Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin.
Sapagkat namumuhay tayo batay sa pananampalataya sa Panginoon at hindi sa mga bagay na nakikita.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa, maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa.
Si Yahweh ang lakas ko at kalasag, tiwala ko'y sa kanya nakalagak. Tinutulungan niya ako at pinasasaya, sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang.
At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya?
Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon, pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Magalak kayong lagi,
palagi kayong manalangin,
at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.
Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo.
Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw.
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan; Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.
Kaya't buong tapang nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
Mga anak, kayo nga'y sa Diyos na at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan.
Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo; ingatan mo kami araw-araw at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng hindi nagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa.
Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang maipahayag ninyo at maisagawa ang lahat ng mabuti.
Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong paghihirap para sa kanya.
At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay, kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
Ngunit magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob. Gagantimpalaan kayo dahil sa inyong mga ginagawa.”
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot.
Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban.
Kaya't si Yahweh ay aking tinawag; sa aking paghihirap, humingi ng habag. Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig, pinakinggan niya ang aking paghibik.
Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.
Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan.
Nagpapatuloy nga ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit.
Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin.
Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
Sinabi ni Yahweh, “Ako ang nagbibigay ng iyong lakas. Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao? Mamamatay rin silang tulad ng damo.
Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
Binabanggit namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawaing bunga ng inyong pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya, gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan; sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan; mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban, ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan.
Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas; lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.
At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan, ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.
Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga.
At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa.
Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas.
Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.”
Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”
Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon.
Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”
Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.
Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat ang nangako sa atin ay maaasahan.
Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan; magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay, ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.
Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit di kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag kami, ngunit di nawawalan ng pag-asa.
Inuusig kami, ngunit hindi kami pinababayaan ng Panginoon. Napapabagsak kami, ngunit di tuluyang napapatay.
Ang kanyang galit, ito'y panandalian, ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan. Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.
At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin balang araw.
Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo.
Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin;
ganito ang kanyang sagot, “Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo.
Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
Maguguho ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig, ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho, at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.” Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.
Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo.
Nang ako'y magipit, ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag; sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
Kung itong si Yahweh ang aking kasama at laging kapiling, walang pagkatakot sa aking darating.
Mapalad ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya.
Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan, sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang aking tagapagligtas.
Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang, ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan.
Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay makatulong naman tayo sa mga nahahapis.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay. Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala.
Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin.
“Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan.
Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa.
Aking aaliwin ang Jerusalem; at ang lahat ng nakatira sa gumuhong lunsod. Mula sa pagiging tila disyerto, gagawin ko itong tulad ng Halamanan ng Eden. Maghahari roon ang kagalakan at pagpupuri, ang awitan at pasasalamat para sa akin.