Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan?
Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako, sa aking paglakad ay inaakay mo. Ang mga payo mo'y umakay sa akin, marangal na ako'y iyong tatanggapin.
Ngunit alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas, na magtatanggol sa akin pagdating ng wakas. Pagkatapos na maubos itong aking buong balat, makikita ko ang Diyos kahit laman ay maagnas.
Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig, huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
“Gayundin naman kayo, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli tayong magkikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman.
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw, at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho; si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw, at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala.
Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo.
Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa. Makakamit natin ang isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo.
Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw na harapan nating makikilala ang Diyos. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo, mula ngayon, mapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga! Matatapos na ang kanilang paghihirap sapagkat ang kanilang ginawa ang magpapatunay sa kanilang katapatan.”
Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit, subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik, upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid. Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan, ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.
Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin.
Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
ganito ang kanyang sagot, “Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo.
Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos, katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
“Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos, ang Diyos na walang hanggan. Matataas at banal na lugar ang aking tahanan, sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama, aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa.
Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa.
Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling. Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha. Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin. Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila, Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit, padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid; maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim, at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning, madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
Sa mga kaaway ipinaubaya, sinubok mo kami sa apoy at baha, bago mo dinala sa dakong payapa.
At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay nakaranas ng pagtukso at paghihirap.
Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas, si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat! Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.
Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga, makikigalak pati mga binata't matatanda; ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa, aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Sila'y gagabayan niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
“Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusugin ng Diyos! “Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo'y bibigyang kagalakan!
Nakakita ng isang maningning na liwanag ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman; sumikat na ang liwanag sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim.
Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing, pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.
“Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit. Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.” “Sinabi rin naman, ‘Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, maliban kung ito ay nangangalunya, itinutulak niya ang kanyang asawa sa kasalanang pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” “Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; o kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lunsod ng dakilang Hari. Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. “Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
Subalit tulad ng nasusulat, “Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”
Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon, pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Ang hirap na ito'y aking nalalaman, na tanging ako rin ang makikinabang. Iyong iniligtas ang buhay na ito, hindi mo hinayaang mahulog sa hukay, at pinatawad mo ako sa aking mga kasalanan.
Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay.
Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno; maibabalik ko pa ba ang kanyang buhay? Balang araw, susunod ako sa kanya ngunit hindi na siya makakabalik sa akin.”
Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo.
Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala, pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.
Ang mga tinubos ninyo'y babalik sa Jerusalem, magsisigawan sa galak, umaawit sa tuwa. Ang mamamalas sa kanilang mukha ay walang hanggang galak, at sa puso nila ang lungkot at hapis ay mawawalang lahat.
Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay.
ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina, kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka. Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig, kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.
Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit di kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag kami, ngunit di nawawalan ng pag-asa. Inuusig kami, ngunit hindi kami pinababayaan ng Panginoon. Napapabagsak kami, ngunit di tuluyang napapatay.
Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa kanya.
Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa; tulong na malaki at sanggalang siya. Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa; sa kanyang pangalan ay nagtitiwala. Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig, yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad; hahanapin ko ang dakong panatag.
Lubusan nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan, at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata. Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin.
Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon. Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Malakas nga ang loob nating iwanan ang katawang ito na ating tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon.
Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan, matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.
Ang taong matuwid kapag namamatay, walang nakakaunawa at walang nakikialam; ngunit siya'y kinukuha upang iligtas sa kapahamakan. Lubha kayong nagpagod sa maraming lakbayin, at kailan ma'y hindi sinabi na wala na itong pag-asa. Kayo ay nagpanibagong-lakas, at dahil dito ay hindi nanghina. Ang tanong ni Yahweh, “Sino ba ang inyong kinatatakutan kaya nagsinungaling kayo sa akin at lubusang tumalikod? Matagal ba akong nanahimik kaya kayo tumigil ng pagpaparangal sa akin? Akala ninyo'y tama ang inyong ginagawa. Ibubunyag ko ang masama ninyong gawa; at tingnan ko lang kung tutulungan kayo ng mga diyus-diyosang iyan. Ang diyus-diyosang tinatawag ninyo'y hindi makatutulong o makakapagligtas, kahit kayo'y managhoy; ang mga diyos ninyo'y lilipad kung hangin ay umihip, kaunting ihip lamang, sila'y itataboy. Subalit ang taong sa aki'y may tiwala at laging umaasa, ang banal na bundok at ang lupaing ito'y mamanahin niya.” Ang sabi ni Yahweh: “Ang mga hinirang ay inyong bayaang magbalik sa akin, ang bawat hadlang sa daan ay inyong alisin; ang landas ay gawin at inyong ayusin.” “Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos, ang Diyos na walang hanggan. Matataas at banal na lugar ang aking tahanan, sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama, aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa. Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan, sila'y hindi ko patuloy na uusigin; at ang galit ko sa kanila'y hindi mananatili sa habang panahon. Nagalit ako sa kanila dahil sa kanilang kasalana't kasakiman, kaya sila'y aking itinakwil. Ngunit matigas ang kanilang ulo at patuloy na sumuway sa akin. Sa kabila ng ginawa nila, sila'y aking pagagalingin at tutulungan, at ang nagluluksa'y aking aaliwin. Bibigyan ko ng kapayapaan ang lahat, maging nasa malayo o nasa malapit man. Aking pagagalingin ang aking bayan. Mapayapa ang buhay, ng taong lumalakad sa katuwiran kahit siya'y mamatay.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan, ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot.
Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin balang araw.
Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay makatulong naman tayo sa mga nahahapis.
At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa kanya.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay. Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? Ayon sa nasusulat, “Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.” Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis, sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.
O langit, magpuri ka sa tuwa! Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok, sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang, sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki, kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat, pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw. Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
Kung tayo'y nabubuhay, sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon.
Ang kanyang galit, ito'y panandalian, ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan. Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
Naniniwala akong bago ako mamatay, kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan. Kay Yahweh tayo'y magtiwala! Manalig sa kanya at huwag manghinawa. Kay Yahweh tayo magtiwala!
Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.
Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang; sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi, upang pagalingin ang mga sugatang-puso, upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya. Buong puso akong nagagalak kay Yahweh. Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran, gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak, gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas. Kung paanong sa lupa'y sumisibol ang halaman, at sa hardin ay lumilitaw ang binhing itinanim, ipapakita ng Panginoong Yahweh, ang kanyang katuwiran at papuri sa harap ng lahat ng bansa. Sinugo niya ako upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ni Yahweh; at ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway; sinugo niya ako upang aliwin ang mga nagluluksa;
At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa; ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya. Huwag kang magtiwala sa gawang marahas, ni sa panghaharang, umasang uunlad; kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan ang lahat ng ito'y di dapat asahan. Hindi na miminsang aking napakinggan na taglay ng Diyos ang kapangyarihan, at di magbabago kanyang pagmamahal. Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo. Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
“Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.