At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan, ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.
Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya kami sa aming mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay maaliw naman namin sa mga nahahapis.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay. Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin.
At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos upang isama kay Jesus ang lahat ng mga namatay na sumasampalataya sa kanya.
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala. Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman, sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
“Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.” “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo. “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo. “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.” Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya. Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay sumampalataya kayo sa akin. At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon.
Do'n sa mga burol, ako'y napatingin— sasaklolo sa akin, saan manggagaling? Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula, sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Nawa'y sumainyong lahat ang Panginoon.
Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa; ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya. Huwag kang magtiwala sa gawang marahas, ni sa panghaharang, umasang uunlad; kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan ang lahat ng ito'y di dapat asahan. Hindi na miminsang aking napakinggan na taglay ng Diyos ang kapangyarihan, at di magbabago kanyang pagmamahal. Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo. Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
Kay Yahweh tayo'y magtiwala! Manalig sa kanya at huwag manghinawa. Kay Yahweh tayo magtiwala!
Si Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!” “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos, katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
“Gayundin naman, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.
Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan, sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan; sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!
Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon.
Lubusan nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan, at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata. Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan?
Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin.
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin.
Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang; sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi, upang pagalingin ang mga sugatang-puso, upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya. Buong puso akong nagagalak kay Yahweh. Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran, gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak, gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas. Kung paanong sa lupa'y sumisibol ang halaman, at sa hardin ay lumilitaw ang binhing itinanim, ipapakita ng Panginoong Yahweh, ang kanyang katuwiran at papuri sa harap ng lahat ng bansa. Sinugo niya ako upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ni Yahweh; at ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway; sinugo niya ako upang aliwin ang mga nagluluksa; upang pasayahin ang mga tumatangis sa Zion, kaligayahan sa halip na bigyan ng kapighatian, awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan; matutulad sila sa mga punong itinanim ni Yahweh, na ginagawa kung ano ang makatuwiran, at maluluwalhati ang Diyos dahil sa kanilang ginawa.
Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay, ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan; Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi, di ko inilihim, hindi ko sinarili; pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat, sa mga lingkod mo'y isinisiwalat. Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin; wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman. Kay rami na nitong mga suliranin, na sa karamiha'y di kayang bilangin. Alipin na ako ng pagkakasala, na sa dami, ako'y di na makakita; higit pa ang dami sa buhok sa ulo, kaya nasira na pati ang loob ko. Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan. Nawa ang may hangad na ako'y patayin, bayaang malito't ganap na talunin. Yaong nagagalak sa suliranin ko, hiyain mo sila't bayaang malito! Silang nangungutya sa aki'y bayaang manlumo nang labis, nang di magtagumpay! Silang lumalapit sa iyo'y dulutan ng ligaya't galak na walang kapantay; bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!” ng nangaghahangad maligtas na kusa. Ako ma'y mahirap at maraming kailangan, subalit hindi mo kinalilimutan. Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas— Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal! sa balong malalim na lubhang maputik, iniahon niya at doo'y inalis. Ligtas na dinala sa malaking bato, at naging panatag, taglay na buhay ko. Isang bagong awit, sa aki'y itinuro, papuri sa Diyos, ang awit ng puso; matatakot ang bawat makakasaksi, at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya.
“Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.
Di niya ako hahayaang mabuwal, siya'y di matutulog, ako'y babantayan. Ang tagapagtanggol ng bayang Israel, hindi natutulog at palaging gising!
Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki, kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
“Tunay ngang inalis niya ang ating mga kahinaan, pinagaling niya ang ating mga karamdaman. Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya. Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang, at maging sa lupa'y, aking kailangan? Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man, ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid.
Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak, at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak; iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama.
Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw.
O langit, magpuri ka sa tuwa! Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok, sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang, sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit, padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid; maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim, at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning, madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
“Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos, ang Diyos na walang hanggan. Matataas at banal na lugar ang aking tahanan, sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama, aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa.
Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon, pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong. Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.
Subalit tulad ng nasusulat, “Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”
Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo.
Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid, at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus,
Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon?
Ang tahanang-lunsod ay di masisira; ito ang tahanan ng Diyos na Dakila, mula sa umaga ay kanyang alaga.
Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan, pagkat nangungulila at nanlulupaypay. Pagaanin mo ang aking mga pasanin, mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos.
Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot,
“Pinagpala ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat sila'y bibigyang kasiyahan ng Diyos.
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin;
Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’ “Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling;
Kay sagana ng mabubuting bagay, na laan sa mga sa iyo'y gumagalang. Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob, matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya, gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya. Alam niya na alabok itong ating pinagmulan, at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.
Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.
napakita ako sa kanila mula sa malayo; sa simula pa'y inibig ko na sila kaya patuloy akong magiging tapat sa kanila.
Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan?
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita yaong pag-ibig mo na lubhang dakila. Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik, patnubayan ako sa daang matuwid.
Sinabi ni Yahweh, “Ako ang nagbibigay ng iyong lakas. Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao? Mamamatay rin silang tulad ng damo.
sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Muling nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.”
Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon
Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.
Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis, sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.
sapagkat napapagtagumpayan ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.
Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan.
Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo.
Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,” dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag. Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y litung-lito at hindi alam ang gagawin, parang mga tupang walang pastol.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
sa kapahamakan at kahirapan. Hindi isang anghel, kung hindi si Yahweh mismo ang nagligtas sa kanila; iniligtas sila dahil sa pag-ibig niya't habag, na sa simula pa ay kanya nang ipinakita.
Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon.
Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.
ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.”
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’”
Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit, subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik, upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid. Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan, ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.
Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain
Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan, sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang aking tagapagligtas.
“Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin.
Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay.
Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan.
Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait, wagas ang pag-ibig, di madaling magalit, lubhang mahabagi't banayad magalit.
Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka, sapagkat mahalaga ka sa akin; mahal kita, kaya't pararangalan kita.
Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.
nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.
Matutuwa ako at magagalak, dahil sa pag-ibig mong wagas. Paghihirap ko'y iyong nakikita, alam mo ang aking pagdurusa.
Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.
Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.”
ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo.
Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Kung itong si Yahweh ang aking kasama at laging kapiling, walang pagkatakot sa aking darating.
Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago.
Kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.
Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang, ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.