“Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
sa Diyos na lumikha niyong kalangitan, ng lupa at dagat, at lahat ng bagay. Ang kanyang pangako ay maaasahan.
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
Si Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan. Siya'y aking Diyos na aking pupurihin, Diyos ng aking ama, aking dadakilain.
Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso.
Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Kung tayo man ay hindi tapat, siya'y nananatiling tapat pa rin sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”
Ang sagot ni Yahweh, “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.
Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan, ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan. (Shin)
Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak, at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak; iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita? Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto, at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay?
Si Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan, at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.
At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
Makinig kayo at lumapit sa akin. Sundin ninyo ako at magkakaroon kayo ng buhay! Isang walang hanggang kasunduan ang gagawin natin; pagtitibayin ko ang aking walang hanggang pag-ibig kay David.
at nanalangin ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo.
Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang lumakas dahil sa kanyang pananampalataya at nagpuri pa sa Diyos. Lubos siyang naniwala na tutuparin ng Diyos ang ipinangako nito.
Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.
Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao. Anumang sabihin niya'y kanyang gagawin, kung mangako man siya, ito'y kanyang tutuparin.
Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya.
Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan.
Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan, hindi magbabago. Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat, ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Kaya't pakatatandaan ninyong si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos, at siya ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig sa kanya at sumusunod sa kanyang mga tuntunin. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi.
Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig, ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan. Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais.
Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin.
“Purihin si Yahweh! Tinupad niyang lahat ang kanyang mga pangako, at binigyan ng kapayapaan ang bayan niyang Israel. Sa lahat niyang mga pangako kay Moises, wala isa mang nasira.
Napakabuti ni Yahweh, pag-ibig niya'y walang hanggan, pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.
O Yahweh, ikaw ang aking Diyos; pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan; sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa; buong katapatan mong isinagawa ang iyong mga balak mula pa noong una.
“Si Yahweh ang inyong batong tanggulan, mga gawa niya'y walang kapintasan, mga pasya niya'y pawang makatarungan; siya'y Diyos na tapat at makatuwiran.
Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan. Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan laban sa masama, ipagsasanggalang; sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan. Ang iyong sarili'y sa kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang, pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan; dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan, ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
“Tama ka,” ang sabi ni Yahweh, “sapagkat ako'y magbabantay upang matiyak na matutupad nga ang aking mga sinasabi.”
Si Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat.
at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling.
Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago; ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
May tinawag na akong mandirigma sa silangan, siya ay darating na parang ibong mandaragit, at isasagawa ang lahat kong balak. Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad.
“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya.
Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat, ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas, at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain; ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan.
Mula pagkabata't ngayong tumanda na, sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya; o ang anak niya'y naging hampaslupa.
May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin;
Kay sagana ng mabubuting bagay, na laan sa mga sa iyo'y gumagalang. Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob, matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
“Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan, sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang aking tagapagligtas.
Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama.
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig, ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho, at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.” Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.
Ang lahat ng taong wasto ang gawain, ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil. Sila'y iingatan magpakailanman, ngunit ang masama ay ihihiwalay.
Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako.
dahil sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman, ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang, ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan. Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan, nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo.
Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa, at maaasahan ang kanyang salita! Siya ay kalasag ng mga umaasa, at ng naghahanap ng kanyang kalinga.
Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan; sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan; mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.
Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin. Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan. Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”