sa iba't ibang paraan, hindi pa rin natin ito lubos na mauunawaan. Nagsasalita siya sa panaginip at pangitain, sa kalaliman ng gabi, kapag ang tao'y nahihimbing.
Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. Kapag hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin.
Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
“Kaya't pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”
Aakayin ko ang mga bulag, sa mga daang hindi nila nakikita. Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila, at papatagin ko ang mga daang baku-bako. Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila.
Ang sabi niya, “Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot.”
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita yaong pag-ibig mo na lubhang dakila. Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik, patnubayan ako sa daang matuwid.
May kapatid siyang si Maria na naupo sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo.
Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito.
ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.
Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang, ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan. Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan, nagbibigay ng talino sa payak na isipan. Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran, ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban. Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama, nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral; sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman.
“Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan.
Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito.
Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi. Huwag itong babayaang mawala sa paningin, sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, humiling at sumamo sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos.
Ito nga ang sinasabi sa kasulatan, “Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso, tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”
Ganito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel, ni Yahweh na sa iyo'y tumubos: “Ako ang iyong Diyos na si Yahweh. Tuturuan kita para sa iyong kabutihan, papatnubayan kita sa daan na dapat mong lakaran. “Kung sinusunod mo lang ang aking mga utos, pagpapala sana'y dadaloy sa iyo, parang ilog na hindi natutuyo ang agos. Tagumpay mo sana ay sunud-sunod, parang along gumugulong sa dalampasigan.
Pinapanumbalik ang aking kalakasan, at pinapatnubayan niya sa tamang daan, upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin. Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga nagtataglay ng Espiritu.
Aking anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin, at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil, pagkat lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan, tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.
Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, “Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin; kayo'y aking palalakasin at patatatagin.” Ngunit kayo'y tumanggi.
Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos.
“At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay, ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan; Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi, di ko inilihim, hindi ko sinarili; pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat, sa mga lingkod mo'y isinisiwalat. Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin; wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman. Kay rami na nitong mga suliranin, na sa karamiha'y di kayang bilangin. Alipin na ako ng pagkakasala, na sa dami, ako'y di na makakita; higit pa ang dami sa buhok sa ulo, kaya nasira na pati ang loob ko. Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan. Nawa ang may hangad na ako'y patayin, bayaang malito't ganap na talunin. Yaong nagagalak sa suliranin ko, hiyain mo sila't bayaang malito! Silang nangungutya sa aki'y bayaang manlumo nang labis, nang di magtagumpay! Silang lumalapit sa iyo'y dulutan ng ligaya't galak na walang kapantay; bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!” ng nangaghahangad maligtas na kusa. Ako ma'y mahirap at maraming kailangan, subalit hindi mo kinalilimutan. Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas— Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal! sa balong malalim na lubhang maputik, iniahon niya at doo'y inalis. Ligtas na dinala sa malaking bato, at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito.
Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin, huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw. Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip. Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay, sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay alalay.
Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat, ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat, umaalingawngaw at naririnig ng lahat. Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan, at punung-puno ng kadakilaan.
Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.
Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.
Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan, manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa. Dapat nang talikuran ang mga gawain ng taong masama, at dapat magbago ng pag-iisip ang taong liko. Sila'y dapat manumbalik, at lumapit kay Yahweh upang kahabagan; at mula sa Diyos, makakamit nila ang kapatawaran.
Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay, at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at ito ang nagbibigay-buhay.
Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan, ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.
Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.”
ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo.
Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng itinuturo niya ay totoo, at walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.
Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama, ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.
Gayunman, matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin.
Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”
Kung susundin ninyo ako at magiging tapat sa ating kasunduan, kayo ang magiging bayang hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi.
Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon, pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Muling pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.” At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus. Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”
Kay Yahweh tayo'y magtiwala! Manalig sa kanya at huwag manghinawa. Kay Yahweh tayo magtiwala!
May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.
sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan, taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
Ang iyong sarili'y sa kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala. Ang kabutihan mo ay magliliwanag, katulad ng araw kung tanghaling-tapat. Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya; huwag mong kainggitan ang gumiginhawa, sa likong paraan, umunlad man sila.
Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit.
Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo, at pagdating ng araw, pakikinabangan mo. Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran, buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
Pakinggan mo at pag-aralang mabuti ang aking mga ituturo. Ito'y magdudulot sa iyo ng kaligayahan kung isasaulo mo.
Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo.
Si Yahweh lamang ang inyong sundin. Matakot kayo sa kanya at sundin ninyo ang kanyang mga utos. Paglingkuran ninyo siya, at manatili kayong tapat sa kanya.
Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama, at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa. Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya at hindi nakikisangkot sa gawaing masama. Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh. Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
“Subalit pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga!
Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.
Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw.
Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.
O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Ako nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay, matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa ang pagsunod sa kanya? Mas mabuti ang pagsunod kay Yahweh kaysa paghahandog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa.
Sapagkat si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan, sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal. Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay, at ang taong matapat ay kanyang iingatan.
Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”
sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan. Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos,
Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako! Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag, ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan, kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,” sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala, huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita. Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay.
Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos.
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala.
Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan.
Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot.
Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa pagiging matuwid?
Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman.
Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari.
Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan, at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay. Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod, buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga, bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan, ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.
Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin, lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim;
Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat, kaya't ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, at dumaraing sa paraang hindi natin kayang sambitin.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan, Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan. Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan. Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan. Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis. Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin. Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan. Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!” ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.
Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.”
Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal, kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos, O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)
Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
“Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.
at sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod at marinig ang kanyang tinig.